Isinagawa noong ika-20 ng Hunyo sa ganap ng alas-nuwebe ng umaga ang simultaneous earthquake drill sa may 42,000 public at private schools sa buong bansa na magkatuwang na pinangasiwaan ng Department of Education (DepEd) at National Disaster Coordinating Council (NDCC) bilang paghahanda sa pinangangambahang malakas na lindol.
Mahigit isang milyong mag-aaral ang sinasabing nakilahok sa naturang earthquake preparedness exercise. Kabilang dito ang mga paaralan sa buong Bulacan na nakiisa sa mahalagang gawaing ito.
Sinaksihan ng aming grupo ang isinagawang earthquake drill sa iba’t ibang paaralan sa ating lalawigan at ito ay matagumpay na naisakatuparan.
Ayon kay Bernie Bulaong, Special Operation officer ng Provincial Disaster Coordinating Council (PDCC), tinipon nila ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Bulacan upang mabigyan ng oryentasyon ukol sa gagawing earthquake drill.
Kaya naman handang-handa na ang mga principal at guro sa kanilang matiyagang pagpapaliwanag sa mga mag-aaral ng mga precautionary measures upang ang bawat isa ay magkaroon ng sapat na kaalaman sa mga dapat gawin sakaling yumanig ang lupa.
“Wag mag-panic!” paalala ni Fernando Magat, Security Chairman ng earthquake drill sa Abangan Elementary School (Marilao). “Panic ang unang dapat iwasan ng mga bata o ng kahit sino sa mga panahong may sakuna tulad ng lindol.”
Ipinaliwanag naman ni Mary Hazel Medina, guro ng Hagonoy East Central School (HECS), kung paano nila itinuro ang naturang drill. Aniya, ang mga bata ay kailangang magtago sa ilalim ng mesa at sa paglabas naman sa gusali ay ipatong ang dalawang kamay sa ulo upang ito’y maprotektahan sa anumang bagay na maaaring bumagsak.
Idinagdag pa ni Priscila Iliscupidez, principal ng HECS, na namigay rin sila sa kanilang mga estudyante ng mga babasahin tungkol sa lindol at upang ito’y mabasa rin daw ng mga magulang.
Naalala pa nga ni Iliscupidez noong siya ay guro pa lamang sa San Rafael nang masaksihan niya ang malakas na paglindol noong Hulyo, 1991. Ayon sa kanya, mapalad ang mga mag-aaral ngayon dahil mayroon nang earthquake drill samantalang noon daw ay hindi nila iyon ginagawa.
Ayon pa rin sa mga guro tulad ni Eduardo de Jesus ng Bunsuran 1st High School (Balagtas), itinuro rin daw nila ang mga bagay na hindi dapat gawin tulad ng pagtutulakan at ang pagtatago sa ilalim ng hagdan at sa gilid ng mga gusali.
“Kapag po may earthquake, alam na po namin ang gagawin. Hindi na po mag-aalala ang mga magulang namin,” masayang pagmamalaki ni Nino Bon Agapito, mag-aaral ng Bustos Elementary School matapos maisagawa ang drill. “Maituturo ko pa ito sa aking mga magulang.”
“Makakabawas ito sa aming alalahanin bilang mga magulang,” pahayag naman ng mga magulang tulad ni Veronica Milay. Aniya, malaking tulong ito para sa kaligtasan ng kanyang mga anak.
Iginiit naman ni Teresita dela Cruz, principal ng Malolos Elementary School, na hindi simple ang ginawang drill ng mga paaralan. Bago magsagawa ng isang drill, aniya, ay kailangan muna nitong bumuo ng tinatawag na School Disaster Management Committee (SDMC).
Ang SDMC ay binubuo ng isang Over-all Coordinator at limang “teams”. Kabilang naman sa mga teams na ito ay ang First Aid Team, Site Security Team, Fire Safety Team, Evacuation Team, at Communication Team.
“Kung hindi ito magagawa nang tama at maayos, sa halip na makapagligtas ng buhay ay baka mauwi pa sa disgrasya,” ani dela Cruz. Bukod dito, aniya, ay kailangan din ng kooperasyon ng lokal na pulisya o bumbero.
Samantala, iniutos naman ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang personal niyang sinaksihan ang naturang quake drill sa Sta. Elena High School (Marikina City) ang paulit-ulit na pagsasanay sa mga paaralan hanggang sa matutunan at matanim sa isip ng mga bata ang tamang safety procedures.