Sari-saring mukha na naman ang nakadikit sa pader ng ating mga bakuran at nakapako sa mga puno at poste ng ating mga baranggay. Napapaindak na naman ang bayan sa bawat pagdaan ng mga sasakyang may nakakabit na mobile habang tinutugtog ang jingle na usung-uso sa pandinig habang isinisigaw ang pamilyar na pangalan. Kaytatamis na naman ng kanilang mga ngiti sa mga patalastas sa telebisyon at peryodiko. Nag-aagawan na naman ang mga bata habang isinasabog ang matatamis na kendi sa bawat kalye. Napupuyat naman ang mga matatanda sa gabi sa pakikinig sa mga kokus sa bawat bisita ng bayan.
Eleksyon na naman. Katulad ng pasko, ang panahong ito’y napakabilis na sumasapit. Marahil, ito’y hindi nga nalalayo sa panahon ng kapaskuhan sapagkat ang halalan sa ating bansa ay panahon din ng pagbibigayan at labis-labis na pag-ibig daw lalung-lalo na raw para sa mga kapus-palad. At katulad ni Kristo, para bang ang mga kandidatong ito ay isinugo ng langit upang maging tagapagligtas ng ating bayan.
Sari-saring pangalan na naman ang ating paulit-ulit na naririnig. Kadalasan nga ang iisang pangalan ay paulit-ulit na naririnig tuwing sasapit ang eleksyon. Parehong pangalan pa rin ang isinisigaw. Parehong mukha pa rin ng mga kandidato ang idinidikit sa mga pader. Subalit may pagkakataong mapapansin din nating nababago rin ang mukha ng mga tumatakbo. Dahil kung hindi asawa at anak ng dating pulitiko ang kandidato ngayon bilang kapalit niya ay mga kapatid, hipag, bayaw, at pati yata katiwala sa kanilang bahay ay pinapangarap na magpatuloy sa nasimulan na raw niya na para bang isang kahangalan kung hindi rin lamang kamag-anak niya ang papalit sa kanyang posisyon.
Sa pare-parehong mga katauhang ito na nanliligaw sa taumbayan upang maangkin ang kanilang matamis na boto, anupa’t paulit-ulit rin ang mga pangakong kanilang binibitawan mula noon hanggang ngayon. Kung sakali mang may bagong katauhang makikipagsapalaran sa pulitika, ganoon din naman ang kanyang mga pangakong bibitawan para daw sa mga naghahangad ng pagbabago.
Mula yata nang unang maitatag ang pamahalaan sa isang malayang Pilipinas, wala nang hinangad ang mga pulitikong ito kundi panlipunang pagbabago. Isang walang katapusang pagbabago para sa buhay ng bawat Pilipino. Mula yata nang isinilang ang aking lolo ay ito na ang kanyang naririnig na hanggang sa kanyang kaapu-apuhan ay ito pa rin ang pangakong hindi nagbabago.
Nagkaroon man ng pagbabago marahil ito ay ang mukha ng mga taong humahapdi ang sikmura dahil sa labis na gutom. Minana pa nila mula sa kanilang mga magulang ang limpak-limpak na putik at dakut-dakot na libag sa kanilang mga katawan. Isinalin sa mga anak ang sakit na kumikitil sa kanilang kalusugan. Nag-uunahan naman sa pagtaas ng presyo ang mga pangunahing bilihin katulad ng mga pagkain na lalong nagpapalubha sa kalagayan ng mga mahihirap nating kababayan.
Nasaan na ang mga pagbabagong yaon? Bakit hanggang ngayon hindi matanaw ng mga mag-aaral ang pag-asa dahil pagpasok pa lamang nila sa paaralan ay tila nasisiraan na sila ng loob kapag nahahawakan nila ang punit-punit na mga libro, sira-sirang mesa at silya, at mga pumapatak na tubig-ulan mula sa bubungan ng kanilang silid-aralan? Mapalad na nga kung may mga kuwarto pa silang pinagsisiksikan dahil ang iba pa nga ay sa ilalim na lamang ng puno umuugit ng kanyang kinabukasan. Ano nga bang kinabukasan ang naghihintay sa mga kabataang ito na pinagkaitan ng magandang edukasyon na siyang sandigan niya sa buhay? Anong pagbabago ang naghihintay sa kanya sa darating na bukas? Anong kasiguruhan ang maibibigay sa taumbayan na sila’y ligtas saanmang dako ng bansa? Tila yata noon pa man ay malala na ang kriminalidad at patuloy na dumarami ang mga halang ang kaluluwa na pati buhay ng mga walang malay ay nasasayang dahil sa kanilang kasamaan. Wala na nga bang ligtas na lugar sa ating bayan? Nasaan ang mga taong sana’y sila ang ating takbuhan sa bingit ng panganib? Tila yata sila mismo ay natukso na ring pagsamantalahan ang mga hamak na tao. Idagdag pa ang patuloy na humahabang listahan ng pagkakautang ng ating bansa sa mga dayuhan. Hindi pa man din isinisilang ang ating magiging mga anak at apo ay may mga utang na silang dapat pagbayaran. Kasama rin sa mga pasakit na ito ang walang habas na pagnanakaw sa kaban ng ating bayan. Hanggang sa kasalukuyan ay nabubuhay pa rin ang mga sugapang buwayang kumakamal sa kayamanang pinaghihirapan ng mga Pilipino.
