Books from Underground

Aaminin kong humahanga ako sa paglilinis ng Maynila lalo na kung palagi kang dumadaan doon sa Lagusnilad Underpass and Andres Bonifacio Monument/Park. Ito ay mga public properties na dapat naman talagang pakinabangan nang publiko. Ang laking ginahawa, mabilis nang nakakarating sa Intramuros.
 
Sa mga vendors na nawalan ng pwesto, syempre di natin ikatutuwa na mawalan sila ng hanapbuhay. Hiling ko na lang ay mabigyan agad sila ng permanenteng lugar kung saan sila pwede magtinda. Gawing ligal ang mga proseso para wala nang pangamba na mapaalis sila anumang oras.
 
Kung nalungkot man ako ito ay ang di ko na madadaanan sa Underpass ang isa sa mga paborito kong book shop sa Maynila na Books from Underground. Dito ako madalas makabili ng mga rare to find books, mga librong hindi makikita sa National Bookstore at Fully Booked.
Books from Underground
 
Tuwing nandito ako sa Books from Underground tila ba nakikipagkamustahan ka kina tito Karl Marx, Friedrich Engels, Max Horkheimer, Theodore Adorno, Jurgen Habermas, Walter Benjamin, Stuart Hall, Raymond Williams, Antonio Gramsci, Roland Barthes, Marshall McLuhan, Guy Debord, Benedict Anderson, Noam Chomsky, Jacques Lacan, Louie Althusser, Michel Foucault, Nick Joaquin, at marami pang mga Uncles ng aking academic life.
 
At syempre si AJ na syang nagtitinda mismo, kakwentuhan at katsismisan ko sya sa mga naging kapalaran ng mga scholars na ito.
 
Di bale, kung saan man makakalipat ang Books from Underground ay pupuntahan pa rin natin ito. Maraming salamat sa mga librong naisama sa aking koleksyon.
 
Sana ay makagawa rin si Mayor Isko ng programang makakapag-promote ng culture of reading. 📚

Leave a comment