
“Walang masama sa pagiging mulat. Ang pagiging mulat ay isang tanda na ang isang bayan ay nag-iisip o handang buksan ang kanyang mata para patuloy na ipaglaban ang mga naipaglaban na ng ating mga bayani noong mga panahon ng rebolusyonaryo.”
(There is nothing wrong with being open-eyed. Being open-eyed is one sign that a nation is thinking or is ready to open its eyes to continue to fight for what our heroes have fought for in the time of the revolutionaries.)”
Ito ang buod ng aking naging mensahe sa pagbubukas ng MULAT: A Visual Communication Exhibit na may temang Iba’t Ibang Obra Para sa Pang Araw-Araw na Pakikibaka” noong ika-13 ng Disyembre, 2019. Handog ito ng aking mga Communication students sa Far Eastern University upang ipamalas ang kanilang husay at galing sa larangan ng potograpiya, paglikha ng maiksing pelikula, at pagdisenyo ng movie posters na produkto ng kanilang mga proyekto sa buong semester.
Sinasabi nang marami na ang mga kabataan sa panahon ngayon o yung mga tinatawag na millennials ay masyadong pa-woke. Derogatory ang maaaring maging konotasyon nito dahil ang ibig sabihin ay masyadong nakikialam, maraming sinasabi o opinyon lalo na sa mga isyung pambansa. Ika nga’y masyadong maraming alam at mahilig makisawsaw.
Para sa akin ay smart shaming ito.
Walang masama sa pagiging “woke”. Dapat naman talagang manatiling gising o mulat ang mga mata upang patuloy na makita ang mga pangyayari sa lipunang ating ginagalawan. Kapag hinayaan nating nakapikit ang ating mga mata, malingat lang tayo’y magpapatuloy ang mga pang-aapi at pang-aabuso sa kapangyarihan. Kaya’t manatiling mulat at mapagmatyag upang hindi makawala sa ating mga mata ang mga katotohanang pilit pinasisinungalingan.
May sinasabi dahil may nakikita ang mga mata kahit ito’y pilit mang itago.
Hindi na ito bago sa atin. Kahit ang mga kabataang sina Jose Rizal, Marcelo del Pilar, at Andres Bonifacio noong panahon nila ay naging pa-woke din. Sa pagiging mulat ng katulad nila at ng maraming mga makabayang Pilipino ay naipagtanggol ang ating bayan sa kamay ng mga dayuhan. Sa pagiging mulat nag-ugat ang rebolusyon.
Sa katunayan, hindi pa natatapos ang laban. Hangga’t umiiral ang mga dominanteng sistemang itinalaga ng mga naghaharing-uri katulad ng kapitalismo, neoliberalismo, imperyalismo, pyudalismo, at pasismo, magpapatuloy pa rin ang laban.
Kaya’t manatiling mulat at mapagmatyag!