Wikang Filipino: Puso at Diwa ng Lahing Pilipino

Sa lahat ng mga bayan lubos tayong pinagpala–
Tahanan ng mga ibong sa paglipad ay malaya
Tanging hiyas ng Silangan; sa mundo’y sadyang dakila
Pilipinas nating mahal pinagyabong ng kultura
Pugad pa ng kayamanan sa mga dagat at lupa
Bukal ng ginto at pilak; sa perlas man ay sagana.

Subalit may hihigit pa sa mga ginto at pilak,
Higit pa ang kaningningan kaysa busilak na perlas–
Ito’y wikang bukambibig ng pusong nagpapahayag
Ng ating damdaming tapat sa diwa ng pangungusap;
Pakikipagtalastasan ay ganap na maliwanag
Dahil sa sariling wika ang lahi’y ganap nang likas.

Ito’y Wikang Filipino na hinubog ng panahon
Pinagyama’t pinaunlad mula noon hanggang ngayon;
Bukambibig ng bayani’t sa sugat niya’y panghilom
Kinalag ang tanikala’t magiting na pinagtanggol;
Wika nati’y pinapanday nitong bawat henerasyon
Nang sa darating na bukas ay patuloy ang pagsulong.

Mapalad ang Pilipino ‘pagkat may sariling wika
Sa kanyang pananalita’y nababanaag ang sigla;
May wikang sumasalamin sa ating puso at diwa
Larawan ng pamumuhay at makulay na kultura–
Kultura ng pagmamahal at ng pakikipagkapwa,
Kultura ng bayanihang nagbinhi sa ating wika.

Itinitik ng panahon sa dahon ng kasaysayan
Ang papel ng ating wika sa pagbabago ng bayan;
Wika’y nagbibigay-buhay at lakas sa panitikan,
Panitikang gumuguhit sa bawat kinabukasan;
Tabak sa pakikibaka’t kalasag din ng lipunan
Sandigan ng ating lahi sa diwa ng kalayaan.

Ito’y isang karangalan sa lipi ng Pilipino,
Lahi man sa kapatagan o bundok ng katutubo;
Tulay sa bawat rehiyon malapit man o malayo
Panlayag sa karagatan patungo sa bawat pulo;
Pinagbubuklod ng wika saanman tayo dumako
Kapit-bisig sa paggaod; sa mundo ay taas-noo!

Ikaw man ay Pilipino ngunit ‘pag diwa’y naligaw,
Sa himig ng ating maya’y nasintunado’t nawalay,
Daig mo pa ang ulupong sa sulok ng isang bahay
Na pilit itinatakwil ng sinumang nananahan;
Huwag kang maging dayuhan sa ating sariling bayan
Pakinggan ang panulaan at umawit ng kundiman.

Wikang Filipino’y atin mula sa ating Maykapal
Nililikha ng damdamin mula sa isipang taal;
May angkop na katawagan ang bawat may kabuluhan
Tuklasin ang kahulugan ng bawat may katuturan;
Wika nati’y tangkilikin at ibigin bawat araw
Nang ganap na matuklasan ang likas na karunungan.