Category Archives: Here, I Rise ☀️

#Katorse

Kaybilis talaga ng panahon. Muli na namang magtatapos ang taon at sa kaunting araw na lamang ay sasalubungin na natin ang taong 2015. Katulad ng aking nakagawian, nais kong balikan ang nakalipas na 2014 at ang mga biyayang idinulot nito sa aking buhay.

  1. Sa pagpasok pa lamang nga taong 2014 ay sumalubong na sa atin ang magagandang raket kung ating tawagin sa ating propesyon. Kaya naman ipinagkatiwala sa inyong lingkod ang pagdidirek at pag-produce ng mga VTR ng Ginebra San Miguel para sa kanilang Ginumanfest na ginanap sa Tondo, Maynila at sa iba pang mga bayan sa Pilipinas. Salamat sa bagong karanasan.

minute1

  1. Sa loob ng isang taon ay nagdulot ng mabuting pagbabago sa buhay ng mga contestants ang programang Minute to Win It, isang franchised game show mula sa ABS-CBN. Noong ika-21 ng Peberero ng taong ito ay tuluyan nang natapos at nagpaalam sa ere ngunit ang kanyang mga alaala ay mananatili sa aking puso. Mula sa mga staff and crew hanggang sa mga libu-libong pumila para makapag-audition at makasali ay naging malaking bahagi na ng aking buhay lalung-lalo na ang mga contestants na pinuntahan ko sa kani-kanilang mga tahanan para makapag-shoot kami ng kanilang mga Profile VTR. Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, alam naming nakapagbibigay kami ng magandang pagbabago sa buhay ng mga kapwa namin PIlipino saanman sa mundo. Salamat sa pagkakataong makapagpasaya.

pbb

  1. Dati-rati ay pinanood ko lamang ang mga kontrobersyal na nangyayari sa loob ng pinakasikat na bahay sa Pilipinas, walang iba kundi ang Pinoy Big Brother. College student ako noon nang nagsimula akong maging fan ng reality show na ito mula pa sa panahon ni Kumander Nene Tamayo noong 2005. Ngunit noong ika-27 ng Abril ay muling nagbukas ang bahay ni Kuya at sa kanyang ika-siyam na taon ay naging isa na ako sa mga alagad ni Big Brother. Ang Pinoy Big Brother All In ay isang dream-come-true para sa akin. Kung noon ay curious ako kung ano ang itsura ng loob ng bahay sa personal, ngayon ay nakakapasok na ako. Kung noon ay curious ako kung paano magtrabaho sa isang reality show na binabantayan lahat ng pagkilos ng housemates, ngayon ay nauunawaan ko na ang sistema sa produksyon nito. At kung noon ay curious ako kung sino ba talaga si Pinoy Big Brother, ngayon ay close na kami ni Kuya. Higit sa lahat, si Toni Gonzaga at lahat ng mga hosts na aking nakatrabaho ay hindi ko malilimutan kaylanman. At makakalimutan ko ba naman ang mga housemates na simula noon ay naging kaibigan na rin natin. Ang totoo pa niyan, marami akong natutunan sa programang ito na dadalhin ko habambuhay. Noong ika-24 ng Agosto ay muling nagsara ang bahay at ating abangan ang kanyang muling pagbubukas. Salamat sa aking mga natutunan sa buhay propesyunal.

pieta

  1. Noong ika-28 ng Agosto ay naging bahagi naman ang aking short film na Pieta sa 6th Pandayang Lino Brocka Political Film and New Media Festival bilang isa sa mga finalists na ginanap sa Cine Adarna, UP Diliman. Sa pamamagitan ng ganitong mga festival ay nagkakaroon ako ng pagkakaton na ipahayag ang aking mga saloobin tungkol sa ating lipunang ginagalawan at ang paghikayat sa mga mamamayan na ang ang labis-labis na katiwalian at kawalang-katarungan sa ating kapwa Pilipino ay hindi natin dapat payagan. Dahil din dito, muling naimbitahan ang aking pelikula at ipinalabas naman sa katimugan sa pamamagitan ng Salamindanaw International Film Festival 2014. Kabilang ang mga akda ng iba pang mga filmmakers na tulad nina Rob Jara, Zig Dulay, at ng aking idolong si Lav Diaz, naging kahanay ng kanilang mga pelikula ang Pieta na sumasalamin sa kalagayang socio-political ng ating bansa. Salamat sa pakikibaka para sa bayan.

