Ang aking ama’y haligi ng aming munting tahanan
Handog niya’y katatagan ng tamang pagmamahalan;
Sa bawat araw ng buhay, lakas niya ang sandigan
Kaloob niya’y pag-asa at tunay na kagalakan;
Kaya’t sa araw na ito siya’y dapat parangalan
Hindi ito ngayon lamang kundi magpakailanman.
Ang tatay ko’y siyang puno ng aming buong mag-anak
Gabay ng magkakapatid sa daanang nilalandas;
Bawat payo ay dakila’t sinusunod naming lahat
Upang kami’y mapanuto at hindi na mabagabag;
Bawat palo ma’y mahapdi at sinturon ma’y bumakat
Bakas naman ang pag-ibig na dadalhin bawat bukas.
Araw-gabi’y kumakayod sa aba n’yang hanapbuhay
Maghapon mang nakabilad ‘di man lamang napapagal;
Hanap niya ay biyaya nang aming mapagsaluhan,
Aming pangangailangan ay kanyang tinutugunan
Nang itong magandang buhay ay lagi naming makamtan
Ga’no man ito kahirap ‘di kami pababayaan.
Bayaning maituturing, laging may pusong busilak
Buhay niya’y inaalay sa giliw n’yang mga anak;
Balikat niyang kay tibay pasan ang mga pangarap
Hindi para sa sarili anupa’t para sa lahat;
Ang araw na ito’y kanya at dapat magpasalamat
Ngayo’t magpakailanman ay haligi ng mag-anak.