Sa Piling ng aking Lola

O kay lambing ng mga araw ng aking kabataan:
sa piling mo’y nadagdagan ang tamis ng aking buhay
tulad ng sampaguita sa hardin ng kalangitan–
humahalimuyak ang kanyang katamisan
dahil sa iyong mabangong pagmamahal
at masintahing haplos ng iyong paghagkan.

Ang iyong pag-irog ay tulad ng iyong pagka-ina
sa aking ama na minsan ding naging bata;
Kaya’t sa piling mo ako’y sanggol na mahina
na kailangan ang iyong labis na pag-aruga
upang matulad sa pagtanda ng aking ama
na iyong pinarangalan ang katauhan niyang aba.

Noong musmos pa yaring isipan,
at ang puso’y yagit pa sa pagkaalam,
ang iyong mga habilin ay panggising na mahusay
sa diwang nahihimbing sa karuwagan
tulad ng iyong pagkamulat sa panahong nagdaan
upang gintong aral ay magpanday ng katapangan.

Alaala ko pa sa tuwing sasapit ang dilim,
at ang mga bituwin ay nagniningas ang ningning,
ang iyong mga kuwentong nagdudulot ng aliw,
at mga pantasyang lagi kong ginigiliw,
wari’y si Lola Basyang ang lagi kong kapiling
sa maalamat na daigdig na lagi kong hinihiling.

Sa tuwing sina ama’t ina’y sabay nagbabanat ng buto,
at sa malayong pook ay pumapalaot hanggang dulo,
walang pangamba ni anumang pagkabagot ng puso
‘pagkat iyong mga kamay ay nakahandang sumalo
upang ako’y ampuni’t ang iyong pagka-lola’y matamo,
at sa piling mo’y mapawi ang luha ng panlulumo.

Tumatahan ang diwang humihikbi sa pagtangis,
at nakapagpapahinga ang pusong naghihinanakit,
at iyong ipinaghehele hanggang sa maidlip
habang iyong hinahagkan at hinahaplos nang labis-labis,
pagkatapos kong mapalo ni itay at mamilipit sa sakit
dahil sa sinturong malapad na ang bakas ay kumakapit.

At sa buong magdamag ay dinuduyan ng iyong mga bisig
hanggang si Haring Araw ay nakangiting sumisilip
upang magsabog ng walang kupas na pag-ibig
tulad ng mga payo mong sa puso ko’y nagpapaawit
nang sa aming tahanan ako’y kusang magbalik,
at humingi ng tawad sa kapilyuhang nagpagalit.

O kay tamis ng mga araw ng aking paglalakbay
sa landas ng pagkabatang napuspos ng pagmamahal
tulad ng paggabay ng aking mga magulang
upang mahubog ang aba kong katauhan.
Kaya’t aking mga pangarap sa iyo rin inaalay
‘pagkat sa piling mo’y nadagdagan ang tamis ng aking buhay.

Leave a comment