Category Archives: Here, I Express ✍️

Mula sa Puso

Paano nga ba ipinagdiriwang ng mga Pinoy ang Araw ng mga Puso? Karaniwan na sa ating kultura ang pagbibigayan at pagpapalitan ng mga rosas, tsokolate, greeting cards, at mga regalo sa ganitong araw na tila ba isa na namang Pasko para sa atin.

Kulay pula na naman ang buong paligid sa pagsapit ng araw na ito. Sa katunayan, ginagamit pa ng komersyalismo ang okasyong ito lalung-lalo na ng mga hotel, restoran, konsyerto, at iba pa. Tatangkilikin nga naman ito ng mga tao sa araw na iyon dahil marami ang mga magkasintahan at mag-asawang tiyak na makikipag-date.

Subalit hindi ba’t kaysarap tingnan ng ating mundo kung sa araw-araw ay tila ipinagdiriwang natin ang araw ng pag-ibig?

Ang tunay na Araw ng mga Puso ay maaari nating ipagdiwang sa ating buhay sa araw-araw at anumang oras kung ating nanaisin. Ang araw na ito ay hindi lamang para sa mga may boyfriend o girlfriend o kaya naman sa mga may nililigawan pa lamang. Ito ay para sa lahat sapagkat lahat tayo ay tunay na mayroong minamahal. Nariyan ang ating mga magulang na walang pinipiling panahon upang tayo ay kanilang mahalin. Bakit hindi natin sila bigyan ng bulaklak at sabihan ng isang matamis na “I Love You.” Naghihintay rin ng ating masarap na tsokolate ang ating mga kapatid at mga kaibigan na handang dumamay sa iyo sa lahat ng oras. At bakit natin kalilimutang bigyan ng masarap na halik ng pagmamahal ang ating mga lolo’t lola na kung hindi rin dahil sa kanila ay wala tayo sa mundong ito?

Hay kay sarap ngang umibig pero hindi ba’t mas masarap umibig sa mga taong alam mong higit na nangangailangan nito? Tumingin lamang tayo sa ating paligid. Makikita natin ang mga kaawa-awang mga kababayan natin na halos wala nang makain dahil sa labis na kahirapan na kanilang nararanasan? Hindi ba’t higit nilang kailangan ang mga pusong makauunawa, makatutulong, at makapagpapasaya sa kanila? May kakayahan ba ang ating mga puso upang sila ay mahalin o tulad rin tayo ng iba na walang pakialam sa ating kapwa?