Ang Aming Tahanan

Ang aming tahana’y puspos ng pag-ibig
‘Pagkat may pamilyang iisa ang pintig
Ng pusong may buhay sa loob ng dibdib–
May iisang tibok, may iisang himig.

Mula sa pagsilang agad naaninag
Ang masiglang ilaw handog ay liwanag
Nang laging magtanglaw sa lahat ng bukas,
Nang hindi maligaw saan man mapadpad,
‘Pagkat mayro’ng inang alay ay paglingap
Na tulad ng araw ang init ng yakap.

Ang aming tahana’y pugad ng pag-asa
‘Pagkat may pamilyang kalul’wa’y payapa
Sa piling ni Ina, sa piling ni Ama,
At sa bawat isa’y malaya ang tuwa.

Hanggang sa pagtanda sa t’wina’y sandigan
Ang tanging haliging pundasyon ng buhay
Nang laging matiyak yaong katatagan,
Nang hindi magiba bagyo ma’y magdaan,
‘Pagkat mayro’ng amang laging nakaakay
Sa gitna ng gabi’t buwan ay mapanglaw.

Ang aming tahana’y bukal ng pangarap
‘Pagkat may pamilyang kasamang namulat
Sa bawat tungkuling dapat ay matuklas
Naming mga anak sa malayong landas.

Hanggang sa pagtanda’t muling pagsilang
Kakambal ang aral na nagbigay-buhay:
Kung ang kalangita’y nais na mahagkan
Dapat magmahalan, dapat magtulungan,
‘Pagkat may kapatid na laging karamay,
Araw man o gabi’y laging kaagapay.

Ang aming tahana’y munting paraiso
‘Pagkat may pamilyang langit yaong mundo
Anumang pangarap, saan man dumako–
Pag-asa’t pag-ibig ang kulay ng dugo.

Mula sa pagsilang hanggang sa pagtanda
Umusbong, yumabong, sa t’wina’y nagbunga
‘Pagkat may tahanan kung saan nagmula
Ang dakilang buhay na laging sagana
Sa yaman ng puso’t busilak na diwa,
Gabi man o araw ay tanging biyaya.

One thought on “Ang Aming Tahanan”

Leave a comment