Problema ng mga paaralan sa Bulacan, ‘di maitatago!

Bakit nga ba tayo dadayo pa sa lungsod ng Maynila gayong dito sa lalawigan ng Bulacan ay kitang-kita na at halatang-halata ang mga suliranin ng maraming pampublikong paaralan?

Binisita ng aming grupo ang ibang mga public schools dito sa Bulacan nang opisyal na magbukas ang klase noong ika-5 ng Hunyo. Bukod sa inaasahang pagdagsa ng mga mag-aaral, sumalubong din sa amin ang mga hindi maitatagong problema.

Ayon sa mga magulang na aming naabutang nagbabantay sa kanilang mga anak sa Hagonoy East Central School, bukod sa sobrang populasyon ng mga mag-aaral na nagsasanhi ng kakulangan ng silid-aralan, ang pagbaha sa bakuran ng paaralan tuwing high tide ang pangunahing suliranin lalo na’t nagsisimula na raw ang tag-ulan.

Pinatotohanan naman ito ni Antonio Ventura, 23 taon nang nagtuturo sa HECS, na aniya’y umaabot sa 50-60 ang bilang ng mga mag-aaral sa bawat silid-aralan. Idinagdag pa niya na mas kaawa-awa ang mga nasa lower sections dahil mas kapansin-pansin ang kakulangan ng mga silya at ibang mga gamit. Ayon pa rin sa kanya, umaasa na lamang sila sa boluntaryong pagtulong ng mga magulang at Parents-Teachers Association o PTA.

Tungkol naman sa pagbaha, ayon sa pangkalahatang pangulo ng Parent-Teachers Community Association ng naturang paaralan na si Rhoney Tanjuan, gumagawa ng paraan ang paaralan katulong ang PTCA kung paano ito mabibigyan ng solusyon. Bukod sa pagpapataas ng ibang bahagi ng paaralan, inaasahan ding matatapos na ang pinapagawa nilang drainage upang lubusan nang matuyo ang bakuran nito. Hindi ipinagkaila ni Tanjuan ang isa pang suliranin para naman sa seguridad ng paaralan. Aniya’y may mga magnanakaw na nanloloob dito kapag sumasapit ang gabi dahil wala namang security guard sa ganitong oras sapagkat ito’y pang-araw lamang.

Sa pagdalaw namin sa ibang paaralan, hindi namin minsan lamang naabutang nag-aaral sa sports complex sa Sta. Monica High School (Hagonoy) ang isang buong klase bunga na rin ng kakulangan ng gusali at silid-aralan.

Ayon sa mga guro na sina Nida Escartin, Erminia Tubig, at Mario Capule, pangunahin na nilang problema ang sobrang dami ng mga estudyante na umaabot sa mahigit 70 ang bilang sa bawat classroom na dapat ay nasa 40-45 lamang. Dahil dito, pinapatupad nila ang sistemang double shifting para sa una at ikalawang antas. Bukod sa classroom shortage, kinakapos din daw sila sa mga guro, silya, mesa, at aklat. Pero kahit papaano naman daw ay nakatatanggap pa sila ng tulong mula sa Department of Education (DepEd) tulad ng pagpapagawa ng bagong silid-aralan at pagpapadala ng mga bagong silya.

“Kahit na maraming kulang sa aming paaralan, sinisikap pa rin naming maibigay ang magandang edukasyon sa aming mga estudyante,” depensa ng mga guro. “Pero sana naman ay madagdagan na ang sahod naming mga guro.”

Ang mga problemang nabanggit ay hindi rin nalalayo sa mga mabibigat na suliranin ng Frances High School sa bayan ng Calumpit. Ayon sa mga guro na sina Ma. Teresa Fajardo at Abner de Leon, mayroon din silang double shifting ng klase dahil umaabot na sa 80-90 ang mga mag-aaral sa bawat classroom. Ang dahilan daw nito ay ang pagdagsa ng mga estudyante mula sa Pampanga dahil konti lamang daw ang public schools doon. Hindi naman ipinagkaila ni Julieta Bulos, principal, na kailangan pa nila ng mahigit 10 silid-aralan.

Nangangamba naman ang mga magulang tulad nina Mary Ann Guese at Faye Alquijar dahil ang mga anak nila ay nasa panghapong klase sa oras na 12:30-7:00pm. Anila delikado na ang ganitong oras ng pag-uwi lalo na para sa mga babaeng estudyante. Kaya naman hinihiling na lamang nila pati ng maraming mag-aaral doon na makuha nila ang pang-umagang klase.

Samantala, sa Balagtas Agricultural High School naman ay classroom shortage din ang problema nila ayon kay Julian Canonoy, principal.

“Matinding sakripisyo ang kailangang ibigay naming mga guro at lahat ng mga estudyante dahil sa huli kami-kami rin ang magtutulungan,” bukambibig ng mga guro. “Kahit maraming problema sa eskwelahan, nasa estudyante na rin kung paano siya mag-aaral nang mabuti.”

Ang lahat ng mga problemang ito ay ilan lamang sa mga sakit ng ulo ng mga paaralan dito sa Bulacan na walang pinagkaiba sa kinakaharap ngayon ng mga public schools sa buong bansa.

Maiinis din kaya sa amin si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo tulad ng pagkayamot niya kay Department of Education officer-in-charge (OIC) Fe Hidalgo nang hindi nagkatugma ang iniharap nilang figure sa publiko para sa bilang ng silid-aralan?

Leave a comment