All posts by herwincabasal

Sandigan ng Kinabukasan

Mapalad ang mga kabataan sa bagong panahon sapagkat siya’y may matibay na sandigan tungo sa maunlad na bukas. At sa malambing na pagsibol ng bagong umaga, hatid ay bagong liwanag ng makabuluhang pag-asa. Naglalatag ng maaliwalas na paligid. Naghahasik ng ningning sa buhay.

Ang liwanag na ito’y handog ng Diyos sa pamamagitan ng edukasyon. Sapagkat hindi Niya nais na mauhaw ang Kanyang mga anak sa kariktan at kadakilaan ng Kanyang mga likha. Samakatuwid, ang edukasyon ay biyaya para sa lahat, at dapat tangkilikin ng bawat isa. Ang sinumang hindi nagpapahalaga sa pagpapalang ito ay hindi rin naman nagagalak na siya’y isinilang; hindi rin naman nasasabik na dumilat ang kanyang mga mata upang masilayan ang tunay na kagandahan ng mundo.

Edukasyon ang bukal ng karunungan. Siya’y kadluan ng katamis-tamisang dunong. Sa malugod nating pagsalok at pag-inom sa kanyang balon, nadarama ang masiglang pagbabago ng buong katauhan. Ang ating isipan ay nagiging baul ng kayamanan dulot ng likas na biyaya. Nauunawaan natin ang ibayong kariktan ng buhay sa agham at sining. Lumilinaw ang ating paningin upang makita at matuklasan ang kahiwagaan sa bawat landas na ating tinatahak.

Edukasyon ang tanglaw ng landas. Nagniningas ang kanyang liwanag na tulad ng sulo upang magsilbing gabay sa daraanan ng sinumang humahawak nito. Nagpapatibay sa ating diwa upang magpatuloy sa ating paglalakbay na walang pangamba ni alinlangan sa paroroonan. Pinapawi niya ang dilim na nagliligaw sa atin. Hatid niya’y katiyakan na sa dako pa roon ay may katuparan ng isang pangako.

Edukasyon ang katuparan ng pangarap. Siya ang hagdan sa pag-abot sa mga bituwin. Siya ang bagwis upang makalipad sa alapaap. Kaisa natin sa pagsisid sa pusod ng dagat. Kasama natin sa pamamalakaya at pagsagwan. Kabalikat natin sa pagpanhik sa matarik na bundok. Kasangga natin sa paggapas sa mga gintong butil ng pag-asa dulot ng pagkayod, sipag, at tiyaga.

Edukasyon ang pag-asa ng kabataan. Sa kanyang kandungan nakasusumpong ng init sa nanlalamig na adhika; nakatatagpo ng sigla sa nanlulupaypay na pagkayod; at nakahahanap ng lakas sa nanghihinang kalooban. Siya ang sandigan ng bawat kabataan sa pagharap at pakikibaka sa anumang hamon ng panahon. Dulot niya’y katatagan ng mabuting paninindigan na binubuo ng mabuting pananaw sa buhay. Isang paet na lumililok sa talino, kakayahan, at asal buhat sa tamang pamantayan. Sapagkat ang araw na iyon ay malapit nang dumating: “kabataan ngayon ang bagong pag-asa ng bukas para sa isang bagong bayan.”

Edukasyon ang kawal ng bayan. Siya ang matikas na tagapagtanggol ng lipunan laban sa kamangmangang nagdudulot ng kaapihan; laban sa kasinungalingang nagnananakaw ng katarungan; laban sa kabuktutang nagsasanhi ng kasamaan; at laban sa katamarang nagpapalubha sa karukhaan. Buong giting niyang binubuwag ang mga salot na ito na humahadlang sa pag-unlad ng bayan upang patuloy na makamit ang tunay na karangalan, kapayapaan, kalayaan, kasaganaan, at kaligayahan.