Category Archives: Here, I Express ✍️

SK Jeric: Kampeon ng Kabataan

(Ang sumusunod na artikulo para sa linggong ito ay isang tribute para sa isang matalik na kaibigan ng inyong lingkod na sa isang hindi inaasahang pangyayari ay namayapa noong Nobyembre 14, 2007 sa edad na 22. Si Jeric Contreras ay isang batang Konsehal ng bayan ng Hagonoy. Ang nabanggit na artikulo ay isang biograpiya ng nabanggit na konsehal na makikita sa http://jericcontreras.blogs.friendster.com na may kaparehong titulo. Minarapat ng inyong lingkod na ito ay ilathala sa Mabuhay bilang pag-alaala sa isang kaibigang minamahal ng buong bayan ng Hagonoy at minsang naging isang binhi sa daigdig na ito at ngayon ay nagbunga ng pag-ibig at inspirasyon para sa kanyang pamilya, kaibigan, taga-suporta, at kapwa kabataan.)

 

Si JERIC CONTRERAS ay ipinanganak noong ika-10 ng Hulyo, 1985. Siya ay nagmula sa respetadong angkan ng mga Contreras sa San Agustin, Hagonoy, Bulacan. Isang tunay na anak ng Hagonoy na nagtapos bilang VALEDICTORIAN sa San Agustin Elementary School. Nagpatuloy sa kanyang pag-aaral sa Saint Anne’s Catholic High School (SACHS), muli, bilang VALEDICTORIAN. Hindi ordinaryong mag-aaral si SK JERIC, ito ay kanyang pinatunayan sa kanyang murang edad. Iba’t ibang posisyon at tungkulin na ang kanyang hinawakan at pinagsilbihan. Dahil sa kanyang angking galing at husay sa pamumuno hinalal siya ng mga mag-aaral ng SACHS bilang Student Mayor o Student Council President noong 2001. Kasabay nito, hinirang din siyang Little Mayor ng Bayan ng Hagonoy noong taong ding iyon. Dahil sa mga posisyong nabanggit, MAYOR ang tawag kay SK JERIC ng ilang malalapit na kaibigan at taga-suporta.

Pagtungtong ni SK JERIC sa kolehiyo, minarapat niyang mag-aral sa Maynila. Unang nag-aral si SK JERIC sa MAPUA INSTITUTE OF TECHNOLOGY (MIT) sa Intramuros at kumuha ng kursong Civil Engineering. Siya ay consistent Dean’s Lister sa nasabing kolehiyo, kabilang din siya sa isang prestihiyosong organisasyon doon- ang HONOR SOCIETY OF MAPUA. Subalit tila hindi ang pagiging inhinyero ang pangarap ni SK JERIC. Kaya naman, makalipas ang isang taon, minarapat niyang lumipat ng paaralan upang kuhanin ang kursong malapit sa kanyang puso. Pumasok si SK JERIC sa SAN BEDA COLLEGE (SBC), Mendiola. Ang institusyong pinanggalingan ng mga magigiting na lider ng bansa tulad nina Sen. Ninoy Aquino, Raul Roco, Atty. Rene Saguisag, Raul Mitra, Danding Cojuangco, Sonny Belmonte, Fernando Poe, Jr. atbp. Dito ay kumuha siya ng kursong AB PHILOSOPHY and HUMAN RESOURCE MANAGEMENT. Sa kanyang apat na taong pag-aaral, humakot siya ng mga hindi mabilang na parangal at papuri. At dahil sa angking husay at tiyaga, ilang mahahalagang posisyon at tungkulin ang ipinagkatiwala sa kanya. Apat na taong hinawakan ni SK JERIC ang pagiging pangulo ng Batch 2007 ng Philo Majors sa San Beda. Siya ang kasalukuyang Pangulo ng No. 1 Professional Organization sa San Beda, ang Philosophy and Human Resource Development Circe (PHRDC). Hinawakan din niya noong 2004 ang pagiging National President ng Council of Filipino Philosophers (CoFPhi) na kinabibilangan ng mga mag-aaral mula sa Ateneo de Manila University (ADMU), De La Salle University (DLSU), UST, Miriam College at UP-Diliman. Siya ay kasalukuyang Tagapayo ng CoFPhi. Siya rin ay naging SK Councilor sa San Agustin, Hagonoy, Bulacan at naging Pangulo ng Liga ng mga SK Councilors sa Hagonoy, Bulacan. At ngayon, siya ay nahalal na Konsehal ng Hagonoy sa edad na 22 noong Mayo 2007.

Si SK JERIC ay hindi lamang isang mahusay na batang lider kundi isa ring mahusay na manunulat, sa katunayan, pinagkakatiwalaan siya ng isa sa mga nagungunang broadsheet sa bansa, ang PHILIPPINE DAILY INQUIRER (PDI), na magsulat ng mga lingguhang artikulo tungkol sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nailalathala tuwing linggo.

Malaking bagay ang naitutulong ng isang batang lider na tulad ni SK JERIC sa bayan ng HAGONOY. Maraming kabataan ang umaasang may isang tunay na lider na gagabay at ipaglalaban ang kanilang karapatan. Ang kanyang angking talino at galing, malapit na puso sa mga kabataan, at matiyaga at masigasig na pamumuno ang susi sa tagumpay ng mga Kabataan sa Hagonoy! Kampeon ng Kabataan, Kaibigan ng Masa! Ang Boses ng Bayan sa Konseho!

***

Isang Bukas na Liham

Sinong mag-aakala na sasapitin mo ang isang pangyayaring yumanig sa puso ng iyong pamilya, mga kaibigan, at mga kabataang katulad ko? Kahit isang iglap sa aking panaginip ay hindi ko lubos maisip na ikaw ay kaagad magpapaalam sa aming lahat. Hindi natin batid ang mga plano ng Diyos, subalit katulad mo kami ay nagtitiwala sa Kanya nang lubos.

Tandang-tanda ko pa nang tayo’y unang nagkakilala walong taon na ang nakalipas. Bakas sa iyong tindig at pananalita ang anyo ng isang kabataang Pinoy na may malasakit sa kapwa at sa bayan. Isang tunay na lider na naghahangad ng magandang bukas para sa bawat isa.

Konsehal Jeric, ang iyong mga alaala ay mananatili sa aming mga puso magpakailanman. Ang lahat ng iyong mga itinuro sa akin noon at ngayon ay hinding-hindi ko malilimutan. Isa kang inspirasyon para sa bawat kabataang katulad ko. Asahan mong ipagpapatuloy ng mga batang Hagonoenyo ang iyong nasimulan. Hindi pa rito natatapos ang lahat. Sapagkat katawan mo lamang ang siyang lumisan, subalit ang diwa ng iyong tunay na pagkatao ay mabubuhay nang walang katapusan.

Natatandaan ko pa nang minsang sumulat ka sa akin noong ika-22 ng Enero, taong 2002 ng isang liham at ito ang iyong sinabi: “Maraming bagay ang hatid sa atin ng mga araw-araw na pangyayari…Sulitin mo ang nalalabing sandali. Duon mo mahahanap ang kasiyahang matagal mo nang hindi nararanasan…Don’t waste anytime.”

Idinagdag mo rin sa iyong liham ang mga sumusunod na katagang lalong nagpapaluha sa aking puso ngayon: “Mahal na mahal kita kahit di mo napapansin at nakikita. Bilang kaibigan at kung gusto mo bilang kapatid na rin. O yung luha punasan muna!”

Kaibigan, mahal na mahal din kita.