“Naku anak! Gusto mo pa bang maging isang mamamahayag? Alam mo namang mapanganib ang kanilang buhay ngayon?”
Iyan ang karaniwang sinasabi sa akin ng nanay ko sa tuwing nakikita niya sa telebisyon, naririnig sa radyo, at nababasa sa dyaryo ang balitang marami nang napapatay na mga mediamen dito sa ating bansa. Lalo pa siyang nanghilakbot nang mabatid niya na ang Pilipinas ay pumapangalawa sa Iraq sa pinakamapanganib na kalagayan sa buong mundo para sa mga mediamen.
Hindi ko ipinagkakaila sa aking ina ang pangarap kong maging isang journalist, kaya’t ganoon na lamang ang kanyang pag-aalala sa akin sapagkat hindi rin naman kaila sa kanya ang katotohanang hindi na mabilang ang mga mamamahayag na nabusalan ang bibig at kumain ng bala.
Subalit sa kabila ng mapait na katotohanan, hindi ito nagdulot ng anumang kaba sa aking dibdib bagkus ay lalo pang nagpainit at nagpasigla sa aking dugo upang ipagpatuloy ang aking pag-aaral sa pamamahayag. Kaya’t hindi ako nagpapigil sa aking pagdalo sa isang mini-workshop on journalism na inihandog ng pahayagang MABUHAY bilang bahagi ng kanilang pasasalamat para sa kanilang pagtanggap muli ng karangalan mula sa Philippine Press Institute (PPI) kung saan ay tinanggap nila ang Best in Photojournalism Award sa taong 2005.
Ang mini-workshop ay kanilang isinagawa sa Ciudad Clementino, San Isidro I, Paombong, Bulacan noong ika-21 ng Mayo, 2006. Ito’y dinaluhan ng 16 na mag-aaral mula sa Bulacan State University at Centro Escolar University. Karaniwan sa mga nagsidalo ay kumukuha ng kursong Mass Communication. Ito ay inihandog ng MABUHAY sa mga kabataang katulad ko sapagkat nais nilang maibahagi sa mga susunod na henerasyon ang tunay na diwa ng serbisyong bayan sa pamamagitan ng pamamahayag sa peryodiko.
Sa kalahating araw na aming pagsasama-sama ay daig pa ang isang taon sa dami ng mga karunungan at kaalamang kanilang buong giliw na ibinahagi sa amin mula sa mga tagapagsalita na sina Jose L. Pavia, publisher; Anthony L. “Botchok” L. Pavia, managing editor; at Dino Balabo, reporter.
Hindi na ako nagtaka kung bakit ganoon na lamang ang tagumpay ng MABUHAY sapagkat naramdaman ng bawat isa sa amin ang katapatan ng kanilang pagmamahal sa kanilang propesyon bilang mga mamamahayag. Natutunan namin ang mahahalagang sangkap ng isang balita na kanilang isinusulat upang maging karapat-dapat na basahin ng mga mambabasa. Kaya’t sa kabila ng dumaraming teknolohiya na umaagaw sa atensyon ng mga mambabasa, hindi kataka-taka kung marami pa rin ang nagbubuklat at nagbabasa ng pahayagang MABUHAY. Bukod sa sangkap ng isang balita, agaw-pansin din ang eleganteng anyo ng pahayagang ito na lalo pang pinatitingkad ng mga litratong sumasalamin sa tunay na drama ng buhay sa ating lipunan.
Subalit higit pa sa nilalaman at anyo ng kanilang pahayagan ang lalong nagpalalim sa aking pagnanasa na maging isang mamamahayag sa darating na bukas. Isinalin nila sa akin at sa lahat ng aking mga kapwa kabataang naroon sa mga oras na iyon ang dugo ng isang magiting, matapang, at mapagkakatiwalaang peryodista – isang lingkod-bayan at mahalagang bahagi ng demokrasya – walang takot sa kanyang ginagawa sapagkat kakampi niya ang katotohanan.
Nabalitaan ng nanay ko na may isa na naman daw na mamamahayag ang pinaslang kaya’t sa ikasampung beses ay muli niya akong tinanong:
“Anak, hindi ka ba nangangamba sa maaring mangyari sa iyo kung itutuloy mo ang pangarap mong maging isang mamamahayag?”
At sa ikasampung pagkakataon ay muli akong tumugon nang mahinahon:
“Inay, ang pamamahayag ay higit pa po sa isang propesyon. Ito ay buhay. At dahil dito, handa kong ialay ang aking buhay alang-alang sa katotohanan at kapakanan ng aking bayan. Kung hindi po ako mangangarap na maging isang mamamahayag pagdating ng panahon, sino po ang susunod na tagapag-alaga ng demokrasya?”
Ito ang pangarap ng isang batang journalist.