Ang Tagapag-alaga ng Demokrasya

Nobyembre 23, 2009. Karumal-dumal. Hindi makatao. Walang takot sa Diyos. Iyan ang mga katagang masasambit mo kung aalalahanin ang pinakamadugong pagpaslang sa mga mamamahayag sa lalawigan ng Maguindanao na nagluklok sa Pilipinas bilang pinakamapanganib na bansa para sa media.

Ngayong ika-23 ng Nobyembre 2012, gunitain natin ang araw na ito para sa ikatlong taon ng International Day to End Impunity. At kahit ilang taon pa ang lumipas ay hindi natin malilimutan ang 153 mamahayag na pinaslang nang dahil sa pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin mula noong 1986, taon na siyang nakamit na raw natin ang demokrasya sa ating bansa. Patuloy na ipaglaban ang katarungan para sa kanila, at para na rin sa bayang kanilang binabantayan.

Sa araw ding ito, inaanyayahan ang lahat na dumalo at makiisa sa gaganaping Funeral March mula sa lungsod Quezon patungong Maynila upang ipakita sa buong mundo na hindi kailanman tayo titigil hanggang sa masumpungan ang tunay na kalayaan sa mundo ng pamamahayag– isang responsableng pamamahayag na malaya sa anumang takot, diyus-diyusan, at karahasan na maaaring magtuldok sa kanilang tungkulin na maipahayag ang katotohanan.

Sapagkat para sa kanila ang pakikibakang ito. Para sa mga tulad nilang musmos ang kaisipan na sa di-kalayua’y darating ang panahon na sila naman ang magtatanggol sa mga karapatan ng kanyang bayang sinilangan. Kapit-bisig nating ituwid ang daan na kanilang tatahakin sa pamamagitan ng pakikiialam sa mga panlipunang usapin na mahalaga sa ating buhay.

***

(From Left: Dino Balabo, Herwin Cabasal, at Rommel Ramos. Sila ang aking mga mentors sa journalism simula noong ako ay nasa kolehiyo taong 2005)

Malapit sa puso ko ang adbokasyang ito sa pagtatanggol sa karapatan ng mga mamahayag at ng responsableng pamamahayag sapagkat noon, bago pa man ako pumasok sa industriya ng telebisyon at pelikula, ay isa muna akong mamahayag sa dyaryo at radio. Nabigyan ako ng pagkakataon na maging isang radio reporter and news anchor sa DWST 87.9 (FM), isang istasyon ng radyo sa Bulacan, noong 2005. Hindi nagtagal ako ay nagsahimpapawid sa pangnasyonal na istasyon- ang DWIZ 882 (AM) bilang isang field reporter. Mula noon ay pinagkatiwalaan din akong maging isang journalist sa pahayagang Mabuhay hanggang sa naging pinakabatang kolumnista nito noong 2007.

Sa ganitong karanasan, nakita ko ang kanilang mundo na siyang isa sa pinakadakilang propesyon- ang tagapag-alaga ng demokrasya. Ang pagsasanay na ito sa journalism ay isang malaking sandigan para sa akin upang magkaroon ng kaalaman sa pagsaliksik sa mga pang-araw-araw na kaganapan na maaaring itampok sa pinilakang tabing.

Leave a comment