Category Archives: Here, I Express ✍️

Paaralan: Salamin ng Kinabukasan ng Bayan

          “Ipakita ninyo sa akin ang inyong paaralan, at sasabihin ko sa inyo ang kinabukasan ng inyong bayan.”

Pasukan na naman! Abala na naman ang mga mag-aaral mula sa elementarya, haiskul, at kolehiyo. Simula na rin ito ng panibagong sakit ng ulo ng mga magulang sa pag-intindi kung saan magdidilihensya ng pambaon ng mga anak at pambayad sa matrikula. Subalit higit pa sa baon at tuition fee ang iniintindi ng mga magulang at mag-aaral ngayon. Sa tuwing sisikat ang bagong umaga upang pumasok sa eskwela, inaalala na rin nila kung makabuluhan pa ba ang ginagawa nilang pag-aaral.

Kasama ng inyong lingkod sina Maricor Emperado, Jenna Salvador, at Gladice Francisco ay inikot namin ang mga partikular na bayan dito sa Bulacan upang alamin at timbangin ang pananaw ng ating mga kababayan tungkol sa kahalagahan ng edukasyon.

Ayon kay G. Jaime Sumpaico, (school consultant ng Saint Anne’s Catholic High School) sa loob ng 44 taong kanyang pagiging isang guro mula pa noong 1962, ay nasaksihan niya ang mabilis na pagbabago ng sistema ng edukasyon mula noon hanggang ngayon. Ikinumpara pa niya ang tradisyunal na pagtuturo sa modernong pamamaraan kung saan ay unti-unti na umanong nababawasan ang mahigpit na disiplina sa kasalukuyang panahon.

“Mahalaga ang edukasyon sa buhay ng isang tao. Ito ay isang malaking hakbang upang matupad ang aming mga pangarap.” Ito naman ang karaniwang saloobin ng mga kabataang mag-aaral sa Bulacan tulad nina Daniel Coronel, Glenda Payongayong, at Fritz Ingco (Hagonoy); Raizel Danglay, Katrina Mae Anzurez, at Mark Floy Vergara (Balagtas); at Precious Maureen Tiongson (San Ildefonso).

Nakatutuwang isipin na karamihan sa mga Bulakenyong mag-aaral ay itinuturing na “pag-asa” ang edukasyon. Para sa kanila, ito ay kanilang “sandigan sa pagharap at pakikibaka sa anumang hamon ng panahon.”

Kung ang mga kabataan ay naghahangad ng magandang bukas sa pamamagitan ng pag-aaral, ano pa kaya ang tindi ng pagnanasa ng mga magulang na mapagtapos ang kanilang mga anak?

“Ito lamang ang tanging kayamanang maipamamana ko sa aking mga anak.” Ito naman ang bukambibig ng ating mga magulang tulad nina Adelina Esguerra, Arminda Payongayong, at Crispin Inocencio (Hagonoy); Louie Esguerra (Malolos) at Grace de Castro (Meycauayan). “Sa kabila ng hirap ng buhay, sinisikap naming matugunan ang pag-aaral ng mga bata sapagkat ito ay mahalagang sangkap upang mahubog ang kanilang pagkatao”, dagdag pa nila.

Sa kabila ng pagsisikap ng mga magulang na mapag-aral ang kanilang mga anak, nakalulungkot isipin na mayroon pa ring mga kabataang sinasayang ang panahon sa paglalakwatsa, pagtambay sa kalsada, at mas masama, pagkalulong sa masasamang bisyo tulad ng droga kaya’t lubusang nalilihis ang kanilang landas.

Subalit hindi lahat ng mga out-of-school youth ay pagsasayang lamang ng oras ang dahilan ng kanilang pagkawala sa eskwelahan. Ayon kina John Airo Fernandez (Balagtas) at Mark Anthony Calica (Plaridel), kahirapan ang naging pangunahing balakid sa kanilang pag-aaral kaya’t hindi sila nakapagpatuloy ngayon.

Mas lalo namang nakapanlulumo sa aming dibdib ang mga pulubing nakausap namin na may edad 10 hanggang 13 na kahit kailan ay hindi pa raw sila nakatutungtong man lamang sa paaralan na ang dahilan ay ang labis na karukhaan.

Subalit sa panahong ito, makatarungan kayang sabihing walang halos pinagkaiba ang mga pulubi at mag-aaral natin ngayon? Ito ay isang katanungang bunga lamang ng aming masusing pagmamasid bilang mga ordinaryong manunulat, sa kadahilanang bumababa na umano ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa.

Maliit na budget lamang kasi ang inilalaan ng pamahalaan sa edukasyon na nagsasanhi ng kakulangan ng mga silid-aralan, aklat, at guro. Idagdag pa ang kakulangan ng training ng ibang mga guro. At mas masaklap, negosyo hindi serbisyo ang “vision and mission” ng ibang mga paaralan. Paano pa matutupad ang pangarap ng mga mag-aaral?

Isama pa natin ang mga pagpapakitang-gilas ng maraming mga lider sa gobyerno sa larangan ng pandaraya, pag-aaway, at pangungulimbat sa kaban ng bayan na para bagang ito lamang ang mga “values” na kanilang natutunan noong mga estudyante pa sila. Ito ba ang tutularan ng mga mag-aaral ngayon?

Ngayon, ipakita mo sa akin ang kalagayan ng ating paaralan sa bansa… at ipakikita ko sa inyo ang kinabukasan ng Pilipinas.