“You are the change that you dream as I am the change that I dream and collectively we are the change that this world needs to be.” Kung ating matatandaan, isa ito sa mga sinabi ni Efren Peñaflorida sa harap ng mga banyaga nang tinanggap niya ang parangal bilang CNN Hero of the Year noong Nobyembre 22, 2009. At sana, hindi pa ito nalilimot ng mga kabataang Pilipino. Nakatutuwang isipin, sa kabila ng mga kahirapang bumabalot sa ating bansa, ay mayroon tayong makikilalang mga kabataan na may malasakit para sa kanyang kapwa at sa kinabukasan ng bayang kanyang ginagalawan. At isang halimbawa dito ay ang samahang itinatag nila Kuya Efren na Dynamic Teen Company na nakilala sa buong mundo dahil sa layuning mapabuti ang mga kabataan sa kanilang lugar sa kabila ng kanilang mga kakapusan sa buhay at mga limitasyon. Pinatunayan nilang wala sa pagkakaroon ng posisyon sa pulitika ang tunay na paglilingkod. Anuman ang iyong katayuan sa buhay ay may kakayahan ang bawat isa sa ating magmalasakit.
***
***
Dahil ikaw ang simula, dapat tama! Ngayong araw na ito, ika-13 ng Mayo, muli nating nasaksihan ang pakikialam ng mga Pilipino para sa kinabukasan ng bayang ito. Isang sagradong pakikialam na dapat gawin ng bawat isa sa atin. Sabi nga nila “wala kang karapatang magreklamo sa pamahalaan kung hindi mo ginagamit ang iyong karapatang bumoto nang wasto.” Sumasaludo ako sa mga Pilipinong lumabas sa kanilang tahanan, nakisiksik sa maraming tao, at matiyagang naghintay sa kabila ng matinding init ng panahon, mamarkahan lamang sa balota ang mga kandidatong sa tingin nila’y makakaagapay ng bayan sa pagpapaunlad nito sa mabuting paraan. Ngayong mayroon na tayong mga bagong halal na Senador, Congressman, Gobernador, Mayor, mga Konsehal at iba pa, sana sila mismo ay ang pagbabagong hinahanap rin ni Kuya Efren at ng batang si Kesz. Ngayong sila ang nasa posisyon, di hamak na mas malaki ang kanilang oportunidad upang magbinhi ng positibong pagbabago. Gamitin nawa nila ito sa isang tapat at malinis na paglilingkod.


