Ang Butong Itinanim sa Puso ng Isang Hamak na Mag-aaral

Naaalala ko pa noong ako’y pumasok sa paaralan sa kauna-unahang pagkakataon. Limang taong gulang pa lamang ako noon nang inihatid ako ng nanay ko sa isang Day Care Center sa aming baranggay. Bakas sa aking mukha ang pagkasabik na tawaging isang estudyante. Nag-aaral. Nakikinig sa guro. Nakikipaglaro. Natututo.
Sa aking murang isipan ay itinanim ko na sa aking puso’t diwa na ako ay magsisikap sa aking pag-aaral hanggang sa makatapos. Ipinangako ko na sa aking sarili na darating ang panahon na ang isang hamak na batang katulad ko ay aabutin ang kanyang mga pangarap.

“Anak, tanging edukasyon lamang ang kayamanang maipamamana namin sa inyong magkakapatid kaya’t pagbutihin ninyo ang inyong pag-aaral,” paalala ng aking nanay at tatay na kung bibilangin ay isang libong beses na yatang sinabi sa aming limang magkakapatid. “Hindi naman ito para sa amin, para ito sa kinabukasan ninyo.”

Mahirap lamang kami. Walang sapat na kita ang aking mga magulang upang itaguyod kaming lahat sa pag-aaral. Kung minsan nga mantika at toyo lamang ay sapat na upang maiulam naming buong pamilya. Mapalad na kapag makakabili ng isang latang sardinas na pagsasalu-saluhan ng lahat sa hapag. Dumarating din ang araw noong ako ay nasa elementarya at hayskul na halos wala nang maipabaon ang aking mga magulang sa akin ngunit gagawa pa rin sila ng paraan para lamang ako ay makapasok. Sayang daw kasi ang isang araw kung liliban ako sa klase. Sa ganitong mga pagkakataon sa aming buhay ay lalong tumitindi ang aking pagnanasa na makatapos sa aking pag-aaral. Sabi kasi ni tatay kapag nakatapos kami sa kolehiyo ay mas malaki ang oportunidad sa buhay. Iba na raw ang may pinag-aralan lalo na sa panahong ito. Naniniwala ako sa aking mga magulang. Kaya mula noon ay sinisikap kong mag-aral nang mabuti. Kahit na minsa’y walang laman ang tiyan ay tinitiis ko basta’t nakakapag-aral ako. Kahit kailan yata sa aking pag-aaral ay hindi ako lumiban sa klase maliban na lamang kung ipanlalaban ako ng aming paaralan sa ibang lugar para sa iba’t ibang kumpetisyon.

Walang pagsidlan ang tuwa ng aking nanay at tatay nang nagtapos ako sa elementarya. Mas lalong umapaw ang kanilang kaligayahan nang ibalita ko sa kanila na sasabitan ako ng medalya sa graduation bilang first honors sa aming klase. Bakas sa kanilang mukha ang malaking pag-asa. Hindi nila alam na napakasaya ko rin kapag napapasaya ko sila dahil parang nagbubunga ang kanilang mga sakripisyo. Hanggang sa tumuntong ako sa sekondarya at habang tumatagal ay lalong nag-aalab ang aking pagnanasa na maabot ang aking mga pangarap. Sa kabila ng mga hirap na pinagdaanan ko bilang isang estudyante at ng aking mga magulang sa aming kabuhayan ay nakatapos pa rin ako sa hayskul. Sa pagkakataong ito ay muli akong nakapaghandog ng medalya sa aking nanay at tatay para sa first honorable mention.

Sa bilis ng panahon ay parang bumibilis ang tibok ng aking puso. Para akong kinakabahan sa mga susunod na yugto ng aking buhay. Hindi ko akalaing makakapasok ako sa kolehiyo. Salamat na lamang at ako ay isang iskolar sa isang kilalang pamantasan dito sa Malolos kaya’t nagkaroon ako ng napakagandang pagkakataon upang maipagpatuloy ang aking pag-aaral. Subalit mas matindi pala ang kabang nadarama ng aking mga magulang. Gabi-gabi na lamang ay iniisip nila kung kakayanin pa ba nila na ako ay pag-aralin. Lahat ng aking mga batang kapatid ay nag-aaral din kaya’t lalong mahirap para sa kanila. Kahit na ako ay isang iskolar ay mahirap pa rin sa aking mga magulang na itaguyod ako sa kolehiyo dahil batid nila na mas malaki ang mga gastusin lalo na sa mga proyekto na kailangan sa napili kong kurso.

