May mga hindi kanais-nais na ugali si Juan dela Cruz na madalas makikita sa kanya kapag siya ay nasa lansangan. Karamihan sa mga ito tila maliliit na bagay lamang para sa ilan ngunit may malaking repleksyon sa kanyang lipunang ginagalawan. Naglista ako ng pangunahing sampu ayon sa aking sariling obserbasyon at ang lahat ng mga ito ay hindi dapat ikatuwa o ipagmalaki.
1. ANG LANSANGAN AY ISANG MALAKING C.R.
Ginagawang banyo ni Juan ang kanyang paligid. Kahit saan ay umiihi lalung-lalo na ang mga kalalakihan. Kapag tinawag ng kalikasan ay hindi mapigilan kahit saan abutin. Basta’t may poste, damuhan, estero, iskinita, o kaya naman ay gulong ng kanilang sasakyan ay solb na solb na! Ang katwiran ng iba ay kaysa naman daw magkasakit sa bato dahil sa pagpipigil ng ihi.
Ang sa akin lang, hangga’t maaari kung may pagkakataong makahanap ng Comfort Room para tugunan ang kalikasan ay gawin sana natin. Ang iba nga napapansin ko, tatawirin na lang ang urinal na ginawa ng MMDA ay hindi pa magawang puntahan para doon umihi.
Nakakatakot tumira sa isang malaki at mapangheng arinola.
2. ANG BALAT NG KENDI AY HINDI PA MAIBULSA
Bibili ng kendi, babalatan, saka isusubo ni Juan. Ang pinagbalatan ng kendi, ayun! Ikinalat pa! Ang liit-liit na nga ng balat ng kendi ay hindi pa maibulsa para kapag nakakita ng basurahan ay doon sana itatapon.
Simple. Pero. Hindi. Ginagawa.
Maya-maya ay magrereklamo dahil palagi daw baha sa kanilang lugar. Nagtaka pa?
Totoong napakaliit na balat ng kendi lamang iyan para makapagdulot ng baha pero sa pinagsama-samang mga kalat kabilang na ang mga candy wrapper ay maaaring makapagbara ng mga drainage na isa sa mga nagdudulot ng malaking pagbaha sa ating mga lugar.
Ang sa akin lang, hindi naman ikasisira ng ating porma kung ang isang balat ng kendi ay ating ibubulsa kung walang basurahang nakikita. Nayayamot tayo kapag bumabaha sa ating baranggay pero tayo rin naman ang puno’t dulo ng lahat.
At ang cigarette butt, saan din kaya tinatapon?
3. DUMUDURA SA KALSADA NA TILA WALA NANG BUKAS
Madalas kapag ako ay nasa lansangan madalas akong nakakakita ng mga Juan na kung maka-dura ng laway sa kalsada ay tila wala nang bukas! Bukod sa nakadidiring tingnan ang ganitong gawi ay maaari pang magdulot ng sakit sa kapaligiran.
Ang sa akin lang, konting respeto naman sa mga taong dumadaan din sa ating dinadaanan. Kung hindi mapigilan at talagang kailangan nang idura, wala bang sariling panyo o tuwalya para doon muna maglaway? Hindi naman sa ako ay maselan pero para sa akin bahagi pa rin ito ng personal hygiene.
4. ANG FOOTBRIDGE AY ISANG MAHABANG PALENGKE
Ang footbridge ay ginawa para daanan ng mga tao sa kanilang pagtawid pero itong si Juan maglalatag ng banig doon saka idi-display ang kanyang mga paninda. Hindi ko alam kung ito ba ay may permit mula sa lokal na pamahalaan o talagang matigas lang ang ulo ni Juan? Ang nakapagtataka, wala man lamang sumisita sa kanila para ilipat sa mas angkop na lugar sa pagtinda.
Tama. Walang masamang magtinda dahil ito ay isang marangal na hanapbuhay ni Juan. Ang sa akin lang, lumugar. Ang sikip-sikip na nga ng footbridge dahil sa dami ng tao na dumadaan dito dadagdagan pa ng palengke! Dahil dito, mas bumabagal ang daloy ng paglalakad at pagtawid ng mga tao. Parang ekonomiya ng bayan ni Juan, mabagal ang pag-usad.
5. TULAKAN, SIKSIKAN, AT SIKUHAN SA TREN
Sabi nila, ang kalagayan daw ng transportasyon katulad ng tren ay repleksyon ng tunay na kalagayan ng kanyang bansa.
Ngayon, ano ang kalagayan ng bayan ni Juan kapag nakasakay ka ng MRT, LRT, at PNR?
Kabog ang San Juanico bridge sa haba ng pila ng mga gustong makasakay sa MRT lalung-lalo na sa rush hour. Dahil usad-pagong na pagsakay ng tren, bumabagal din ang pagtakbo ng kaunlaran. May aberya pa kadalasan.
May mga pagkakataon naman na lumalabas pa ang mga pasahero mula sa loob ng MRT, itong si Juan ay sumasalubong na agad para makapasok. Makikipagsiksikan. Makikipagsikuhan. Makikipag-amuyan sa mga kilikili.
Ang sa akin lang, huwag nang dagdagan ang problema sa transportasyon. Ang kawalan natin ng disiplina ay lalong magpapalala sa problema ng masisikip na tren sa lungsod.
6. WALANG BAWAL KAPAG WALANG NAKABANTAY
“Bawal tumawid dito, nakamamatay.”
Pero ilang Juan na ang napahamak dahil sa pagiging pasaway?
“Bawal manigarilyo sa loob ng Jeep.”
Pero ilang sigarilyo na ang nahitit ni mamang drayber?
“Bawal ang magbaba at magsakay dito.”
Bawal daw ang magbaba at magsakay pero kapag walang nakabantay na MMDA o traffic enforcer, basta kay Juan, walang bawal!
Ang sa akin lang, ginawa ang mga batas-lansangan para sa ikabubuti ng bayan ni Juan, pero kung ito ay susuwayin ay inamin na rin nating wala ngang ngipin ang batas sa bansang ito.
Kung sa bagay…
7. KOTONG NI SIR
Lahat na yata ng traffic violations ay nagawa na ni Juan sa kanyang pagmamaneho sa kalsada pero kapag nahuli ni officer, ano ang pwedeng mangyari?
A) magsasagutan sina Juan at ang traffic officer hanggang sa magsapakan na sa kalsada
B) manghihingi ng pera si traffic officer kay Juan para wala nang abala
C) si Juan ay kusang mag-aabot nang palihim sa traffic officer para hassle-free na
D) all of the above
Tama ka! D. All of the above!
#kotong
Ang sa akin lang, ang pangongotong kahit singkong duling ay kotong pa rin- isang uri ng kurapsyon na lalong nagpapababa sa dignidad ni Juan. Hindi ko rin masisi ang mga bwayang ito, dahil may mas malalaking bwaya sa kataas-taasan!
8. SECURITY CHECK KUNO
“Isang mall sa lungsod ng Quezon ang nilooban ng grupo na tinatawag na Martilyo Gang. Ang modus ng mga ito ay papasok sa pwesto ng mga mamahaling alahas at saka pupukpukin ang salamin ng mga ito para makapagnakaw. Dahil sa insidente, nagsanhi ng panic para sa mga mamimimili.”
Kapag narinig ang balitang ito, red alert ang ating mga security guards sa mga gusali at establishmento sa paligid pero kapag humupa na ang sitwasyon, balik na naman sa dati.
Ang sa akin lang, kapag nagche-check ng bag, tingnan at kapain sana itong mabuti para maiwasan ang pagdadala ng mga deadly weapons sa loob ng mall. May pasundot-sundot pa kuno ng stick si jaguar sa bag habang nakikipaghuntahan naman pala sa kasama, ni hindi nakita kung ano ang kanyang sunusundut-sundot.
Repleksyon ba ito ng seguridad ng ating bansa?
9. MANONG, FRESH NA FRESH, I-TAKE HOME MO NA!
Pagkagat ng dilim, ang mga pasaway na Juan ay nagkalat pa rin sa lansangan.
Itong si Juana, ihahain ang kaawa-awang si Juanita na tila ba karinderiang bukas sa lahat ng gustong kumain katulad ng mga nagugutom na Juan.
Prostitusyon. Sakit na ng ating lipunan na kayhirap puksain dulot ng labis-labis na kahirapan.
Ang sa akin lang, mahirap ngang puksain ang ganitong mga suliranin kung patuloy na tumatangkilik si Juan. Higit na problema ang babaunin kapag nakaraos dahil bitbit ang sex-related diseases.
10. HOLDAP ‘TO!
Ito ang pinakamalalang sitwasyon sa lansangan.
Kapag naglalakad sa lansangan lalo na sa mga mataong lugar dapat daw ay doble-ingat dahil nagkalat ang mga mandurukot.
“Mamang pulis, mamang pulis, yung lalaki hinablot ang cellphone ko! Habulin nyo!” ang sigaw ng babaeng nabiktima ng snatcher sa lansangan.
Para huwag daw mapahamak, sumakay na lang daw ng taxi pero ang problema, hindi man lahat, holdap naman ang kasunod!
O bayan ni Juan, may ligtas pa bang lugar para sa iyo?
Ang sa akin lang, mabilis na paghuli sana sa mga suspek at mabisang implementasyon ng batas para sa mga kawal ni Taning. At kapag may nahuli, huwag itong pabayaan na lamang ng mga biktima. Dahil kapag ito ay walang pormal na pagsampa ng kaso, madali lamang itong makakalaya at uulitin na naman ang pasaway na krimen.
Maraming magagandang katangian si Juan bilang isang Pilipino ngunit dahil sa mga kaugaliang ito sa lansangan ng iba nating mga kababayan ay maaaring natatabunan ang dapat sana’y ating ipinagmamalaki.