Inaalala natin ngayong araw ang ika-123 anibersaryo ng kamatayan at pagkamartir ni Gat Jose Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas.
Naaalala ko noong nasa high school pa lamang ako ay sobrang minamahal ko ang kanyang dalawang nobela – Noli me Tangere at El Filibusterismo. Paulit-ulit ko itong binabasa na halos makabisa na ang bawat kabanata. Hanggang sa ako ay magkolehiyo at lalong natutunan ang marami pang bagay tungkol kay Rizal.

Masasabi kong pagdating sa pagmamahal sa bayan, si Rizal ang una kong impluwensya. Siya ang aking inspirasyon noon sa pagsusulat ng mga tula at sanaysay pati na ang pagtatalumpati. Pati yata hawi ng aking buhok ay namana ko sa kanya. Hindi nga lang ako kasing chickboy ni Pepe. Biro lang.
Ang gusto ko kay Rizal ay ang kanyang hilig sa pagbabasa at pag-aaral. Dito, sigurado akong pareho kami. Pareho kaming mahilig sa mga libro at may lubos na pagpapahalaga sa edukasyon. Kaya ganoon na lamang ang aking pagsisikap na makatapos hindi lamang ng kolehiyo kundi pati gradwadong kurso – ang MA in Media Studies (Film) sa UP Diliman. Sa pag-aaral kong ito tulad ni Rizal ay mas lalong bumubukas ang aking isipan tungkol sa maraming bagay sa ating lipunan.
Ngunit anuman ang mga natutunan natin sa mga libro at eskwelahan ay mananatiling teorya lamang kung hindi natin ito tunay na isasabuhay. Ang buhay mismo ang siyang paaralan na magtuturo sa atin kung ano ang nararapat para sa sarili at maging para sa bayan.
Tulad ni Rizal, hindi natapos sa mga libro at pag-aaral ang kanyang buhay. Pagkatapos ng lahat ng kanyang mga natutunan, tiniyak niyang ito’y mapakikinabangan ng kanyang mga kababayan. Sinikap niyang imulat ang mata ng mga Pilipino upang makita ang kaapihan nito mula sa mga mananakop. At ang naging bunga naman nito ay ang masidhing paghahangad ng kalayaan para sa Inang Bayan.
Palibhasa’y alam ni Rizal na hindi tayo nabubuhay para sa sarili lamang. Ang buhay na inaalay para sa bayan ay walang kasing dakila.
Si Gat Jose Rizal ay tunay ngang dakila.