Ang Sigaw ng Aking Puso

Pinoy ako!
Iyan ang sigaw ng aking puso
saanmang sulok ng mundo,
sa aking lahi ako’y taas-noo!
Lahi ko’y kayumanggi,
sa lahat ng kulay ay natatangi
at lubos kong ipinagmamalaki.
Dalisay ang dumadaloy na dugo
sa ugat ng bawat Pilipino,
unat man ang buhok o kaya’y katutubo.
Busilak ang kaluluwa,
pinatitingkad ng pananampalataya
sa tunay na Amang Mapagpala.
Taglay ang kakaibang lakas
sa pagharap sa bawat bukas
nang matunton ang daang binabagtas.
Matibay ang loob sa bawat hamon ng buhay.
Pag-asa ang sandigan sa bawat pangarap
bunga ng pag-ibig sa kapwa’t tinubuang lupa.
Mula pagsilang hanggang sa pagtanda
Pinoy ako!
Iyan ang sigaw ng aking puso!
Habang nabubuhay hanggang kamatayan.

Leave a comment