Alila Sa Iyong Pagsinta

Sa tuwing mga mata’y sumusulyap sa iyo,
ayaw nang kumurap na wari’y napako.
Mayroong natatanging kahiwagaan
‘pagkat naaakit ‘pag ika’y namamasdan.

Ako’y nahahalina ‘pag naririnig
ang iyong tinig na kay lamig ng himig.
Sa tuwina’y anong lambing
sa tuwing ngalan ko’y iyong tatawagin.

Ano pa kaya nang ika’y nakasama
at lalong nakilala ang isa’t isa?
Namalas kong higit taglay mong kagandahan
‘di lamang sa labas pati na sa kalooban.

Hinding-hindi ko maipagkakaila
na ako’y may kakaibang nadarama;
Hindi naman galit maging kalungkutan
kundi isang pag-ibig na walang hanggan.

Ngunit ako’y tunay ngang mangungulila
kung ipagkakait mo ang iyong pagsinta.
Nawa’y pag-ibig mo’y sa akin ipagkaloob
upang yaring puso’y sa galak masubsob!

Leave a comment