O Kay Bilis Mamukadkad!

Itong mga mata’y tunay na napako
nang ika’y namasdan doon sa ‘sang dako.
Hindi mapigilang lumapit sa iyo
nang ngalang marikit ay aking matanto.

Hanggang isang gabi’y ‘di na makatulog
nang ang iyong mukha’y sa isip humubog;
Sa puso’y tumuhog, ako’y nabulabog,
naging balisa na at wari’y sasabog!

At kinabukasan ikaw ay hinanap
nang ang kalangita’y muli kong malasap.
Pawiin mo nawa itong paghihirap
nang itong ligaya’y tuluyang mayakap.

Hanggang isang araw ikaw ay namasdan,
‘di nag-atubiling ikaw ay lapitan.
Labis itong kaba nang ika’y hawakan
ngunit anong gaan nang ika’y mahagkan.

Agad namukadkad ang pusong mapanglaw
Pag-ibig sa iyo’y sa buhay tumanglaw;
Tulad ng bulaklak sa harap ng araw–
Masigla’t magiliw…ang lakas ay ikaw!