Mas malinaw na daan upang matanaw ang aking pangarap

Bakasyon noon at walang pasok nang una akong inanyayahan ng MABUHAY na dumalo sa isang mini-workshop on journalism na ginanap noong ika-21 ng Mayo 2006 sa Paombong, Bulacan. Matatandaang ito’y kanilang handog-pasasalamat para sa kanilang pagtanggap ng karangalan mula sa Philippine Press Institute (PPI) kung saan ay tinanggap nila ang Best in Photojournalism Award sa taong 2005.

Simula noon ay hindi na natapos ang pangungulit ng may 16 na mag-aaral noon na magkaroon ng Part 2 para sa ganitong uri ng pagtitipon. Limang buwan ang lumipas at muling naghandog ang pahayagang MABUHAY ng panibagong mini-campus journalism seminar na ginanap noong ika-29 ng Oktubre sa Ciudad Clementino Resort, San Isidro I, Paombong, Bulacan. Sa pagkakataong ito ay nadagdagan ang bilang ng mga mag-aaral na nakiisa na buhat sa 16 noon ay 22 na ngayon at mula pa rin sa Bulacan State University at Centro Escolar University. Ang isa rito ay mula pa sa University of the Philippines-Baguio.

Mas pinalalim. Mas pinalawak. Iyan ang bigat ng pag-aaral na iyon tungkol pa rin sa pamamahayag. Sa pagkakataong ito ay muling pinaalala sa amin ni Jose L. Pavia, publisher ng naturang pahayagan, ang tunay na katangian ng isang balita na dapat isulat ng isang tunay na mamamahayag. Balanse. Sakto. Mapagkakatiwalaan.

“Journalists should be well-educated,” pagbibigay-diin ni Pavia sa kanyang pagtuturo sa amin bilang lecturer. Ayon sa kanya, ang mga mamamahayag na katulad namin ay marapat lamang na bigyan ng ibayong pagpapahalaga ang edukasyon sapagkat aniya ito ang pinakamagandang susi upang kami ay maging matalinong manunulat. Dagdag pa niya, magagawa namin ito kung kami ay palaging nagbabasa ng mga pahayagan at aklat upang lalong lumawak ang aming kaalaman sa buhay at lipunang ginagalawan. “Your work must be extra-ordinarily done,” ayon pa sa beteranong mamamahayag.

Hindi magiging kumpleto ang aming journalism seminar kung hindi nagbigay ng kanyang mahahalagang tips si Dino Balabo, reporter ng MABUHAY. Mula pa noon ay naging bokasyon na niya sa buhay ang maglingkod sa bayan bilang peryodista. Kaya naman sa tagal niya sa industriyang ito ay batid niya kung gaano kahirap ang trabahong ito ngunit para sa isang taong may dedikasyon ito’y mahalagang bahagi ng kanyang pamumuhay.

“Read. Read. Read,” bukambibig ni Balabo sa aming mga mag-aaral. Ito raw aniya ang daan upang kami ay magtagumpay.

Sa huling bahagi ng seminar ay binigyang-pansin naman namin ang napapanahong uri ng pamamahayag na tinatawag na civic journalism. Sa mga oras na iyon, mas naunawaan namin ang makabuluhang layunin ng ganitong uri ng pamamahayag. Ayon kay Pavia, hangarin nitong mapakinggan ang boses ng mga ordinaryong mamamayan na siyang karaniwang apektado ng mga isyung panlipunan. Karaniwan daw kasi sa pagbabalita ay pare-pareho lamang ang mga pinagmumulan o tinatawag na sources. Bagama’t mahalaga pa rin sa civic journalism ang bahagi ng mga opisyal ng gobyerno ay binibigyan naman nito ng mas malalim na pansin ang saloobin ng iba’t ibang tao sa isang komunidad. Sa pamamagitan nito, mas nauunawaan ang tunay na problema ng bayan at mula mismo sa kanilang bibig nanggagaling ang mga panukalang makatutulong para sa ikalulutas nito.

Hindi lamang pagtuturo ang layunin ng MABUHAY para sa mga batang journalist na katulad ko. Sapagkat simula pa lamang noong una ay nabigyan na ako sampu ng aking mga kamag-aaral ng pagkakataong makapagsulat mismo sa kanilang pahayagan. Kaya naman hanggang ngayon ito ay mahalagang bahagi pa rin ng aking pagsisimula bilang isang mamamahayag.

Totoo pala ang kanilang hangarin para sa isang batang journalist na katulad ko. Sapagkat bukal sa kanilang kalooban ang paghahandog sa amin ng mas malinaw na daan upang matanaw ang aming pangarap na maging tagapag-alaga ng demokrasya sa darating na bukas.

Ito pa rin ang pangarap ng isang batang journalist.

Leave a comment