Bata, bata…may anak ka na pala?

Iba na talaga ang panahon ngayon. Pati mga bata, hindi na bata kung mag-isip at umasta. Kanina lang may gatas pa sa labi, malingat ka lang ay mga tatay at nanay na pala!

Sinu-sino sa ating mga kabataan ngayon ang nahaharap sa isang hindi birong responsibilidad bilang mga magulang sa kanilang murang edad? Marahil sa panahon ngayon ay hindi na isang malaking isyu kung ang iyong kaibigan o kaklase na kinse anyos lamang ay nagdadalang-tao na samantalang siya ay nasa hayskul pa lamang. Isa na bang pangkaraniwang kalagayan ngayon ang labis na pagkamulat ng mga kabataan pagdating sa kanilang sekswal na aspeto? O marahil ay kulang lamang ba sila sa tamang impormasyon at gabay mula sa mga konserbatibong nakatatanda?

Ayon sa National Demographic and Health Survey isa sa apat na babae na may edad 19 ay mayroon nang anak at isa sa limang binata mula 20 hanggang 24 taong gulang ay maituturing nang isang batang ama. Sa kabuuan, ayon sa kanilang pag-aaral, 30% ng panganganak sa bansa ay mula sa mga batang ina mula 15-19 taong gulang.

Idinagdag pa ni Mylene Quiray, Information Officer ng Commission on Population nang siya ay aking nakapanayam ay 23.2% naman sa ating mga kabataan ay nag-engage na umano sa tinatawag na PMS o Pre-marital Sex na siyang nagdudulot ng maagang pagbubuntis.

***

Curious lang ba ang kabataang Pinoy?

“Yes, isa sa mga factors ng PMS at Teenage Pregnancy ay ang curiosity ng mga kabataan,” tugon ni Ms. Cyndy Jarabata, President and Founder ng Advocates for Youth Philippines Foundation, isang organisasyong naghihikayat at nagtuturo sa mga kabataan para sa isang responsableng pamumuhay. “Dahilan nito unang-una ay curious sila sa mga body changes na nangyayari sa kanila. Environment is also a big factor.”

Ayon pa kay Jarabata ay mayroong Top 3 influences sa mga kabataan kaya napapasok sa ganitong sitwasyon. Una rito ang peer pressure. Karaniwan silang napipilitan dahil sa akala nila na ikaw ay hindi “in” kapag hindi mo pa nasusubukan ang bagay na iyon. Sumunod ang telebisyon. Minsan daw ay may mga naghahalikan o higit pa sa mga eksena na napapanood ng mga kabataan. At ang ikatlo ay ang music na kung mapapansin daw ay may subliminal messages na talagang nakakainpluwensya sa kabataang Pinoy.

***

Sex Education, solusyon nga ba?

Minsang naging mainit ang isyu tungkol sa pagsasama sa kurikulum ng paaralan ang tinatawag na Sex Education. Layunin umano nito ang pagtuturo ng tinatawag na sexual responsibility para sa mga kabataan. Isa umanong responsibilidad na hindi tumatalakay sa anumang kabastusan kundi sa tamang pagharap sa totoong kalagayang pang-sekswal ng mga kabataan at ang mga pagbabagong nagaganap sa kanilang katawan.

Ayon sa artikulong isinulat ni Susan Fernandez, “hindi totoong mas magiging mapusok ang kabataan kapag natututunan ang ukol sa sex. Natatalakay kasi nang maigi ang mga negatibong epekto ng mga sitwasyong ito sa kabataan. Nabibigyan ng kapangyarihan ng kaalaman ang kabataan at ito ang gumagabay sa kanila tungo sa mas responsableng aksyon at pakikitungo sa tao.”

Subalit tandaan natin na ang pagkamulat ng mga kabataan ay unang nagaganap sa kani-kanilang mga tahanan. Magsimula sana ang paggabay mula sa mga magulang na unang-unang nagbibigay linaw sa mga bagay na hindi lubos na nauunawaan ng mga kabataan ngayon kahit pa ang usaping sekswal. Hindi ito dapat ikaila. Hindi ito dapat ikahiyang pag-usapan. Sapagkat sa pamamagitan lamang ng tamang komunikasyon sa pamilya at pagtuturo ng magulang nagkakaroon ng tiyak na pagkamulat ang mga kabataang puno ng mga katanungan sa buhay.

Leave a comment