Malapit na ang Pasko!

Lumalamig na ang simoy ng hangin
Hatid ng amihan mula sa damdamin;
Nakasabit na ang mga parol sa bahay
Maaakit kang tunay sa iba’t ibang kulay;
Pati sa mga ilaw na kumukuti-kutitap
Na animo’y mga lumilipad na alitaptap!

Sa loob ng bahay ay may puno ng pino–
Isang punong pampasko na puno ng regalo;
Sa tuwing ang gabi ay sumasapit
Maririnig na ang mga batang umaawit;
Sa iyo’y humihingi ng kaunting barya
Kapag iyong binigya’y pagpalain ka nawa.

Ang buong mag-anak ay lumuluhod sa simbahan
Sama-sama sa simbang gabi tungo sa kabanalan;
Sa iyong paglabas sa tuwina’y sasalubong
Mainit na bibingka at putubungbong;
Naghihintay naman ang mabubuting mga bata
Sa hatid na regalo ng butihing si Santa.

Ito’y mga bagay na matatanaw saanmang dako–
Mga hudyat na malapit na ang Pasko!
Sama-sama tayong dumulog sa hapag-kainan
Masarap na noche buena’y ating pagsaluhan;
At sa mapayapang buhay sa mundo…
Salubungin ang Pasko’t isinilang si Kristo!

Leave a comment