Category Archives: Here, I Advocate ⚖️

Layag sa Agos ng Kwento: Ang Pelikula ay Politikal

 

Imahe mula sa FEU Film Society

Layag sa agos ng kwento. 

Ngayong araw na ito, tayo ay nagsasama-sama para sa pelikula. 

Ang pagsasamang ito ay isa ring pagtindig sa ating mga prinsipyong naka-angla sa katotohanan, katarungan, at kalayaan. 

Ang pelikula ay may kakayahang sumalamin sa mga panlipunang isyu na naaayon sa totoong nararanasan ng ating mga kababayan. 

Ang pelikula ay pumapanig sa pagsusulong ng katarungan para sa mga nasa laylayan ng lipunan. 

Ang pelikula ay marapat na malaya at mapagpalaya. Hindi tayo dapat ikinukulong sa mga dominanteng perspektibo at naratibo ng buhay. 

Sapagkat ang kuwento ay hindi para mang-aliw lamang. 

Ang pelikula ay may kakayahang lumayag nang lumayag nang lumayag sa agos ng kuwentong nagmumula sa mga panlipunang realidad MULA SA IBA’T IBANG REHIYON, saanmang sulok ng ating arkipelago.  

Sapagkat ang sining ay may kakayahang maging kritikal. 

Nagbibigay ito ng espasyo upang pagnilayan, pag-isipan, at pag-usapan ang ating mga kalagayan sa lipunan. 

Subalit hindi ito natatapos sa mga diskusyon at diskurso lamang. Ang pelikula ay may kakayahang mag-udyok sa atin para kumilos at magsulong ng mga adbokasiyang magpapa-angat sa buhay ng lahat. Ito ay magagawa lamang kung tayo ay papanig sa katotohanan, katarungan, at kalayaan. 

Sapagkat ang sining ay politikal. Ang pelikula ay politikal. 

  • Excerpt from the welcoming remarks of Herwin Cabasal for SinePiyu XIV Opening Event on May 2, 2022