Justice is served after 10 years.
Taong 2009 nang mangyari ang isa sa pinakakarumaldumal na pagpatay sa mga mamamahayag kabilang ang marami pang iba sa tinaguriang Maguindanao Massacre. Nasa 57 ang kabuuang bilang ng mga pinaslang noong ika-23 ng Nobyembre ng taong iyon. Tinagurian itong “deadliest attack on journalists in the world, and the worst election-related violence in Philippine history”.
Sa wakas, pagkatapos nang sampung taon at sa pagdaan sa papalit-palit na administrasyon ay nakamit na rin ng mga biktima at ng mga naulila ang hinihintay na hustisya. Convicted ang magkakapatid na Ampatuan mula sa angkan ng makapangyarihang pulitiko sa nasabing bayan.
Bahagi ng aking adbokasiya ang paghangad ng hustisya para sa lahat ng ating mga journo na sadyang binusalan ang bibig upang patahimikin.
Dahil dito ang inyong lingkod ay gumawa ng isang social advocacy film na pinamagatang “Pieta” (O Kung Bakit Nagluluksa si Luzviminda sa Kapalaran ni Juan dela Cruz). Ang maiksing pelikulang ito ay tungkol sa isang ina at sa pagsisikap na makamit ang katarungan para sa kanyang anak na isang mamamahayag na pinaslang dahil sa kanyang trabaho.
Ang karakter ni Luvminda ay representasyon ng lahat ng mga Pilipinong patuloy na lumalaban upang wakasan ang anumang uri ng paglabag sa karapatang pantao. Kabilang dito ang karapatan ng ating mga journalists na mamuhay nang payapa at walang takot habang ginagampanan ang kanilang tungkulin para sa bayan. Karapatan ng press at media ang magpahayag at magsiwalat ng katotohanan sa isang demokratikong bansa katulad ng Pilipinas. Mayroon tayong press freedom at ito’y dapat ipagtanggol.
Katulad ni Luzviminda hangad ko rin ang isang malaya at mapagpalayang midya!
#StopKillingJournalists