upou

  1. “Learning is a lifetime journey.” Patuloy kong pinatototohanan ang katagang ito sa aking buhay kaya naman ako ay pormal nang nag-aaral para sa postgraduate course na Master of Development Communication sa premyadong University of the Philippines Open University. Ito ang aking kauna-unahang semester mula pa noong Agosto. Pinili ko ang kursong ito dahil hindi na ito iba para sa akin. Noon pa man ay ginagampanan na natin ang pagiging Development Advocate sa tulong ng mga gawain ng aming organisasyong pangkabataan ang Hagonoy Young Leaders Program. Dahil dito, nais ko pang pag-ibayuhin ang aking mga kaalaman sa larangang ito upang lubos na makatulong sa aking kapwa mamamayan sa paglulunsad ng mga positibong panlipunang pagbabago. Salamat sa edukasyon.

centromedia2

  1. Sa kanyang ikatlong edisyon ay muli nating inilunsad ang Centromedia Festival sa aking alma mater na CEU Malolos kung saan din ako nagtuturo ng Television Production, Photography, at Filmmaking. Espesyal ang edisyong ito dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nag-imbita kami ng guest speaker na si Direk Jim Libiran upang magbigay ng inspirasyon sa mga Mass Communication students at mga huradong sina Direk Joel Ferrer, Marco Marcelo, at Alvin Nieva na naging malaki ang papel sa pagpuri at pagpuna sa mga obra ng aking mga estudyante. Bilang isang Festival Director, ako ay lubos na nagagalak dahil sa tagumpay ng festival na ito para sa pagtupad ng mga layunin ng pamantasang Centro Escolar. Salamat sa pagpapaunlad ng Mass Communication sa aming pamantasan.

bet

  1. Ang pasensya raw ng isang tao ay nasusukat sa pakikisalimuha sa mga bata. Kaya naman nasukat nga talaga ang pisi ng aking pasensya noong ako naatasang mag-shoot at mag-produce ng VTR ng ilang mga contestant sa programang Bet On Your Baby. Hindi ko rin ito malilimutan dahil sa kakaibang accomplishment kapag nakisama sa iyo ang mga batang ito na alam naman nating sumpungin pa sa ganoong edad. Naisip ko tuloy na kailangan ko nang mag-practice makipagsabayan sa mga batang ito dahil pasasaan ba’t ako ay magiging daddy na rin balang araw. Ayown! Haha. Salamat sa mga mumunting bata.

tin3

  1. Bago matapos ang taong 2014 ay nabigyan pa ako ng pagkakataon na magkaroon ng reunion job with Gonzaga sisters. Ako ay naatasang mag-shoot at mag-produce ng finale episode ng Team Gonzaga para sa ABS-CBN Mobile. Sa episode na ito ay marami akong natutunan sa humble beginnings ng magkapatid na Toni at Alex. Mula sa maliit na apartment hanggang sa mala-mansyon na bahay nila sa Rizal, nasambit ko sa aking sarili na walang imposible sa taong may pangarap at nagsisikap na ito ay maabot. Kaya naman sila ay naging inspirasyon para sa akin simula sa mga oras na iyon. Salamat sa inspirasyon.

berkz

  1. Sa taon ng 2014 ay may panahon naman ako para mag-relaks ika nga. Nang dumating ang mga kaibigan kong sina Mutya at Balong Bergonia mula sa bansang UK ay sinamantala namin ang pagbabakasyon kasama ng iba pa naming barkada. Nag-enjoy kami sa Camayan Beach Resort sa Subic at sa Boracay Island sa Aklan. Dahil dito ay nagkaroon kami ng pagkakataong makapag-bonding dahil na rin sa hirap pagsama-samahin ng aming mga free schedule. Bukod dito, sinamantala ko rin ang pagkakataong ito upang makapagmuni-muni sa buhay. Drama oh! Haha. Salamat sa pagkakaibigan.

singapor1

  1. Sa lahat ng aking bakasyon kahit noon pa, pinaka-espesyal sa akin ang paglipad naming mag-anak patungo sa bansang Singapore. Sa bansang ito ipinagdiwang namin ang ika-18 kaarawan ng aking kapatid na babae na si Princess Hershey at upang makita na rin ang kalagayan ng isa ko pang kapatid na si Herson na nagtatrabaho doon sa Hard Rock Cafe Sentosa. Katulad ng aking mga nabanggit sa isa kong blog tungkol sa Lion City, ito ay dapat na maging inspirasyon para sa pangarap na pag-unlad ng ating bansang Pilipinas dahil ibang-iba ang bansang ito sa larangan ng disiplina at pagpapalago ng ekonomiya. Salamat sa paglalakbay.

