Imahegonoenyo 2014: Imahe ng Makabayang Pangarap ng mga Kabataan

youthfest 2014

Nagsimula nang buksan nang pormal ang pagdiriwang ng taunang Youthfest para sa mga kabataan ng Hagonoy, Bulacan bilang isa sa mga pangunahing proyekto ng Hagonoy Young Leaders Program (HYLEAP) sa Sangguniaang Bayan Hall, Poblacion, Hagonoy, Bulacan noong ika-6 ng Disyembre, 2014. Ang pagbubukas na ito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng kanyang unang aktibidad para sa buwang ito, ang IMAHEGONOENYO 2014.

imahegonoenyo 2014

Ang IMAHEGONOENYO ay ang taunang “film showing” ng nasabing organisasyon na naglalayong maghikayat ng mga kabataang manonood o mga kababayan sa Hagonoy upang panoorin ang featured films ayon sa tema ng programa. Para sa taong ito, nais ng programa na talakayin ang isyung napapanahon partikular na ang media killings, pagkasangkot ng mga kabataan sa ipinagbabawal na gamot, at pagpapahalaga sa edukasyon. Dahil dito, inimbitahan ng HYLEAP ang mga estudyanteng filmmakers at dokumentarista mula sa Department of Mass Communication ng Centro Escolar University-Malolos upang ipalabas ang kanilang natatanging short film at short documentary.

Para sa tema ng pagkasangkot ng mga kabataan sa droga, ipinalabas ang dalawampung-minutong pelikula ng Stellar Studio- ang SUPRESA. Ito ay istorya ng magkapatid at kung paano sila napasok sa isang gusot sa lipunan na mahirap nang takasan. Mula ito sa direksyon ni Keith Calayag at panulat ni Jennifer Espenida. Matatandaang humakot ng mga parangal ang short film na ito mula sa katatapos lamang na 3rd Centromedia Festival ng CEU Malolos kabilang ang Best Director, Best Screenplay, at Best Film. Sumunod naman ang labinlimang-minutong dokumentaryong DALUYONG NG DAGAT mula sa grupo ng Paragon Productions kung saan tinalakay sa dokumentaryong ito ang kalagayan ng ating mga guro at mag-aaral sa malayong Isla ng Pamarawan ng Malolos na sa kabila ng hirap at mga nakaambang panganib sa dagat ay nandoon pa rin ang pagpapahalaga sa edukasyon. Noong nakaraang 3rd Centromedia Festival, ito ay nagwagi rin ng ilan sa mga awards tulad ng Best Director, Best Host, at Best Documentary mula sa direksyon ni Andrei Dayrit, panulat at hosting ni Leslie Tan.

imahegonoenyo 1imahegonoenyo 2

Mapalad ang IMAHEGONOENYO sa taong ito dahil nakasama natin ang mga nabanggit na filmmakers at dokumentarista at nagbigay ng kanilang “film talk” tungkol sa kanilang mga obra at sumagot ng ilang mga katanungan mula sa mga kabataang manonood at mag-aaral ng iba’t ibang high school sa bayan ng Hagonoy.

imahegonoenyo 6

At ang aking maiksing pelikulang PIETA ay nabigyan muli ng pagkakataong ipalabas at muling naghasik ng “social awareness” para sa isyu naman ng pagpaslang sa ating mga mamamahayag. Sa pamamagitan nito ay naipapakita natin ang patuloy na pagkondena sa mga karumal-dumal at di-nararapat na pagtrato sa mga tagapagbantay ng ating lipunan.

imahegonoenyo 4

Mula sa aming samahan, maraming salamat sa lahat ng aming tagapagtangkilik! Nawa’y ang mga imahe ng ating kasalukuyang lipunan ay magbinhi ng mga makabayang pangarap at paglilingkod. Hanggang sa susunod na edisyon ng IMAHEGONOENYO!

Leave a comment