All posts by herwincabasal

Kailan Muling Sisikat Ang Araw?

Natapos ang digmaan noong unang panahon
Ngayo’y ibinabalik muli ang panibagong hamon;
Naghahari ang karahasan sa isang dako
Nasisilayan ay pawang mga patak ng dugo;
Nasasayang ang buhay dahil sa kasakiman
Nakikipaglaban… bayan laban sa sariling bayan!

Sa ikatlong bituwin ng bansang Pilipinas,
Taglay niyang ningning unti-unting nagwawakas;
Bilog na buwan nama’y hindi mapansin sa gabi
‘Pagkat liwanag nito’y tuluyan nang nagapi;
Agos man ng batis ay ‘di marinig ang lagaslas
‘Pagkat nakitil na ng mga taong marahas!

Sa isang iglap mga ngiti’y biglang nawala
Simula nang mga ganid ay sumagupa;
‘Di man lamang inisip ang kalagayan ng masa
Maabot lamang ang ninanais na makuha;
Kahit mga bata’t mga taong walang malay
Sa mundo’y nawawalan ng pag-asang mabuhay.

Maging Muslim ka man o kaya’y Kristiyano,
Anuman ang relihiyon ikaw ay Pilipino;
Iba’t iba man ang paraan ng ating pagsamba,
Sa iisang Diyos nama’y sumasampalataya;
Kung kaya’t mag-away ay walang dahilan
‘Pagkat ayaw ng Maykapal ng may kaguluhan.

Iisang lahi lamang ang ating pinanggalingan
Buhok ma’y kulot o unat walang alinlangan;
Angkan mo’y angkan ko rin; angkan niya’y angkan natin
Anuman ang iyong isipin, sabihin, at gawin…
Kaya’t bakit pa ba makikipagtagisan?
Halina’t panatilihin ang kapayapaan!

Bakit pa ba maghahabi ng sariling bandila
Gayong sa iisang lupa tayo’y sama-sama?
Bakit ‘di maging mahinahon at magkaisa
Upang mapagbuklod ang bawat puso’t kaluluwa?
Alalahanin mong kung ano’ng puno’y siyang bunga
Kailanma’y punong saging ang bunga’y ‘di mangga.

Kailan kaya natin muling mararamdaman
Ang sarap ng tunay na pagmamahalan?
Kailan kaya muling tatawa’t madarama
Ang kiliti’t yakap ng walang hanggang ligaya?
Kailan kaya muling gigising upang matanaw?
Kailan ba muling sisikat ang iyong araw?