Ito ba’y tanda ng tumataas na antas ng ekonomiya ng bayan? O isang harap-harapang panloloko sa mukha ng isang Juan dela Cruz?
Malapit na naman ang halalan. Panahon na naman ng mga himala na tila nagsasabing ang mga kandidatong ito ang lunas sa lumalalang sakit ng ating lipunan. Sari-saring pangako na naman ang ating naririnig. Isang walang katapusang pagbabago para sa buhay ng bawat Pilipinong sawang-sawa na sa lumang mga tugtugin na pauli-ulit nilang naririnig mula noon hanggang ngayon.
Bayan, saan tayo patutungo kung patuloy tayong magbubulag-bulagan sa tunay na kalagayan ng ating buhay? Wala na bang katuparan ang ating pangarap na pagbabago para sa kinabukasan ng ating bayan, pamilya, at sarili? Sino ba ang naghalal sa mga lingkod-bayang inakala nating maghahatid ng pag-asa para sa ating pambansang mithiin? Sino ba ang minsang pumili sa mga kandidatong umabuso sa kanilang kapangyarihan at sinamantala ang mga maliliit na tao? Hindi ba’t tayo ring mga mamamayan ang patuloy na sumusulat ng kanilang mga pangalan sa balota tuwing sasapit ang eleksyon sa ating bayan? Hindi ba’t ikaw at ako pa rin ang hanggang sa ngayon ay nasisilaw sa kanilang mga pangakong sa huli’y napapako? Sino ang dapat sisihin sa kaawa-awang kalagayan ni Juan dela Cruz?
Pilipino, hawak mo ang iyong kinabukasan. Walang sinuman ang maaaring humadlang sa matamis na pagbabagong iyong inaasam-asam. Ito na ang tamang panahon. Nasa iyong mga kamay ang tunay na kapangyarihan upang makamit ang tagumpay ng ating bayan. Nasa iyong mga kamay ang isang napakagandang pagkakataon upang mahubog ang pagbabagong puno ng pag-asa. May panahon pa. At ito na ang nararapat na panahon para sa atin.
Sa nalalapit na halalan, muli tayong lalabas sa ating mga bahay upang bumoto. Gamitin natin ang karapatang ito nang wasto. Tayo ang kapangyarihan. Hawak natin ang susi para sa pagbabago. Isang pagbabagong makakamit lamang kung sisimulan natin sa ating mga sarili. Mahalin natin ang ating dangal at pagkatao. Sa pamamagitan nito’y maipakikita rin natin ang pag-ibig para sa ating bayan. Ang isang marangal na pagboto mula sa isang malinis na pagkatao ay katumbas ng marangal na bukas at malinis na demokrasya. Simulan natin sa matalinong pagpili sa mga kandidatong marapat na pagkatiwalaan upang mamuno sa pamahalaan. Sino ba ang mga kandidatong tapat ang hangarin para sa mga kapus-palad? Sino ba ang mga pulitikong magsasagawa ng mga batas para sa kapakanan ng mga taong higit na nangangailangan? At sino ba ang mga pinunong gagabay sa mga Pilipino sa pagtahak sa landas ng tunay na panlipunang pagbabago?
Makiisa. Ang pag-asa ay nasa kasalukuyan.
Bumoto para sa mga kabataang naghahangad ng maaliwalas na darating.
Bumoto para sa mga pamilyang nananaginip ng isang maliwanag na kinabukasan.
Bumoto para sa bayang nais bumangon mula sa mahabang pagkakahimbing sa kahirapan, katiwalian, at kaguluhan.
Katulad mo, ipagsisigawan ko sa buong mundo na hawak ko ang kapangyarihan upang maghalal ng mga karapat-dapat na kandidatong may takot sa Diyos, malasakit sa mga kapus-palad, at may marangal at malinis na budhi.
Sa darating na Mayo, masisilayan ang pagngiti ng langit para sa aking pinakamamahal na bayan dahil sa isa kong boto.