“Siya ay matutulad sa isang punongkahoy na nakatanim sa tabi ng tubig na ang kanyang mga ugat ay pinaaabot niya sa tabing batis. Hindi ito natatakot dumating man ang init; ang mga dahon niya ay laging sariwa. Hindi ito nag-aalala kahit magtuyot ng isang taon at hindi tumitigil sa pamumunga.” (Jeremias 17:8)
Sa simula pa ay nilikha na ng Panginoong Diyos ang langit at lupa at ang buhay na kaugnay nito kasama ang bawat bukas na darating sa pamamagitan Niya at para sa Kanya. “Ang Panginoon ay gumagawa sa lahat ng bagay para sa Kanyang kapakanan.” (Mga Kawikaan 16:4)
Ikaw at ako ay kasama sa Kanyang mga nilikha kaya’t kabilang tayo sa mga “taong mapapalad na nagtitiwala sa Panginoon at ang pag-asa ay nakasalalay sa Kanya” upang sa gayon ay matulad sa isang malusog na punongkahoy. Ikaw at ako ay mga binhing inihasik Niya sa matabang lupa at pagdating ng tamang panahon ay magbubunga nang masagana.
Ang puno ay itinanim ng isang mapagpalang kamay. Pinasisikat ang araw at ibinubuhos ang ulan upang ang puno ay ganap na mabuhay sa biyaya ng kalikasan. Ikaw at ako ay isinilang at nasilayan ang daigdig habang humihinga dulot ng biyaya ng pag-ibig. Ang puno ay umusbong upang gampanan ang kanyang tungkulin sa ibabaw ng lupa. Habang lumalaki at yumayabong ang puno ay lalong nadaragdagan ang kanyang gampanin. Ang tao, habang nabubuhay sa daigdig ay lalong lumalaki ang pagkakataon upang maisakatuparan ang kanyang tungkulin at layunin.
Inaasahan ng Diyos ang ating pagsilang. Hindi ito isang ganap na pagkakataon lamang kundi sadyang nasusulat sa kapalaran ng mundo. Ngayon ay nasisilayan natin ang kariktan ng ating paligid subalit tayo ay nakayapak sa mga lupa hindi upang magliwaliw at magnasa ng makamundong kayamanan sapagkat “ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama.” (I Juan 2:15)
Ikaw ay inihatid Niya sa daigdig sapagkat sa katotohanang ikaw, tulad ko, ay may sariling kapakinabangan sa Kanya at para sa Kanya.
Kahit maliliit na bato at mga damo sa parang ay malaki ang kapakinabangan, ano pa kaya ang mga taong kawangis Niya?
Sapagkat walang munti man sa paningin ng Diyos. Lahat ay mahalaga sapagkat kinalulugdan Niya.
Sa mabilis na paglago ng mga luntiang dahon ng punongkahoy ay kasabay nito ang pamumukadkad ng bulaklak kasunod ang pag-usbong ng mga bunga. Nagagalak ang mga ibong nakadapo sa kanyang mga sanga habang umaawit sa kaligayahan.
Sa mabilis na paglago ng mga busilak na kabutihan ng tao kasabay nito ang pamumukadkad ng pag-asa kasunod ang pag-usbong ng mga bunga ng pag-ibig. Nagagalak ang mga taong umaasa sa kanya habang higit na nagpupuri at nagpapasalamat sa Diyos.
Sa takbo ng panahon ay nagbabago ang kalikasan ng buhay sa anumang pagkakataon. Nananatiling nakakapit sa lupa nang mahigpit ang mga ugat ng punongkahoy upang manatiling matibay sa pagharap sa bawat bagyo at unos. Yumuyukod sa paghampas ng ihip ng hangin upang sa pagdaan nito ay muling makatayo nang matuwid. Nalalaglag ang mga dahon sa taglagas subalit anupa’t muling sisibol sa gitna ng araw.
Ang buhay ng tao ay pagsubok. Humaharap sa mga suliranin. Kinukurot ng pighati. Tinatapik ng tadhana. Nakakapit siya sa Diyos upang taglayin ang sapat na lakas. Nananatili siyang matatag laban sa tukso at kasalanan. Yumuyukod sa paghampas ng kabiguan upang sa pagdaan nito ay muling makabangon nang buo at muling sumibol sa darating na bukas.
Unti-unting natutuklap at nababakbak ang balat ng isang punongkahoy. Ang araw na iyon ay dumating na. Nalalagas na ang mga dahon mula sa natutuyot na mga sanga. Darating pa ba ang tagsibol para sa kanya?
Dumating na nga ang araw na iyon para sa tao. Ikaw at ako ay umaasa sa walang hanggang tanglaw ng liwanag sa paraiso kapiling ang Lumikha. Mapalad nga ang mga anak ng Diyos sapagkat “mapaparam ang sanlibutan at lahat ng kinahuhumalingan nito, ngunit ang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman. (I Juan 2:17)
Ang taong sumusunod sa yapak ng Panginoong Hesu-Kristo upang maisakatuparan ang ating tunay na kapakinabangan sa ibabaw ng lupa ay masusumpungan ang buhay na walang hanggan. Tulad ng punongkahoy sa tabing batis, hindi tayo matatakot dumating man ang tagtuyot sapagkat ang mga dahon nito ay mananatiling sariwa. Ikaw at ako ay magbubunga nang masagana upang kalugdan ng Amang nagbinhi.