Category Archives: Here, I Express ✍️

Rico, Gumising ka! Gising!

Ako’y nayanig at puso’y kumabog,
Mga balahibo’y tumayo’t nangilabot
Sa isang balitang kahila-hilakbot;
Mga mata’y nanlumo’t luha’y dumaloy,
Mataimtim na nanalangin at bumulong
Para sa mapayapang paglisan ni Rico.

Ang buong bansa’y nagdadalamhati
Likha ng panghihinayang at pighati;
Isang malaking kawalang natatangi–
Sa industriya, kabataan, at daigdig;
Sino’ng mag-aakalang ika’y ‘di na gigising
Upang magsabog ng saya’t pagngiti?

Sa sine’t telebisyon ika’y nasisilayan
Saksi sa bawat pagluha ng iyong mga mata;
Animo’y kinikiliti naman sa bawat halakhak
Gawa ng mga patawang ‘di sumasablay;
Humahanga sa iyong bawat salita
Bawat sinasabi’y may kabuluhan.

Sa bayan ay tunay kang uliran
Hatid mo’y pag-asa para sa kabataan;
Mga kawang-gawa’y sadyang kahanga-hanga
Nagsisilbing tanglaw sa mga nabubulag;
Huwaran sa lahat ng naliligaw
Iyong itinutuwid ang baluktot na landas.

Kuya! Oo, kuya kang maaasahan ninuman
Anumang oras ay palagi kang nakaagapay,
Nagbibigay-kulay sa araw na mapanglaw,
Nagbibigay-aliw sa mga nalulumbay;
Kaibigan kang tinuturing ng lahat
‘Di malilimutan ang kadakilaan.

Ngunit ngayon kami’y iniwan mo
Kaya’t bawat damdami’y nananaghoy;
O kay sakit! O kay hapdi pa’t kumikirot!
Ang sinapit mo’y nagbakas ng lungkot;
Kahit mga landas natin ay ‘di pa nagtatagpo
Ikaw nama’y tunay kong iniidolo.

Ang mga ngiti mo’y mananatiling nakaukit
Sa aming isipan ay ‘di mawawaglit;
Sa bawat pagngiti’y dala ang lambing
Ng mga biloy mong sadyang kay lalim;
Ako’y titingala sa pisngi ng langit
Upang ika’y matanaw sa mga bituwin.

Batid kong ang Ama’y may nais gawin
Sa iyo, mga pamilya’t kaibigang naninimdim;
Mga pangarap mong naudlot ay sisisirin
Ng mga kabataang tinig mo’y naririnig;
‘Yan ang pangakong hinding-hindi mababali
Ika’y magigising sa pagkakahimbing.

Batid kong ika’y nagmamasid lamang
Upang sa amin ay manatiling magmahal;
Katawan mo man ay yumao na
Pagkalinga mo’y buhay na buhay;
Katawan mo ang siyang nagpaalam
Ngunit mga alaala pa rin ay nariyan.

Kabataan! Oo, kabataan, bumangon ka!
Dumilat ka! Gumising at bumangon ka!
Ipagpatuloy ang kanyang nasimulan!
Kaya mo rin! Kayang-kaya mo rin ‘yan!
Huwag matutulog hangga’t ‘di nasusumpungan
Ang mahikang dulot ng pagkamakabayan.

Saan ka man naroroon, Rico
Iingatan ka mula sa puso…
‘Di ka malilimot sa lahat ng panahon,
At tunghayan ang aking pagsaludo…
Tanda ng paghanga’t pagyukod
Ako’y kakayod! Kakayod para sa iyo…

Ako’y dumadalangin sa Maykapal
Nawa’y patnubayan ka nasaan man;
Bigyan ng kahulugan ang mga naganap
Nang kami’y makahinga nang maluwag;
Rico, ikaw ngayo’y nagagalak at sumasayaw
Umaawit ng papuri bilang anghel ni Ama!