Umaga ng Dec. 29, 2012. Sa pagpapatuloy ng pagdiriwang ng Buwan ng Kabataan sa aking bayan ng Hagonoy, isinagawa ng aming samahang Hagonoy Young Leaders Program o HYLEAP ang Pamaskong Handog 2012 para sa mga munting anghel ng Sitio Buga Elementary School, isang paaralan sa dulong bahagi ng Brgy. Sta. Elena.
Aaminin kong ito ang kauna-unahang pagkakataong binagtas ko ang mahaba at makitid na daanan nila patungo sa kanilang eskwelahan sakay ng pedikab. Dalawa hanggang tatlong pasahero lamang ang kayang isakay ng pedikab. Nakahilerang bumibyahe ang mga sidecar na tila kami ay nasa karosa at kumakaway pa sa mga taong nadadaanan. Nagbibiruan pa nga kami na pakiramdam namin ay nakasakay kami sa roller coaster. Kahit medyo mabigat kami, kitang-kita sa mga mamang drayber ang kanilang pagtitiyagang maihatid kami sa aming destinasyon. Alam kong ito lamang ang kanilang ikinabubuhay. Kitang-kita ito sa mga pawis na tumatagaktak mula sa kanilang mukha at katawan.
Pagkatapos ng halos dalawampung minutong pag-ikot ng gulong ng aming sinasakyang sidecar, natunton na rin namin ang munting paaralan kung saan ay naabutan naming nag-aabang na ang mga guro at ang tatlumpung bata mula sa Grade 1 na tila sabik na sabik sa aming pagdalaw. Kaya naman kaagad naming inayos at inihelera sa maliit na entablado ang mga regalong handog ng marami sa aming mga kaibigan. Sa bawat plastic bag ay naglalaman ito ng mga damit, school supplies at laruan. Hindi naman importanteng bago, ang mahalaga ay mapakikinabangan pa ito ng mga bata.
Sinimulan ng isang awiting panalangin at sinundan ng bating panimula ng isa sa mga guro, ito ang naging hudyat upang mag-enjoy muna ang mga bata sa mga palarong inihanda ng HYLEAP para sa kanila. Sa mga batang ito ay mababanaag talaga ang tunay na diwa ng kapaskuhan na punung-puno ng kaligayahan sa kanilang mga puso. Tila ba nagsasabing hindi kailangan ng materyal na bagay upang makita ang ngiti sa kanilang mga labi. Sapat nang malaman nilang may nagmamalasakit sa kanila kahit ngayon lamang nila kami nakita.
Katulad ng dalawang batang ito. Para sa kanila ay mundo nila ito. Isang mundong malayang magagawa kung ano ang gusto nilang ipamalas na may mga taong kumikilala sa kanilang galing sa pagsayaw. Ang nais lang naman nila ay magdulot rin ng ngiti mula sa aming mga labi.
Nakinig muna ang mga bata ng isang maiksing kuwento mula sa storytelling na isinagawa ni kuya Dwight, at saka sinundan ng art session with the kids.
At dahil napagod ang mga munting anghel sa kanilang paglalaro, pakikinig sa kuwentong pambata, at pagdo-drawing, naghandog naman si kuya Elmer Santos ng mapagsasalu-saluhan ng mga bata. Kaysarap nga naman ng pansit at juice!
At ang pinakainaabangan ng lahat, ang pagbabahagi ng mga regalo! Sa araw na ito ay iisipin kong napadaan si Santa Claus sa Sitio Buga pero maraming Santa pala ang dumalaw dito sa katauhan ng mga lider-kabataan mula sa HYLEAP. Kaya naman ganoon na lamang ang tuwa na naidulot ng grupo para sa mga batang ito. Subalit ang ligayang nadarama nila ay doble pa nito ang aming nararamdaman ngayon.
Silang mga bata na balang araw ay maglilingkod at mag-aalaga sa bayang ito ng Hagonoy ay dapat bigyan ng pansin ng lahat ng mga nakatatanda sa kanila. Sa pagmamahal na maaari nating ibigay sa kanila ay magdudulot naman ng sigla sa kanilang buhay upang patuloy na magsikap sa pagtupad sa kanilang mga pangarap- mga pangarap na bayan din naman ang siyang makikinabang pagdating ng panahon.
Maraming salamat sa mga lider na ito na may natatanaw na pag-asa para sa ating mga kabataan. Ang mga katulad nila ay may malakas na pananalig para sa pag-unlad ng bayang ito sa pamamagitan ng pagmamalasakit muna sa ating mga munting bata.
Ika nga ng isang pamaskong awitin mula sa Christmas Station ID ng ABS-CBN:
“Dumarami ang mga tala tuwing kapaskuhan
Sa atin nagmumula ang kaliwanagan
Dumarami ang mga tala tuwing kapaskuhan
Dalhin natin ang pagpapala sa bawat tahanan”
Para sa amin at ng bumubuo ng Hagonoy Young Leaders, ito ang kuwento ng aming pasko.














