Hay… pag-ibig nga naman kapag tumama kaninuman para bang nakakalimutan na ang lahat kapag kapiling ang iyong minamahal!
Mga kabinhi, maligayang araw ng mga puso sa inyong lahat! Sigurado akong ang mga kapwa kabataan natin dyan ay abalang-abala na sa pag-iisip kung ano nga bang magandang gimik ang pwede niyang gawin para lamang maging ispesyal ang Pebrero 14 kasama ang kanyang pinakamamahal na boyfriend, girlfriend, nobyo, nobya, kasintahan, asawa, number 1, at number 2!
Ibang klase talaga kapag tumama na sa iyong puso ang pana ni Kupido. Walang pinipili basta’t tumibok na ang iyong puso, aba e wala ka nang magagawa kundi sundin ito! Iba’t ibang kuwento ng mga pag-ibig ang ating naririnig lalo na sa sektor ng mga kabataan. Iba’t ibang karanasan sa pag-ibig na nagpakilig, nagpasaya, nagpaligaya at meron din namang mga karanasang nagpaluha, nagpalasing, at nagpatiwakal dahil sa lintik daw na pag-ibig.
Alam nyo ba ang madalas na tanong ng mga kabataan? Pag-ibig nga kaya ito kapag siya ang lagi mong gustong makita mula sa umaga sa iyong paggising hanggang sa gabi bago matulog? Pag-ibig nga kaya ito kapag gabi-gabi na lamang mukha niya ang palaging laman ng iyong isipan hanggang sa iyong panaginip? Pag-ibig nga kaya ito kapag kumakabog ang iyong dibdib kapag kaharap o kausap mo siya? Pag-ibig nga kaya ito kapag boses niya ang gusto mong marinig sa araw-araw at hindi makukumpleto ang iyong maghapon kapag hindi man lamang siya nasisilayan? O pag-ibig nga naman!
Sa totoo lang, nasa elementarya pa lamang ang isang bata akalain mong may kuwento na siya tungkol sa kanyang tinatawag na Puppy Love. Para bang totoong-totoo na ang kanilang mga nararamdaman sa isa’t isa pero hindi nila alam na ito ay isang uri ng infatuation lamang. Tandang-tanda ko pa noon, kasama ko ang aking mga kabarkada sa elementarya pati na nung hayskul, hindi makukumpleto ang araw namin sa eskwelahan kapag hindi nakikita ang aming “crush.” At ang simpleng paghangang ito ay nauuwi sa pagiging mag-M.U. o ang tinatawag na mutual understanding. Isang termino na nangangahulugan na mayroon na kayong pagkakaunawaan sa isa’t isa. At madalas ito ay nauuwi sa isang totoong relasyon na para bang kapag pinaghiwalay ng tadhana ay katapusan na ng lahat! Ika nga sa lenggwahe nating mga kabataan, masarap ang feeling kapag kayo ay mag-ON ng iyong minamahal.
Ang iba sa ating mga kabinhi ay seryoso na sa kanilang nararamdaman na tila ba pari na lamang ang kulang upang sila ay ikasal. Ang iba naman sa kanila, aminin man o hindi, ay para bang “trip” lamang para sa kanila ang pagkakaroon ng relasyon pero hindi niya alam masakit iyon para sa isang taong totoong nagmamahal.
Pag-ibig nga naman madalas ay hindi mo maintindihan. Minsan nakakagulo sa iyong isipan. Minsan nagpapakilig. Minsan nagpapaiyak sa iyo. Pero anuman ang sabihin nila tungkol sa tinatawag na “pag-ibig” masarap pa rin ang pakiramdam kapag ikaw ay mayroong minamahal. Sa simpleng rosas at tsokolate lamang na maibibigay sa iyong sinisinta katumbas nito ay isang walang kasingtamis na pag-iibigan.