Larawang Kupas ng Kabataan

Akala ko ba pag-asa ka ng bayan? Sabi mo pag-asa ka? Umaasa pa naman si Lolo Pepe na iingatan mo ang larawan ng isang malayang bansa? Nasaan na ang larawang iyon?

Ano? Kumupas na?

Sa mabilis na pag-ikot ng mundo kasabay ang mabilis na pagbabago ng mga kabataan. Sa pagpasok ng modernisasyon, ibang-iba na talaga ang kabataan ngayon. Nakapanlulumong aminin na tuluyan nang lumalabo ang kanyang pananaw sa buhay; nabibingi na sa tawag ng kanyang bayan; at naglalaho na ang tunay ng kahulugan ng kanyang katauhan.

Sa loob pa lamang ng tahanan ay masasaksihan na ang kanyang pagiging suwail na anak. Hindi binibigyan ng kaukulang pagpapahalaga ang paghihirap ng kanilang mga magulang upang sila ay alagaan. Nagdarabog kapag pinagsasabihan dahil sa kanyang maling nagawa. Pasaring na sinasagot ang magulang. Inaaway pa ang kapatid. Nayayamot kapag inatasang maglinis ng bahay, maglaba, mamalantsa, at magluto. Ginagawa na nga, masukal pa sa loob. Naririndi kapag tinatanong kung saan nanggaling dahil sa tuwing uuwi ng bahay ay hating-gabi na. Madalas pa ngang umaga umalis ng bahay umaga rin uuwi.

Saan ka ba kasi galing?

Kaya naman pala kasama na naman ang barkada! Halos gabi-gabi na lang ay may gimik ang buong tropa. Sinusunog ang baga sa usok ng yosi na hindi alintana ang masamang dulot nito sa katawan. Kinabukasan, masakit ang ulo. May hang-over kasi.

Sa pagpasok naman sa paaralan namumugto ang mga mata sa sobrang puyat. Laging nahuhuli. Ang iba d’yan nakakatulog na sa klase. Madalas gulatin ng guro niya, nakatulala kasi. Lumilipad ang isip. Kumakabog ang dibdib sa tuwing tatanungin ng guro tungkol sa paksa ng aralin. Magkakamot ng ulo. Hindi raw nakapagbasa. Pinapapasa ng guro ang kanyang proyekto. Magkakamot ng ulo. Nakalimutan daw niya. Sa panahon naman ng pagsusulit, lumilingap-lingap ang mga mata sa kaliwa at kanan. Nababali ang leeg makita lamang ang sagot ng katabi. Maya-maya kinakalabit ng guro. Nasa likod pala niya. Magkakamot ulit ng ulo.

Uwian na. Nagmamadali. Kasama ang tropa. Pupunta sa bahay ng isang kaibigan. Iinom na naman daw. May nakahanda raw silang pera. Kickback mula sa buwanang tuition fee para sa pagsusulit. Ganoon na naman. Madaling-araw na wala pa sa bahay.

Papasok ulit sa paaralan. Nagrereklamo sa nanay kulang kasi ang baon niya. Nagdarabog pa palabas ng bahay. Sa paaralan, niyaya siya ng kamag-aaral niya na maglaro na lamang ng computer games. Siya raw ang taya ngayon. Huwag na raw silang pumasok sa susunod nilang klase, nakakaantok naman daw.

Maaga namang nakauwi sa bahay. Telebisyon kaagad ang kaharap gayong maraming gawaing-bahay. Sa gabi kaagad lumalabas ng bahay. Tatambay. Madalas niyang naiisip na tumulad na lamang sa mga kaibigan niya sa tambayan na nakaupo lamang doon buong maghapon at hindi pumapasok sa paaralan. Dumating na ang nakakatakot. Sinusubukang tumikim ng bawal na gamot. Tikim lang daw. Kinabukasan, hinahanap-hanap na. Nang sumunod na mga araw laging nakikipagbabag sa mga kapwa kabataan. Habang tumatagal ay naging bisyo na ang droga pati ang away. Nang sumunod pang mga araw, hinihimas na ang malamig na bakal ng rehas.

Ang isa namang mukha ng kabataan ay laki sa layaw. Hinahangad lahat ng bagong damit, sapatos, at cell phone. Walang disiplina sa paggamit ng makabagong teknolohiya. Lantaran na ang pornograpiya sa internet—cybersex at sex video na karaniwang tinatangkilik ng mga kabataan.

Pre-marital sex. Bahagi raw ng kanyang pagmamahal sa kasintahan. Mapusok na pag-ibig. Nabuntis ang batang dalaga. Hindi kayang panagutan ng lalaki. Ano raw ang naghihintay na buhay sa kanilang magiging anak gayong hindi pa sila nakatatapos sa pag-aaral? Naguguluhan ang batang babae. Abortion na lang daw.

Ang lahat ng ito ang pangunahing larawan ng mga bagong kabataang Pilipino ngayon. Mabilis na nilalamon ng bagong panahon ang kanyang puso at diwa. Matinik na ang landas na tinatahak. Madilim na ang inaasahang bukas. Masikip na ang mundong ginagalawan. Kumupas na ang larawang mapagmahal sa pamilya at pinalitan ng isang suwail na anak. Kumupas na ang larawang masipag sa pag-aaral at pinalitan ng isang mapagwalang-bahalang mag-aaral. Kumupas na ang larawang masunurin sa batas at pinalitan ng isang hambog na mamamayan. Kumupas na ang larawan ng magagandang mga pangarap at pinalitan ng isang mapusok na adhikain. Kumupas na ang larawan ng madasaling nilalang at pinalitan ng isang kabataang madaling masaling ng tukso. Ito ba ang larawang masisilayan sa kinabukasan? Isang larawan ng mahina at magulong bansa?

Nasaan kayong mga kabataan? Ikaw ang “pag-asa ng bayan”! Gumising ka!

Nasaan kayong mga magulang, mga paaralan, at simbahan? Kayo ang pag-asa ng kabataan. Nasa inyong mga kamay ang tungkulin sa paghubog ng mga bagong binhi ng bayan.

Kailan manunumbalik ang larawang kupas ng kabataan?

Iguhit ninyo ang larawan ng isang kabataang hinubog sa kagandahang-asal, pinanday ang talino at kakayahan, at tinuruang lumapit sa Maykapal, at iguguhit ko naman ang bagong larawan ng isang bayang mapayapa, matatag, at maunlad.

Leave a comment