Category Archives: Here, I Rise ☀️

Ang HYLEAP at ang mga Binhing Inihasik sa Matabang Lupa

hyleap

Isang panibagong binhi ang sumusubok sumibol at umusbong sa kanyang sariling lakas at pangarap. Ito’y binhing inihasik ng grupo ng mga kabataan sa matabang lupa ng kanyang sariling bayan at pinagmulan. Binhing nagpupumiglas sa paglago at nasasabik sa mga bungang darating na balang araw ay kanyang malugod na ibabahagi sa mga taong umaasa at nag-aasam ng magandang bukas.

Ang HAGONOY YOUNG LEADERS PROGRAM (HYLEAP) ay isang samahan ng mga batang lider mula sa bayang ito na muling nagkasama-sama at sabay-sabay bumuo ng mga pangarap mula pa noong Marso 2008. Mga pangarap na sumasalamin sa kanilang malinis na adhikain para sa bayan ng Hagonoy at maging sa kinabukasan ng buong bansa at buong mundo. Ito ay naglalayong maghubog ng mga susunod na lider ng ating bayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng iba’t ibang mga programa para sa bawat kabataan. Mga layuning naghahangad ng maganda at positibong pagbabago para sa buong bayan na magsisimula sa paghubog ng mabuting pananaw at kalooban ng isang lider-kabataan.

Ikinalulugod kong ibalita at ipagmalaki sa lahat na ako, katulad nila, ay bahagi rin ng samahang ito. Sapagkat nababanaag ng HYLEAP ang aking matibay na paniniwala at pag-asang mayroon pang magagawa upang muling masilayan ang pagsikat ng araw. Katulad ng aking mga kaibigan at kapanalig sa organisasyong ito, malugod kong ibinabahagi at inihahasik sa bayan ng Hagonoy ang binhing nagkukubli lamang sa aking puso’t diwa na ngayon ay may pagkakataon nang umusbong. Mga binhing hatid ay inspirasyon para sa aking kapwa kabataan na magsisimula sa bayang ito.

Noon pa man ang inyong lingkod ay naniniwala sa minsang tinuran ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na ang “kabataan ang pag-asa ng bayan.” Sa mabilis na paglipas ng panahon kasabay ng rumaragasang daloy ng modernisasyon, ang mga katagang ito ay patuloy nating pinaninindigan para sa ating bayan at mundong ginagalawan. Gaano man kalaki ang mga pagbabagong nasasaksihan natin sa daigdig na ito, ang kabataang Pinoy ay mananatiling isang nagniningas na sulo upang maghasik ng liwanag sa landas na tinatahak ng kanyang bayang sinilangan.

Ayon sa Young Adult Fertility and Sexuality Study, mula sa 86 million na populasyon ng Pilipinas, one-fifth o 16.5 milyon dito ay mga kabataan na may edad na 15-24. At sa darating na 2030, tinatayang aabot na sa 30 million ang bilang ng mga kabataang Pinoy.
Sa ganitong kabilis na pagdami ng bilang ng mga kabataan lalo na sa ating bansa mas lalo silang higit na nangangailangan ng ganap at konkretong patnubay mula sa kanilang pamilya, sa mga nakatatanda, mula sa pamahalaan, paaralan, at simbahan, at iba’t ibang sektor ng lipunan kasama na rin ng kanilang mga kaibigan at kapwa kabataan.
herc and dred
At bilang isang batang direktor, nais kong gamitin ang aking passion for media productions upang kahit paano’y maghandog ng mabuting inspirasyon at aral para sa bawat kabataang katulad ko. Katulad nila’y marami rin akong mga tanong sa buhay na nangangailangan ng pagtuklas.Katulad nila’y lumalakad rin ako sa mundong hindi tiyak ang nilalandas subalit naghahanap ng tamang direksyon. Katulad nila’y nasa gitna rin ako ng mga paghamon, nadarapa, subalit mabilis na bumabangon upang magpatuloy sa walang hanggang paglalakbay.
***
hylc 2010 ehylc 5hylc 1hylc 2010 hhylc 2010 chylc 2010 d
Since 2008, it’s my privilege to be one of the facilitators, secretariat, and organizers of a three-day leadership camp for the young leaders of Hagonoy, an advocacy for community development. Spearheaded by Mildred Ople and the core team.
***
pamasko2pamasko4pamasko3pamasko1

Sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinagdiwang ng Hagonoy Young Leaders Program ang kapaskuhan at bagong taon sa piling ng mga munting bata sa Munting Paaralan ng Mother Ignacia del Espiritu Santo- Hagonoy, noong January 3, 2010.

Sa aming munting handog at sa tulong ng mga may mabubuting loob, kahit paano’y nakapagbigay kami ng ngiti at saya sa mga batang ito.

Kay sarap pakinggan ng kanilang mga tawanan.
Kay sarap masdan ng kanilang masasayang mukha.

Dahil dito, pakiramdam namin ay bumalik kami sa pagkabata.

Nakikipaglaro.

Nakikigulo.

at parang walang problema.

***
votersed1votersed5votersed3votersed6votersed4votersed7

BOTO HAGONOENO: Para sa Pagbabago.

Ito ang naging tema sa pagsisimula ng malawakang awareness campaign ng Hagonoy Young Leaders Program (HYLEAP) at ng Commission on Election (COMELEC – Hagonoy) para sa mga botanteng Hagonoeño kaugnay ng nalalapit na May 2010 Election. Layunin ng proyekto na maging handa ang mga botante sa pamamagitan ng pagkatuto sa makabagong paraan ng pagboto.
Ang mga ito ay ilan lamang sa mga proyekto ng mga kabataan para sa kapwa kabataan at sa aming bayang sinilangan.