Sa loob ng kalahating dekada, wala pang sinuman ang nananagot sa karumal-dumal na pagpaslang sa limampu’t walo nating mga kababayan kabilang dito ang tatlumpu’t dalawang mamamahayag habang nasa kalagitnaan ng kanilang mga sinumpaang tungkulin sa bayan ng mga Ampatuan sa probinsya ng Maguindanao noong ika-23 ng Nobyembre, 2009.
“Nasaan ka katarungan?”
Iyan ang sigaw hindi lamang ng bansang Pilipinas na itinuturing na isa mga pinakamapanganib na lugar para sa mga mamamahayag kundi ng buong mundo na nakatutok ang mga mata sa kasong ito.
“Nasaan ang tuwid na daan?”
Iyan naman ang isinisigaw ng aking puso na sa loob ng limang taon ay nakikiisa sa pagkalampag sa ating pamahalaan upang bigyan ng kahalagahan, una, ang mga buhay na sinayang dahil sa pagkagahaman sa kapangyarihan, at pangalawa, sa kapwa natin mga mamamahayag na siyang tagapag-alaga ng demokrasya at tagapagbantay sa ating lipunan.
Kaya naman ngayong Nobyembre taong 2014, tayo ay bahagi ng Salamindanaw International Film Festival Cinema and Remembrance. Sa bahaging ito ng festival ay ipapalabas ang mga piling pelikula upang alalahanin ang limang taon ng ating pakikibaka para sa katarungan.
Kabilang sa mga pelikulang mapapanood sa General Santos, Mindanao, ay ang aking maiksing pelikulang pinamagatang PIETA. Sa short film na ito ay makikilala natin si Luzviminda, isang inang lubos na nangungulila sa pagpaslang sa kanyang anak na isang journalist kabilang ang daang-daang mga kapamilya at kaananak ng mga biktima ng media killings mula pa noong pagkatapos ng termino ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Sa kanyang mga mata ay masisilip natin ang hapdi at kirot nang mawalan ng isang mahal sa buhay lalo na kung ito ay dahil lamang sa kahinaan ng seguridad sa ating bansa.
Narito naman ang schedule ng iba pang mga pelikula na ating mapapanood mula November 27-29, 2014. Para sa iba pang impormasyon ay maaaring bisitahin ang facebook page ng Salamindanaw.
Taus-pusong pasasalamat para kay Teng Mangansakan, festival director ng Salamindanaw para sa isang adhikaing ito na mas lalong makapag-gigising ng ating kamalayan bilang mga Pilipino.
Samantala, narito ang trailer ng nasabing event:


