O kay palad ko’t may natatanging rosas–
Nagbibigay ng bango sa bawat bukas,
Naghahandog ng kay gandang kulay;
Hindi naman natitinik yaong abang buhay
Pag-ibig niya’y hindi kumukupas
Sanlaksang bagyo man ang humampas.
O kay palad ko’t may mabuting ina–
Sa buhay ko’y isang kayamanan,
Nakaluklok tuwina sa aking puso;
Kailanma’y hindi maglalaho
Sa aking damdami’y walang mandarambong
Animo’y baul na susi’y itinapon.
O kay palad ko’t ako’y mula sa kanya–
Siyam na buwang nasa sinapupunan,
Sakit sa pagluwal ay ‘di inintindi
Bagkus pagmamahal ang kanyang haligi;
Ngayo’y tanaw ko na ang sandaigdigan
Na likha ng Amang Makapangyarihan.
O kay palad ko’t may tinig na pang-aliw–
Sa aking pag-idlip tuloy ang pagngiti
Habang kanlong ng malambot niyang bisig
At inuugoy na puno ng pag-ibig;
Siya ang kapiling maghapo’t magdamag
Sa aking pagdilat siya pa rin ang tanaw.
O kay palad ko’t ‘pag tiyan na’y kumalam–
Siya’y balisa na’t hanap ay biyaya;
Kapag nadapa’t nagsugat yaring tuhod
Dali-daling nagbibigay-lunas dito;
‘Pag may karamdamang ‘di kanais-nais
Unang nababahala…ano’ng gagawin?
O kay palad ko’t hanggang sa aking paglaki–
Pagmamahal niya’y nananatili pa rin;
Damang-dama ko ang kanyang pag-aalaga
Nasaan man ako’y naaalala siya;
Ako’y yakap niya sa tuwina
Malayo sa panganib at walang pangamba.
O kay palad ko’t nadarama ang ligaya–
Sa akin ay palaging ipinapadama;
Mga pangarap niyang makulay
Sa akin ay tunay na inaalay;
Wala nang hinangad kundi kabutihan
At kagandahan ng kinabukasan.