Ang Kalayaan ng Bawat Isa

Sa bawat pagpintig ng puso,
lungkot at takot ang lumulukso;
Simula nang dayuha’y yumapak sa bansa,
ang dating ligaya’y naging mapagbahala;
Sari-saring unos ang mga nagsulputan,
pati mga bagyo’t buhawi’y ating pinasan.

Sa tindi ng dagok ay hindi natiis,
umusbong ang mga bayaning may hinagpis;
Tanging hiling nila kalayaa’y makamit
para sa bayang laya’y pinagkait;
Binihisan nila ang bayang dati’y hubad
sapagkat malasakit nila’y nabibilad.

Sa ngayong tayo’y mayroon nang kapayapaan,
buong pasasalamat nating pagsaluhan;
Huwag nating sayangin ang pagkakataon,
bigyang halaga ang kagitingan sa bawat panahon;
Kalayaan para sa akin, sa iyo, at sa bawat isa,
huwag nating pawiin ang taglay nitong pag-asa.

Leave a comment