Paradigma ng Edukasyong Pilipino: Susi sa Pagbabagong-Anyo ng Kultura ng Lahing Pilipino

Hindi ko mapigilang mag-isip at magtanong sa aking sarili. Bakit nakatuon sa Paradigma ng Edukasyong Pilipino ang paksa ng paligsahang ito? Bakit ito pa ang pinagtutuunan natin ng pansin sa halip na ang mas malalaki at mahahalagang paksang dapat talakayin? Nariyan ang usapin tungkol sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin; ang usapin tungkol sa E-VAT; ang kaliwa’t kanang welga sa Mendiola; o dili kaya ay ang walang katapusang bangayan kung nandaya nga ba si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa nakaraang eleksyon. At marami pang ibang napapanahong paksa.

Hindi pa man idinaraos ang paligsahang ito, pakiramdam ko’y nakikipagtunggali na ako sa hindi ko nakikitang kalaban. Muli kong binalikan at matamang nilimi ang paksang: “Paradigma ng Edukasyong Pilipino: Susi sa Pagbabagong-Anyo ng Kultura ng Lahing Pilipino.”

Natigilan akong matagal. Nag-iisip. At tulad ng isang batis na malabo, unti-unting lumilinaw sa akin ang paksa. Nakita kong napapanahon, mahalaga, at may pambansang katuturan. Nakita ko ang pagbagsak ng katahimikan at kaayusang pampubliko dulot ng kawalan ng pagkakaisa. Nakita ko ang pagkaagnas ng moralidad sa ating lipunan at ang laganap na kahirapan sa buhay ng mga mamamayan dulot naman ng kawalan ng pag-asa at pag-unlad.

Tingnan ninyo! Hayon ang ibang mga pulitikong kunwari’y naglilingkod sa bayan. Sa halip na bumuo ng matitibay na pundasyon tungo sa pagkakaisa at pag-unlad ay sila pang sumisira nito.

Nakikita ba ninyo sa telebisyon, nababasa ba ninyo sa pahayagan, naririnig ba ninyo sa radyo na ang tanikala ng kahirapan ay patuloy na nakagapos sa ating bansa? Narinig ko bang sumagot kayo ng hindi? O narinig kong nariyan ang “Hello Garci Tape”?

Nakalulungkot isipin ngunit kailangan nating tanggapin ang katotohanan na ito ang kasalukuyang kultura ng ating lahi sa modernong panahon.

Mga kaibigan, huwag tayong dapat mawalan ng pag-asa sa kabila ng mga suliraning bangungot na tumatakot sa ating bayan.

Ang kailangan ng ating bansa ay isang radikal na pagbabagong moral. Mag-aral tayong mabuti at pahalagahan ang tunay na diwa ng edukasyon. Sa pamamagitan ng edukasyon, nililinang ang ating isipan, hinahaplos ang ating puso, at binabago ang ating buhay…lalo na ng mga kabataan na siyang susunod na mamamahala sa ating bayan.

Oo, kabataan ang pag-asa ng bayan! Ngunit edukasyon ang pag-asa ng kabataan! Ito ang magsisilbing susi upang maimulat ang ating mga mata, pahalagahan ang kahalagahang panlipunan, matutong makipagkapwa at makipagpaligsahan nang marangal katulad ng talumpatiang ito.

Kung totoo, at talaga namang katotohanan na tanging ang salitang pagbabago lamang ang hindi nagbabago sa mundo, ang pagtugon natin sa pagbabago sa pamamagitan ng edukasyon ay dapat manatiling may timbang, dapat na manatiling may bigat, at dapat lumaging nangangabay sa prinsipyo ng pag-unlad.

Sa ganitong kalagayan, ano ang hamon sa atin ng pagkakataon? Ano ang tungkuling dapat isabalikat pa? Ano ang nararapat nating gawin? Ang sagot ay payak at malinaw: huwag tayong matakot sa pananagutan, buong tatag tayong mag-aral upang isulong ang pagbabago sa kultura ng lahing Pilipino.

Ngayon, ituro ninyo sa akin ang mga kabataang hinubog ng edukasyon, hindi lamang sa agham at sining kundi lalo’t higit sa mabuting pag-uugali at ituturo ko naman sa inyo ang isang bansang tumutugon sa malawak na pagbabago tungo sa pagkakaisa at pag-unlad bilang tunay na kultura ng lahing Pilipino.

 

(binigkas noong Nobyembre 9, 2005 | Dr. Yanga’s Colleges, Bocaue, Bulacan)

 BULPRISA: Nakatutugon sa mga Pagbabago Tungo sa Pagkakaisa at Pag-unlad

Leave a comment