Ang Kagitingan ng Dakilang Bayani

Sa bayan ko’y isinilang ang dakilang katulad mo
Mula sa sinapupunan ng ‘sang lahing Pilipino;
Ika’y kaloob ng langit, sa bayan ko’y isinugo
Upang magbinhi sa lupa ng mapagmahal na puso–
Pusong likas ang pag-ibig saanmang dako ng pulo;
Puso ng isang magiting at bayaning Pilipino.

Ika’y dakilang bayani, sa mundo ay natatangi,
Buhay mo’y iniaalay, masawi man ang sarili
Para sa bayang nalugmok sa mga dusa’t pighati;
Pangarap mo’y nagniningning sa kadiliman ng gabi,
Tanglaw ka ng aking bayan tulad ng sulong may sindi,
Natatanging Pilipino, ika’y dakilang bayani.

Bayanihan ang sandigan sa ‘sang kayumangging lupa,
Sama-samang nagbibigkis, pinagtibay ng pag-asa,
Bawat isa ay bayani sa piling ng isa’t isa
Sa bayan kong pinagpala at bayang sadyang dakila.
O bayaning Pilipino, kagitingan mo’y nagbunga
Ng sanlaksang karangalan at ‘sang bukas na malaya!

Leave a comment