Kailan lamang ay naging usap-usapan sa buong bayan lalo na sa sektor ng mga kabataan ang panukala ng mga kongresman na pagpapaliban sa barangay at SK election na nakatakdang ganapin sa huling Lunes ng Oktubre ng kasalukuyang taon.
Pinangunahan ni Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman Congressman Teddy Locsin ang postponement ng barangay at SK election at kailangan umanong isagawa na lamang ito sa ikalawang Lunes ng Mayo 2009.
“With reports of electoral anomalies waiting to be resolved, the Commission on Elections may not be able to satisfactorily conduct a peaceful and honest election,” ani Romblon Representative Eleandro Jesus Madrona sa media.
Ilang beses na ring ipinagpaliban ang halalan sa barangay at Sangguniang Kabataan dahil sa kakulangan ng pondo at hindi kahandaan diumano ng Comelec upang masiguro na magiging maayos ang proseso. Nauna na rin itong kinansela noong 2001 at 2005.
Ayon kay Interior Secretary Ronaldo Puno, ang edad ng mga kasalukuyang SK officials ngayon ay aabot sa 25, 26 o 27 pagsapit ng 2009 na malayo umano sa itinatakda ng Saligang Batas na ang miyembro ng Sangguniang Kabataan ay dapat nasa edad 15 hanggang 18 lamang. Dahil dito, “overstaying” na umano ang karamihan sa ating mga SK ngayon. At ang iba ay may mga asawa’t mga anak na. Paano pang matatawag na Sangguniang Kabataan kung ang mga lider nito ay 30 anyos na?
***
Payag ba ang mga kabataan na hindi matuloy ang SK election?
“Hindi,” ang naging tugon ni Konsehal Jeric Contreras ng bayan ng Hagonoy na nahalal ding SK Kagawad noong 2002. “Kailangan ng mga bagong lider na hindi kurap at may nag-aalab na ideyalismo,” dagdag pa ng batang konsehal na ngayon ay 22 anyos na. Aniya, ang karamihan sa mga SK ngayon, bagama’t hindi naman niya nilalahat, ay pawang walang disiplina at kinakain umano ng bulok na pamamahala kaya kailangang palitan na.
Samantala, umalma rin si Sen. Aquilino Pimentel Jr sa panukalang ipagpaliban ang eleksyon dahil hindi umano ito tamang hakbang. Ayon kay Pimentel, ang pagpapaliban ng eleksyon ay magpapatagal lamang ng termino ng mga kurakot na opisyal ng barangay at SK.
***
May nagagawa pa ba ang SK para sa bayan?
Isa ring malaking katanungan kung epektibo pa ba ang SK sa kasalukuyang panahon at kalagayan ng ating bayan. May nagagawa pa ba ang ating mga batang lider sa kani-kanilang nasasakupan?
Para kay Nicholas Mendoza, 22, dapat na raw i-abolish ang Sangguniang Kabataan dahil wala naman daw napupuntahan ang kanilang mga budget. Mas mabuti aniya na sa ibang bagay na lamang ito ilaan.
Ipinagtanggol naman ni James Castro, isang mag-aaral mula sa Centro Escolar University ang mga SK sapagkat aniya malaki ang naitutulong nito para sa mga kabataan lalo na sa mga proyektong nakapagpapalayo sa kanila sa masamang bisyo. Dinagdag pa nito na dahil sa SK ang mga kabataan ay nahahalintulad sa isang binhi na hinuhubog ng panahon upang pagdating ng araw ay maging mabunga sa larangan ng pamamahala.