Thank You Sa Malasakit Lolo Kiko

Thank you sa malasakit, Lolo Kiko!

Sa aking buong buhay ay hinding-hindi ko malilimot ang aking sariling karanasan sa pagbisita ni Pope Francis dito sa ating sariling bansa para sa milyun-milyong mga Pilipino.

Madaling araw pa lamang ng Ika-18 ng Enero taong 2015 ay gumising na ako kasama ng aking nanay, mga tiyahin at tito upang buong giliw na lumuwas ng Maynila at magtungo sa Luneta Park. Umagang-umaga ng araw na iyon ay pumila na kami nang pagkahaba-haba, nilakbay ang park na may usad-pagong na paglalakad dahil sa hindi-mahulugang-karayom na kapal ng tao na dumagsa rin sa lugar na iyon upang makinig ng misa at masilayan si Papa Francisco.

Bagama’t hindi man kami nakapasok sa mismong loob ng Quirino Grandstand, masasabi kong mapalad pa rin kami dahil nakarating kami malapit sa bakal na barikada na nakaharap sa kalsada kung saan ay dadaan ang Pope Mobile. Alas-diyes pa lamang ay nakaabang at nakatayo na kami doon upang hintayin ang pagdating ng Papa sa gitna ng tuluy-tuloy na pagbuhos ng ulan. Ganap na alas dos y media ay nagsimula na siyang lumibot gamit ang jeepney-type mobile. Sa kanyang pagdaan sa aming harapan, iyon na yata ang aking pinakamabahang limang segundo ng aking buhay.

PopeFrancis

Sa kanyang maamong mukha at matamis na mga ngiti ay nasaksihan ko sa kauna-unahang pagkakataon ang presensya ng isang Santo Padre. Noong dumalaw si Pope John Paul II dito sa Pilipinas noong 1995 ay masyado pa akong bata noon at hindi nagkaroon ng pagkakataon na siya ay makita. Sa kanyang pagdaan sinikap kong bumulong ng mga dasal sa ating Panginoong Hesus at nananalig na sa pamamagitan din ni Papa Francisco ay magsisilbi siyang tulay para sa lahat ng aming mga dasal.

Bilang isang Katoliko, ako ay nananalig sa misyong ibinigay ng Diyos kay Papa Francisco bilang kahalili ni San Pedro sa lupa at siyang pinuno ng Simbahang Katolika. Sa pamamagitan ng kanyang mga mabubuting gawain at mapagpakumbabang pamumuhay, nagsisilbi siyang inspirasyon para sa akin at sa lahat upang tularan si Kristo Hesus at maging isang mabuting biyaya para sa kapwa.

Ito na ang pinakamahabang linya ng mga tao na aking napilahan sa aking buong buhay at pinakamahabang oras na nakatayo habang basang-basa sa ulan. Subalit tuwing naiisip ko ang hirap na aming nararanasan noong mga panahong iyon, iniisip ko na lamang na wala iyon sa kalingkingan ng paghihirap ni Kristo sa krus kaya naman kami ay buong tiyagang naghintay at taimtim na nakinig sa kanyang misa.

Kasama ng sambayanang Pilipino, ako ay nananalangin na patuloy pang pagpalain si Papa Francisco at bigyan ng sapat na lakas upang patuloy na maikot ang mundo at ihatid ang pag-asa mula sa langit. At sa kanyang paglisan ngayong araw na ito pabalik ng Roma, baunin nawa niya ang taus-pusong pasasalamat ng mga Pilipino sa kanyang pagmamalasakit. At sa kanyang paglisan, maiwan nawa sa ating mga puso ang tunay na diwa ng pagiging isang Kristiyano.

Leave a comment