Kabataan Bilang Sulo ng Bukas

“Kabataan ang pag-asa ng bayan.”

Bagama’t palasak na sa ating pandinig ang katagang ito na tinuran ng pambansang bayaning si Gat Jose Rizal ay nananatili pa rin ang katotohanang kakambal nito. Sa paglipas ng panahon, patuloy pa ring nangangarap ang Lupang Hinirang ng mga binhing tutubo sa kanyang silong upang yumabong at maghandog ng magagandang bunga.

Kamusta na ang Pilipinas sa kamay ng mga kabataang Pilipino? Sa modernong panahon at sa mabilis na takbo ng globalisasyon, kasabay nito ang pagkawasak ng angking kasaganaan at kapayapaan ng bansa. Masakit man aminin, ngunit kailangan nating tanggapin na unti-unti nang nabubulag ang mga kabataan sa maling pananaw. Dahilan nito mismo ang kanyang lipunang ginagalawan.

Sa tuwing tayo’y magbubuklat ng pahayagan o magbubukas ng telebisyon, karaniwan nang tanawin ang walang humpay na pag-angat ng kriminalidad dulot ng pagkalulong sa masasamang bisyo tulad ng laganap na droga. Ang terorismo ay patuloy na umuusbong sa kasaysayan ng Pilipinas. Pilipino laban sa Pilipino! Paano ba tayong muling magkakaisa?

Nagmistulang mumunting batang nag-aaway-away at nag-iiringan ang mga pinuno ng bansa. Sa halip na bumuo ng isang matibay na pundasyon para sa isang matatag na republika ay siya pang karaniwang bumubuwag nito at pumuputol sa tunay na hangarin ng tunay na pamahalaan. Ang iba sa kanila, marahil ay tunay ngang marami sa kanila na ang pagsisilbi sa kapwa at paglilingkod sa bayan ay isa lamang palabas. Isang hangal na palabas!

Nakalulungkot isipin ang kalagayang ito ng bayan. Naghihikahos si Juan dela Cruz. Hindi alam kung saan sisilong. Nalilito. Nayayamot. Nanghihina. Hindi na alam kung paano baybayin ang salitang kaunlaran sanhi ng patuloy na pagbagsak ng ekonomiya at moralidad sa bansa. Ang lahat ng ito ay ilan lamang sa nakikita at nararanasan, hindi lamang ng mga matatanda, kundi pati ng mga kabataan sa kasalukuyan. May pag-asa pa ba tayong muling makabangon mula sa mahabang panahon ng pagkakadapa?

Malaki. Mayroon pang natitira sa ating mga kamay. Nasaan ang mga kabataan…tayong mga kabatan? Ano ang ating ginagawa? Ano ang ating pinagkakaabalahan?

Malaki ang papel na ginagampanan ng bawat Pilipinong kabataan. Sa darating na bukas, sila ang sulong magsisinag ng liwanag sa bayang sinilangan. Ang mga kabataan ang siyang may hawak ng susi upang buksan ang pinto sa layuning makawala sa madilim na tinatahak at masilayan ang ngiti ng bagong umaga—ang pangako ng bagong lipunan.

Makapagpapasigla sa ating damdamin kung iisipin na may mga kabataan pa ring may pagmamahal sa kanyang bayan. Nabubuhay na baon ang mga pangaral ng kanilang mga magulang. Pumapasok sa paaralan upang pandayin ang kanilang angking talino at kakayahan. Hinuhubog sa tamang pag-uugali na may katapatan sa sarili, pag-ibig sa kapwa, at takot sa Diyos. Iyan ang binhing pinalalago ng mga kabataan. At sa pagdating ng panahon, aanihin nila ang magandang itinanim sa puso upang magsilbing tulay sa kasaganaan at kapayapaan. Sapagkat ang mga kabataang ito ang susunod na tagapamahala ng ating bayan. Sila ang susunod na pinuno ng bansa. Nasa kanilang mga kamay ang pag-asa upang muling makabangon ang Pilipinas.

Kaya’t hindi kataka-taka, sa kabila ng kawalang-pag-asa ng bansa ay mayroon pa ring lunas sa kanser na sumisira sa ating lipunan. Isa itong mabigat na hamon sa hinaharap.

Kabataan, handa ka na ba?

Leave a comment