Rebelyon sa Panahon ng Twitter

“Nay, matanda na ko! Alam ko na kung ano ang ginagawa ko,” ang sagot ng isang tipikal na kabataang Pinoy nang siya ay minsang pinagsasabihan.

Sa panahong mabilis ang pagbabago ng kultura at mga kaugalian sa ating lipunan, kasabay nito ang umano’y labis na pagsasarili ng mga kabataan at hindi pagpansin sa tradisyunal na turo ng kanyang mga magulang, nakatatanda, at paligid na ginagalawan.

“Independent” ang salitang tawag sa mga tao o mga kabataang natututo umanong tumayo sa kanyang sariling mga paa na wala ang nakasanayang pag-alalay o paulit-ulit na pagbabawal ng magulang. Subalit sa labis na paghahangad ng independence ng mga kabataang ito ay nauuwi ang lahat sa tinatawag na teenage rebellion.

Ang “teenage rebellion” o pagrerebelde ay isang direktang pagtanggi o pag-iwas sa lumang tradisyon o kaugaliang nakasanayan na ng kabataan at pagtanggap sa isang bagong pananaw at paniniwala na ayon sa kanya ay mas tama at katanggap-tanggap. Ang ganitong uri ng senaryo ay karaniwang nagaganap sa mga edad 13-25 taong gulang. At sa maraming pagkakataon, ang teenage rebellion ay sanhi lamang umano ng paghahangad ng isang kabataan na siya ay tanggapin ng kanyang lipunang kinabibilangan o kaya ay upang magkaroon ng sariling pagkakakilanlan o “identity.” Ayon sa mga pag-aaral, mapapansin ito sa paraan ng kanilang pamumuhay, pakikitungo sa kapwa at mga bagay-bagay, at kahit sa panlabas na anyo nito.

***

“Tandang-tanda ko pa  noong hayskul ako nang mapagsabihan ako ng teacher ko sa harap ng klase na nagrerebelde raw ako kasi nagulat sya nang bigla raw naiba ang pinapakita kong ugali noon,” pahayag ni Everson Villanueva, SK Chairman ng Sta. Monica, Hagonoy. “Para kasing nawalan ako ng ganang mag-aral nung time na yun pero sarili ko namang desisyon yun,” dagdag pa ni Villanueva. “Pero pagdating sa panunungkulan, natutunan kong hindi dapat magrebelde dahil ako dapat ang maging role model ng mga kabataang nakakasalamuha ko.”

“Teens are growing up!” buong pagmamalaking sagot ni Cindy Salova, 22, at isang college graduate. “Kasi di ba kapag teens are growing up nagiging curious sila, at nagkakaroon ng barkada. At kaya nagrerebelde ang mga teens e dahil na rin sa paghihigpit ng magulang. Sabi nga nila, lalung hinihigpitan…lalong nagwawala!”

***

Sa pananaw naman ng mga magulang, malawak na umano ang kanilang karanasan pagdating sa pagpapalaki ng ganitong mga kabataang dumarating sa panahong nagrerebelde na sila at hayagang sumusuway sa kanilang mga utos at habilin. Pero para sa kanila ito ay hindi biro at kailangang tugunan nang tama ng sinumang magulang at hindi kailangang ipagwalang-bahala lamang.

Katulad na lamang ni Lucila Bautista, 45, mula sa Paombong, Bulacan, at may apat na anak na pawang mga kabataan na may edad na 15, 17, 19, at 21, ayon sa kanya isa sa mga dahilan kaya nagrerebelde ang mga kabataan ay dahil sa hindi maayos ang relasyon sa pamilya, maling paghubog sa kanila, at maaaring nakakadama sila ng rejection mula sa pamilya o kaya naman hindi sila nakakadama ng pagpapahalaga.

Sinuportahan naman ito ng naging pahayag ni Rinia Rivera, isang guro mula sa San Sebastian Elementary School. Aniya “maaaring may mga karanasan siya o kanyang pamilya na hindi maganda o pinagkaitan siya ng di pantay na hustisya. Maaari din namang may mga prinsipyo siyang against sa ipinatutupad ng namumuno.”

***

Subalit sa kabilang dako ay itinuturing din ito ng ibang mga magulang at ng mga kabataan na normal lamang sa proseso ng kanilang paglaki patungo sa kanilang ganap na pagtanda. Para sa ibang mga kabataan ito ay isang tanda lamang na sanay na silang magdesisyon para sa kanilang sarili subalit kailangang ilagay pa rin sa tamang paraan at hindi nakasasakit ng kapwa.

“The major reason for rebellion in teenagers is for them to find their place in the adult world, to find where they belong in the greater scheme of things. Like all children, teenagers cannot know the limits of their behavior without first exploring the edges. We are not born with an innate sense of right and wrong, we learn the difference through trial and error as we mature. Teenagers only need the time, and life’s lessons, to learn correct behavior,” ayon sa artikulong isinulat sa webpage na Essortment ni Allan Quartly.

 

Leave a comment