imahegonoenyo 6

  1. Pag-uwi ko sa Pilipinas ay agad ko namang inisip ang aking social responsibility sa pamamagitan ng pakikiisa sa paglulunsad ng taunang Imahegonoenyo, isang community film screening sa bayan ng Hagonoy na isa sa mga proyekto ng Hagonoy Young Leaders Program para sa YouthFest 2014 tuwing Disyembre. Noong ika-6 ng Disyembre, muling ipinalabas ang aking short film na Pieta kasama rin ang dalawang obra mula sa aking mga estudyante sa CEU Malolos upang magmulat ng kaisipan ng aming mga kabataang manonood sa iba’t bang isyu ng ating lipunan. Salamat sa paglilingkod sa bayan.

dino1

  1. Lahat ng aking mga karanasan sa taong 2014 ay naging masaya maliban sa isang nakagigimbal na balita nang pumanaw ang aking mentor at kaibigan na si kuya Dino Balabo. Itinuturing ko siyang isa sa aking mga mentor dahil siya ang matiyagang nagturo sa akin sa larangan ng journalism at nagbigay ng pagkakataon upang maging isang mamamahayag at kolumnista. Ang kanyang pagpanaw ay naging masakit para sa akin dahil alam kong lumisan ang isang tapat na mamamayahag na may dakilang pag-ibig para sa kanyang bayan. At nawalan ako ng isang kaibigan na anumang oras ay aking natatawagan upang humingi ng tulong at payo tungkol sa larangang ito. Nasaan ka man kuya Dino, ang iyong mga itunuro sa akin ay mananatili sa akin magpakailanman. Salamat sa magagandang alaala.

film books

  1. Sa pagkakataong ito, nais kong bigyan ng paggunita ang mga aklat na aking nabasa sa buong taon ng 2014. Dahil sa aking hilig sa pelikula ay nagkaroon ako ng koleksyon ng libro patungkol sa industriyang ito na ating binabasa gabi-gabi bago matulog. Marami nang nadagdag sa aking koleksyon at kabilang dito ang paborito ko sa taong ito ang Digital Cinema in the Philippines 1999-2009 na isinulat ni Eloisa May P. Hernandez. Sa kanyang akda, masusing tinuklas ni Hernandez ang makabuluhang kasaysayan ng digital independent filmmaking sa Pilipinas at ang kanyang kalagayan sa loob ng isang dekada pati na ang nalalapit niyang kinabukasan. Sa kanyang akda ako ay lubos na namulat sa pinagdaanan at patuloy na pinagdadaanan ng ating mga kapwa filmmakers sa industriyang ito na isang mahalagang sining at kulturang popular sa ating bansa. Salamat sa bagong kaalaman.

norte3

  1. At sa pagtatapos ng 2014, ginugunita ko rin ang mga pelikulang napanood natin sa buong taon. Sa kabuuan ako ay nakapanood ng 85 films sa taon ng 2014 mula sa mga DVD, HBO, Star Movies, Cinemaone, Kapamilya Blockbuster kasama ang mga film festivals katulad ng Cinemalaya, QCinema, at Cinemaone Originals at ang mga ipinapalabas sa ating mga regular na sinehan sa SM North, Trinoma, at Robinsons Galleria. Sa bilang na walumpu’t lima pinakatumatak sa aking kamalayan ang pelikula ni Lav Diaz, ang Norte, Hangganan ng Kasaysayan dahil sa kanyang mapangahas na tema at kakaibang istilo sa paglalahad ng kanyang kwento sa mga manonood. Sa kanyang apat na oras na haba, hindi kailanman maiinip sa pagtakbo ng bawat minuto dahil sa kanyang realidad na tila ba nararanasan mo rin sa mga oras na iyon. Salamat sa pelikulang Pilipino.

Hindi na nga mapipigilan at papalapit na ang bagong taong naghihintay sa atin. Nawa sa taong 2015 ay lalong bumuhos ang mga biyaya ng Maykapal sa ating mga buhay kasama ng pagpapala sa ating pamilya at piniling propesyon. Marami pang mga pangarap sa aking puso ang naghihintay ng kanilang katuparan at sa bawat taong lumilipas sisikapin nating madagdagan ito ng mga katuparang iyon sa malugod na pagsisikap at pagsisipag sa bawat araw. At sa bawat araw na iyon ay isuko natin kay Hesus ang ating landas sapagkat sa Kanyang daan masusumpungan ang tunay na tagumpay. Samantala, habang tayo ay naghahanda na para sa media noche at sari-saring gawain para maakit ang swerte sa ating mga buhay at tahanan, huwag nating kalimutang pasalamatan ang mga taong naging bahagi ng ating pakikipagsapalaran. Kaya naman sa katorseng pagpapala ng taong 2014 at sa inyong lahat, THANK YOU ANG BABAIT NINYO!