Kaybilis talaga lumipas ng panahon. Tila isang mabilis na hangin ang pagdaan ng taong 2007 sa ating mga buhay. Hindi natin namamalayan na muling papasok ang bagong taon. Parang kailan lamang nang ang nakalipas na taon ay nagdulot sa atin ng mga karanasan at mga pangyayaring nagdulot sa atin ng tuwa at lungkot, ligaya at pasakit, tagumpay at kabiguan. Ang mga kaganapan sa taong 2007 sa ating sariling mga buhay ay tiyak na hindi natin malilimutan lalung-lalo na ang mga bagay na nagturo sa atin ng mga gintong aral.
Maraming mga kabataang katulad ko ang tiyak na magbabago ang buhay sa pagpasok ng bagong taon. Sa katunayan, inihanda na kami ng taong 2007 para sa inaasahang mga pagbabago. Noong Marso 2007, nagtapos ang libu-libong mga kabataan sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad dito sa ating bansa. Pagkatapos nito, marami sa kanila kabilang na ang inyong lingkod na sinubukan ang kapalaran sa paghahanap ng magandang trabaho sa gitna ng problema ng tumataas na unemployment rate sa ating bansa. Subalit dahil sa tiyaga at determinasyon marami pa rin ang pinalad at ngayon ay nag-uumpisa nang tuparin ang kanilang mga pangarap.
Marami ang nanibago. Marami ang nabigla. Ibang-iba na talaga ang buhay ng mga kabataan sa taong 2007 na nag-uumpisa nang magbanat ng kanilang sariling buto. Nariyan ang aking mga kaibigang pumasa sa board exam bilang mga bagong nurse. Ang iba sa kanila ay piniling mag-abroad at subukan ang kanilang kapalaran doon sa ibayong lugar subalit marami pa rin naman ang piniling manatili rito sa ating abang bayan upang pagsilbihan ang ating mga kaawa-awang mga ospital sa gitna ng maliit na kinikita nila. Ika nga nila, mas marami ang nangangailangan ng kanilang mga tulong dito sa ating sariling bansa.
Mayroon din namang pumalaot sa larangan ng pagbabangko. Marahil ay hindi pa nga sila manager ng mga bangkong pinaglilingkuran nila ay isang magandang simula naman ang kanilang pagiging simpleng empleyado upang matutunan ang mundong kanilang ginagalawan upang pagdating ng panahon ay sila naman ang tatawaging “sir” at “ma’am” sa kani-kanilang mga kompanya.
At kung mayroong industriya ang sadyang umangat sa taong 2007 ito ay walang iba kundi ang call center industry. Hindi maipagkakailang napakalaking tulong ang pag-usbong ng iba’t ibang call center companies sa iba’t ibang sulok ng Metro Manila at kahit pa sa mga probinsya sa ating bansa. Kahit paano’y naibsan ang lumalalang krisis sa trabaho lalo na para sa mga fresh graduates. Wala kasing pinipiling kurso ang industriyang ito, basta magaling kang mag-ingles, tama ang grammar at may konting pagka-slang ang pagbigkas ng salitang ito at sanay makipag-usap sa mga dayuhan ay pasok na pasok na upang tawaging customer service representative.
Nariyan din ang mga kabataang maagang pumasok sa pulitika sa pamamagitan ng Sangguniang Kabataan. Matatandaang ginanap ang eleksyong ito noong Oktubre 29 lamang kasabay ng Baranggay election. At sa pagpasok ng mga bagong kabataan sa larangan ng public service sana’y maghatid sila ng isang positibong pagbabago para mas mapaglingkuran ang ating sektor ng mga kabataan.
Pahuhuli ba naman ang mga katulad kong pumasok sa larangan ng media. Isang magandang pagkakataon ang maglingkod sa sambayang Pilipino sa pamamagitan ng paglikha ng mga magaganda at makabuluhang programa sa telebisyon upang sila ay aliwin at magsilbing inspirasyon. Kasabay nito ang aking pagsusulat sa nangungunang lingguhang pahayagan, walang iba kundi ang Mabuhay. Sa pamamagitan ng kolum na ito ay naaabot ko kayong mga kapwa ko kabataan, nagkukuwentuhan, nagkakamustahan, at tinatalakay ang mga isyung nababagay sa ating mga panlasa at pananaw sa buhay.
Kaya naman sa pagpasok ng taong 2008, ipanalangin nating lahat tayo’y muling pagpalain; gabayan sa pagtahak sa ating mga bagong landas; bigyang ng sapat na lakas upang makayanang harapin ang bawat pagsubok at karunungan upang magdesisyon ng tama sa bawat pagkakataon.
Iiwan na nga natin ang taong 2007 subalit hindi natin malilimutan ang malaking pagbabagong idinulot nito sa ating mga buhay bilang mga kabataan na dapat nating ipagpasalamat. At ngayong dumating na ang bagong taon, huwag tayong maging kuntento sa kaunting pagbabago lamang. Huwag tayong matakot magtanim ng mga bagong binhi sa ating mga puso para sa taong ito. Malayo pa nga ang ating mararating. Malayo pa nga ang daang ating laklakbayin. Sa katunayan, nag-uumpisa pa lamang tayo. Ika nga, nagpapainit lamang. Sapagkat sa darating pang mga bukas, ang minsang naging isang binhi ay yayabong nang husto upang maging ganap ang kanyang katauhan sa mundong ito.
Isang maligaya at manigong bagong taon sa ating lahat!
One thought on “Bagong Taon, Bagong Binhi”