Nakatingin sa alapaap habang nababalot ng dilim ang buong paligid na tanging kislap ng mga bituwin at sinag ng buwan lamang ang tanging liwanag ay malayo na ang nililipad ng aking pangangarap. “Konting tiis na lamang at malapit na malapit na,” bulong ko sa aking sarili. Alam ng Diyos ang aking bawat panalangin na sana’y bigyan niya ako ng sapat na lakas upang huwag sumuko sa buhay.

Mahirap ang buhay-estudyante. Para sa akin, ang pag-aaral ay hindi biro. Nariyan ang kaliwa’t kanang mga proyekto at responsibilidad. Araw-araw kailangang mag-review para sa mga quizzes at examinations. Idagdag pa ang magkakalapit na deadline para sa aming mga gawain sa lahat ng subjects. Ibang-iba ang buhay sa kolehiyo. Malayung-malayo sa buhay ng hayskul at elementarya. Dito kailangan sanay kang tumayo sa sarili mong mga paa. Wala kang ibang aasahan kundi ang sarili mo. Kailangan marunong ka ring makisama sa mga kamag-aaral mo. Iba’t ibang lugar na kasi ang kanilang pinanggalingan. Hindi katulad noong hayskul na halos lahat kayo sa klase ay magkakapit-bahay lamang. Sa kolehiyo makikilala mo ang iba’t ibang uri ng tao. Malalaman mong lahat pala kayo ay may kanya-kanyang pananaw sa buhay, kanya-kanyang diskarte, at kanya-kanyang istorya.

Subalit kung mayroon mang pagkakapareho sa aking mga kamag-aaral sa kolehiyo, marahil halos lahat sila ay talagang nakakaangat sa buhay. Halata sa kanilang mga pananamit, pagkain, kagamitan, at pagkilos na talagang mapalad sila dahil may magandang kabuhayan ang kanilang mga magulang. Hindi na nila inaalala kung may ipambabayad ba sila sa kanilang tuition. At lalong hindi problema kung may kakainin ba sila sa tanghalian. Ngunit isa man sa mga bagay na iyon ay hindi naging dahilan upang maging maliit ang tingin ko sa aking sarili. Salat man ako sa mga materyal na bagay, sinisigurado ko na mayaman ako sa disiplina na itinuro sa akin ng aking mga magulang bata pa lamang ako.

Kahit kailan ay hindi ko inisip na sumuko sa labang ito ng buhay. Minsan mapagbiro ang tadhana ngunit natutunan ko na kung paano makisabay sa agos ng panahon. Sipag at tiyaga. Iyan ang prinsipyong noon pa man ay kakambal na ng aking pagsusumikap. Kaya naman kahit mahirap para sa akin ay sinubukan kong maging working student noong nasa second year college ako. Napansin ko kasi na nahihirapan na sila nanay at tatay kung saan kukunin ang pang-araw-araw na gastusin namin. Pumasok ako bilang crew sa isang fast food chain. Sa araw nag-aaral ako maghapon, pagsapit naman ng gabi ay nagtatrabaho ako na madalas ay inaabot pa ng madaling araw. Sa tuwing matatapos ang trabaho halos bumigay na ang katawan ko sa sobrang hirap at pagod. Pag-uwi ko sa bahay matutulog ako ng tatlo o dalawang oras at pagkatapos ay gigising nang napakaaga para maghanda naman sa klase. Ganito ang sitwasyon ko noong panahong iyon. Mahirap para sa akin dahil halos hindi ko na maidilat ang mga mata ko sa labis na pagkahapo. Minsan nga ay literal na hindi na ako matutulog dahil kailangan kong mag-review para sa exam sa araw na iyon. Masuwerte na kapag nakatulog ako sa sinasakyan kong jeep papasok sa klase.

Labag man sa kalooban ng aking mga magulang na magtrabaho ako sa mga panahong iyon dahil alam nilang mahihirapan ako ay sinubukan ko pa rin dahil alam kong makakatulong ito sa kanila sa pagpapaaral sa akin. Kahit kaunti ay natugunan ko ang iba kong pangangailangan sa eskwelahan.

Habang tumatagal ay lalung pahirap nang pahirap ang buhay bilang isang estudyante sa kolehiyo. Mas lalo kang susubukin kung kakayanin mo pa bang panindigan ang iyong piniling propesyon na iyong pinag-aaralan. Katakut-takot na paperworks at research ang kailangang gawin sa halus araw-araw. Sabay-sabay na projects at mga nakadudugong examination. At halos sa library na ako nakatira dahil hilig ko na talaga noon pa ang magbasa ng maraming aklat. Kasabay pa nito ang mga responsibilidad na ibinigay sa akin bilang Pangulo ng isang organisasyon sa aming pamantasan. Lahat ng iyan ay naging bahagi ng aking makulay na buhay sa kolehiyo. Kung minsan nga, aaminin ko na, hindi ko namamalayang pumapatak na pala ang luha sa aking mga mata, hindi dahil sa sumusuko na ako, kundi dahil sa tuwa na nakakayanan ko ang lahat ng ito bilang isang hamak na estudyante.

Salamat sa Diyos at sa apat na taong pag-aaral ko sa kolehiyo ay napanatili ko ang aking scholarship. Iniisip ko nga kung paano na lamang kung hindi ako iskolar, siguro ay triple itong paghihirap ng aking mga magulang sa akin. Ngayon pa nga lamang ay halos mas matanda na sila sa kanilang mga tunay na edad. Minsan pinagmamasdan ko sila sa kanilang pagtulog, habang bumubulong ako sa aking sarili na napakapalad ko sapagkat nagkaroon ako ng mga magulang na katulad nila na kahit kailan ay hindi ako pinabayaan. Sa lahat ng panahon ay sinamahan nila ako sa bawat hakbang ko patungo sa aking pag-abot sa mga pangarap na dati ay halos kasing layo ng mga bituwin sa langit na tinatanaw ko gabi-gabi, ngunit ngayon ay halos abot-kamay ko na.

Ngayon, konting araw na lamang at muli akong magmamartya paakyat sa entablado. Nakasuot ng itim na toga. Tatanggapin ang diplomang nagpapatunay na ako ay nagtapos sa kursong Bachelor of Arts in Mass Communication Major in Broadcasting sa Centro Escolar University-Malolos. Makikipagkamay sa aking mga propesor at dekana na naging malaking bahagi ng aking buhay dahil sila ang aking mga gurong nagbukas ng pinto para sa akin upang matuto nang husto. Yuyukod sa harap ng daan-daang estudyanteng magsisipagtapos na katulad ko at mga magulang na katulad ng aking nanay at tatay ay labis-labis din ang kagalakang nadarama para sa kanilang mga anak. Sa gitna ng entablado, muli akong sasamahan ng aking mga magulang upang isabit ang gintong medalya sa akin bilang Cum Laude.

Katulad ng isang butong itinanim sa bakuran, kapag inalagaan nang husto ito’y tutubo, yayabong, at sa paglipas ng panahon pagkatapos maging matatag laban sa mga bagyo’t unos ay mamumunga rin nang matamis at masarap. Ito ang aking pangarap. Katulad ng buto ay itinanim ko sa aking puso. Inalagaan nang husto. Nagpakatatag sa gitna ng mga pagsubok at kahirapan. Hanggang sa yumabong nang yumabong at namunga ng napakatamis na tagumpay.
Ang isang hamak na estudyanteng katulad ko na dati-rati’y nangangarap lamang sa ibabaw ng aming bubungan na balang-araw ay makapagtapos ng pag-aaral, ngayon ay isa nang ganap na katotohanan. Una at higit sa lahat, inihahandog ko ang lahat ng parangal at papuri sa ating Amang Diyos na siyang sandigan ko sa habang panahon. Iniaalay ko rin ito sa aking mga magulang at buong pamilya na mga inspirasyon ko sa bawat pakikipaglaban sa bawat hamon ng buhay. At sa aking mga guro mula noong ako’y unang pumasok sa paaralan hanggang sa aking pagtatapos ngayon sa kolehiyo ay taus-puso kong pinasasalamatan dahil sa kanilang kadakilaan bilang gabay, ilaw, at pangalawang mga magulang. Hindi ko rin malilimut ang aking mga kamag-aaral at mga kaibigan na sa hirap at ginhawa ay nakasama ko sa maraming taon. Gayundin ang lahat ng mga tao na sa pagdaan ng panahon ay nakilala ko upang magbahagi sa akin ng kanilang mga karunungan at kakayahan.

Hindi pa rito nagtatapos ang lahat. Sa buhay na ito dapat kong isipin na nagsisimula pa lamang ako. Marahil ay napagtagumpayan ko ang unang hakbang ngunit alam kong dapat kong paghandaan ang pagharap sa mas malaking mundo. Ano ang naghihintay sa akin sa mga darating pang bukas pagkatapos nito? Natuklasan ko na ang buhay ng tao ay isang walang katapusang pangarap. Walang katiyakan kung maabot ito o mababasag lamang. Ngunit isa lamang ang sigurado, sa taong may determinasyon, sipag at tiyaga, tamang pananaw sa buhay, malinis na pag-uugali, at takot sa Diyos, ang kanyang mga pangarap ay magiging isang ganap na katotohanan. Ito ang mga mabisang sangkap upang ang butong itinanim sa puso ay magbunga nang masagana.

 

Leave a comment