Category Archives: Here, I Express ✍️

High School Life…Kay Sarap Balikan!

“High school life, oh my high school life ev’ry memory kay ganda. High school days, oh my high school days are exciting kay saya…”

Parang kailan lang ay mga munting binata at dalaga pa tayo noong panahong iyon. Kay bilis nga naman talaga ng panahon. Sobrang bilis. Parang kahapon lamang ay kaka-graduate lamang natin sa elementarya at excited tayong pumasok sa isang secondary school upang tawaging isang ganap na hayskul. At ngayon, bina-balikbalikan na lamang natin ang mga alaalang iyon.

Katulad ng sinasabi sa lyrics ng awiting pinasikat ni Sharon Cuneta na pinamagatang “High School Life” sobrang exciting nga naman ang mga memories natin noong tayo ay nasa high school pa lamang. Sadyang hindi mapapantayan ang mga karanasang nagbigay kulay sa ating buhay bilang mga munting kabataan noon.

Naaalala ko pa na hiyang-hiya pa kami sa isa’t isa noon sa unang araw ng aming klase sa high school palibhasa’y marami sa amin ang doon pa lang nagkakila-kilala. Subalit nang lumipas ang ilang sandali ay para bang matagal lang na hindi nagkita sa dami ng kuwento ng bawat isa. Habang nagtatagal ay lalong tumitibay ang pagsasamahan at pagkakaibigan. Nagkakaroon ng sariling barkada at nabibigyan ng pagkakataon upang makilala at ipahayag ang sarili. Minsan may mga problema at tampuhan pero madalas ay naaayos din, ika nga e away-bata lang este away kabataan lang pala.

Nakaka-excite rin kapag may mga projects at homework na. Nandyang kailangan naming magpunta sa bahay ng isang kaklase upang doon mag-practice at mag-computer. Madalas kung sino ang may kaya sa buhay doon ang paboritong puntahan para gumawa ng group project. Bukod sa inaasahang pa-merienda ng kanyang magulang!

Hindi rin iba sa atin noong high school ang tinatawag na unity ng buong klase! Ito ang palaging pinapaalala sa atin ng ating mga teachers. Kaya naman pati sa assignments at exam ay nagtutulungan at nagkakaisa nga!

Makakalimutan ba natin ang English Club, Filipino Club, Science Club, Theater Club, Sports Club, Math Club at kung anu-ano pang klab na tila sinalihan ko na yata lahat. Halos lingo-linggo naman ay mayroong special program sa stage dahil pwedeng Linggo ng Wika, United Nations’ Day, o kaya naman ay Teacher’s Daybirthday ng principalFoundation Day ng eskwelahan, at marami pang “day” na talaga namang ikinatutuwa ng mga estudyante.

Sinong makakalimot sa iyong paboritong teacher noon? Yung palaging nagpapatayo sa iyo sa gitna ng klase sa buong period kapag hindi mo nagawa ang iyong homework? O yung madalas tumatawag sa iyong pangalan upang sumagot sa recitation period? Syempre, hinding-hindi natin makakalimutan ang mga gurong nagtyagang ituro sa atin ang halos lahat ng bagay noong high school tungkol sa Physics, Algebra, Chemistry, Filipino, English, Noli Me Tangere, El Filibusterismo, Ibong Adarna, Florante at Laura, P.E., Religion, at pati na rin ang pagburda at pagtahi ng damit at pagluluto sa Home Economics, bukod pa sa kanilang pagiging pangalawang magulang para sa ating lahat.

At syempre higit sa lahat, ito ang panahon na ang halos lahat sa atin ay unang na-in love nang todo. Ika nga e “first love never dies.” Sino ba ang iyong high school sweetheart noong panahong iyon? Siguro ay miss na miss mo na siya ngayon dahil maaaring nung high school graduation pa kayo huling nagkita…

Sa apat na taon na ating pag-aaral noon sa high school, marami tayong natutunan na hanggang ngayon ay nakatatak pa rin sa ating mga puso. Natutunan natin kung paano ihanda ang ating mga sarili para sa papalapit na pagharap sa mas malaking responsibilidad sa buhay. Nalaman natin ang tunay na kahulugan ng pagkakaibigan at tunay na pagsasamahan. Natuklasan natin kung paano gamitin ang ating panahon bilang kabataan sa paggawa ng mga bagay na magsisilbing inspirasyon para sa ating kapwa kabataan at sa mga mas bata sa atin. Ang lahat ng iyon ay mahahalagang alaala na kay sarap balikan. Ang bawat alaalang iyon ay matibay na pundasyon upang ganap na makilala ang ating pagkatao bilang kabataan.

Sino sa atin ang hindi napaiyak nang kinakanta na sa araw ng ating graduation ang “Farewell Song” at ang huling pag-awit ng “Alma Mater Song”? Tiyak na ang bawat isa sa atin ay napaluha at napayakap nang mahigpit sa kanyang mga kaibigan at gurong minsang naging bahagi ng kanyang makulay na buhay noong high school.

“High school life, ba’t ang high school life ay walang kasing saya? Bakit kung graduation na’y luluha kang talaga”?