Category Archives: Here, I Advocate ⚖️

Sa Gobyernong Tapat, Maipagmamalaki nating Pilipino tayong Lahat

“Pinipili namin ang tambalang VP Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan kasama ang Tropang Angat dahil naniniwala kami na ang kanilang plataporma ay kaya nilang tuparin para sa mga Pilipino. Kami ay naninindigan na sa isang gobyernong tapat, aangat ang buhay ng lahat!

Panahon na para yung marangal naman yung mamuno sa ating pamahalaan. Panahon nang hindi natin ikinakahiya kung sino ang lider ng ating bansa dahil ipinapakita nito ang marangal at maayos na pamumuno. Sina VP Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan ang makakapagbigay ng ganoong klaseng pamahalaan. Kami ay naniniwala na tututukan nila ang pangangailangan ng mga nasa laylayan ng lipunan, dito ay pantay-pantay tayong lahat. Mayroon silang programa at mga proyektong inihahanda para sa masa na hindi lamang hanggang salita, kundi pati sa gawa.

Kapag binoto si Leni Robredo sa balota, dapat may kaakibat ding Kiko Pangilinan. Kailangan natin protektahan si Leni Robredo, mahalagang ang kasama nito sa pamahalaan ay yung susuportahan siya sa kaniyang mga proyekto. Naniniwala kami na ito ay si Sen. Kiko Pangilinan. Marami rin siyang nakahandang proyekto na sasalamin sa ginagawa ng pamahalaang Robredo.

Ang pangarap namin sa Pilipinas ay yung pamahalaang may totoong malasakit sa mga Pilipino, yung hindi tayo matatakot na magbigay ng kritisismo o puna sa pamahalaan kasi sila ay totoong makikinig. Gobyernong matapang pero hindi nananakit, Gobyernong hindi gagamitan ng kamay na bakal ngunit may ginintuang puso para maglingkod. Dito ay aangat ang buhay ng lahat dahil ang nakikinabang ay yung mga nasa laylayan at hindi lamang ang iilan.

Naniniwala kami kay Leni Robredo at Kiko Pangilinan dahil sa Gobyernong Tapat, Maipagmamalaki nating Pilipino tayong Lahat.”

– Herwin Cabasal, Program Head, FEU Department of Communication

Nailathala sa Facebook Page ni Sen. Kiko Pangilinan