“Goodbye!”
Ito na marahil ang isa sa pinakamasakit na salitang ating maririnig subalit may mga pagkakataong kailangang harapin at tanggapin.
Hangga’t maaari ayaw natin marinig ang katagang ito lalo na kung magmumula sa ating mga minamahal.
Ang kahulugan kasi nito’y paglisan. At walang katiyakan kung kayo’y magkikita pang muli.
Subalit sa lahat ng uri ng pamamaalam, hindi maiiwasan ang paglisan ng bawat taon sa ating buhay. Walang kalendaryo sa mundo ang nananatili.
Kaya naman sa pagpasok ng bagong taon, tayong lahat ay magpapaalam na sa 2012. At katulad ng pagdaan ng maraming mga taon sa ating mga buhay, babaunin na lamang natin ang kanyang magagandang alaala lalo na ang mga bagay na ating natutunan sa mga karanasang iyon.
“Goodbye 2012, Hello 2013!”
Sa pagsalubong ng bagong taon, bilangin muna natin ang mga biyayang natanggap para sa ating mga sarili, sa ating mga pamilya, relasyon, kalusugan, at trabaho nitong nakalipas na labindalawang buwan. Magpasalamat sa Diyos na naging sandigan sa buong taong iyon.
“Count your blessings!”
At kung may mga bagay man sa nakaraang taon na dapat magpaalam na sa atin ay ang mga masasamang ugaling taglay. Hayaan na natin itong lumisan sa ating mga sarili. At sa bagong taon, subukang yakapin ang mas mabuting pagkatao.
Dalangin ko ngayong bagong taon, bukod sa mabuting kalusugan ng aking pamilya at asensadong hanapbuhay, nawa’y patuloy Niyang imulat ang kaisipan at diwa ng mga kabataan sa bansang ito upang makita ang katotohanan sa kanyang paligid. At anuman ang kanyang makita, tanggapin ito at matutunang magtanim ng kahit kaunting pagbabago sa pamamagitan ng pagbibinhi ng mabuting pangarap para sa ikauunlad ng sarili at sariling bayan.
Huwag tayong mapagod sa pagbibilang ng mga biyaya ng Diyos sa atin dahil tiyak ko, mas siksik, mas liglig, at mas umaapaw pa ang dadalhin ng bagong taon sa ating buhay kung dadagdagan din natin ng “mas” masipag na pagkayod at “mas” determinadong pag-abot ng mga pangarap.
Ilang oras na lamang ay sasalubong na ang numerong trese, pero bago yan, nais ko munang balikan ang sandosenang biyaya sa aking buhay sa buong 2012:
1. Ako ay Segment Producer-Director para sa HYY: A Mother’s Story. Sa segment na ito ay naghatid kami ng mga kuwento ng mga nanay na may dakilang sakripisyo para sa kanilang mga anak katulad ng karakter ni Pokwang sa pelikulang A Mother’s Story. Inaamin kong kahit ako, kapag shoot na, ay hindi maiwasang maging emosyonal kapag naririnig ko na ang kanilang mga kuwento. Hindi nga naman biro ang maging isang nanay, kailanman ay hindi mapupundi ang ilaw ng tahanan. Ito ay pangalawang segment na ipinagkatiwala sa aking ng programang Happy Yipee Yehey pagkatapos ng Globe Superbida. Sa segment namang ito, nakita ko mula sa aming mga subjects kung gaano kasarap makipagkuwentuhan sa mga mahal sa buhay saan man sa mundo nang unlimited. Kaya naman silang lahat ay Go lang nang Go at anytime pwede na nilang tawagan ang mga kapamilya abroad gamit ang Unlimited SuperIDD. Dahil sa trabaho kong ito, lumipad pa nga ako patungong Hong Kong para mag-research ng mga OFW na pwedeng i-feature sa segment na ito hatid ng Globe.
2. Ako ay nanalo bilang Best Director sa aking short film na Viscera sa 8th Art Film Festival na ginanap sa Philippine Women’s University. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ako ay nabigyan ng pansin bilang isang filmmaker. Ang Viscera ay isang maiksing pelikula tungkol sa isang pulis na iniimbestigahan at tino-torture ang isang suspect para makakuha ng impormasyon sa misteryong pagkawala ng mga bata at saka ito matatagpuang wala nang buhay pati na ang mga lamang-loob nito. Ako ay muling nagwagi bilang Best Director at may bonus pang Best Screenplay sa parehong pelikula sa 9th Indie Un-Film, isang taunang Digital Film Festival ng De La Salle University-Manila. Hindi ko rin naman inakalang aabot ang short film na ito sa La Salle. Para sa akin, napakahirap makapasok bilang isang entry sa patimpalak na ito. Palibhasa ay pipili lamang ng top 5 sa Feature Category sa daang-daang mga submissions ng mga batang filmmakers. Makapasok nga lang bilang finalist ay isa nang malaking karangalan para sa akin.
3. Ako ay ma-drama sa buhay. Hindi ito nakakapagtaka lalo na noong ako ay nakapag-trabaho sa teleseryeng A Beautiful Affair na pinagbibidahan nina John Lloyd Cruz, Bea Alonzo, at John Estrada. Bagama’t walong buwan lamang ako dito, ang karanasan ko sa programang ito ay malaki ang kontribusyon sa aking mga natutunan sa TV Production na magagamit ko sa aking karera sa mahabang panahon. Alay ko ang experience na ito sa aking nanay na mula noon hanggang ngayon ay adik pa rin sa mga teleserye ng Kapamilya network. Bata pa lang ako ay namulat na ako kina Mara at Clara, nang si Juday at Gladys pa ang nagsasampalan noon. hehe.
4. Ako ay nagbahagi ng inspirasyon sa mga estudyante ng Mass Communication, Education, at Psychology sa Centro Escolar University-Malolos nang maanyayahan akong maging guest speaker sa kanilang Practicum Graduation. Nakakatuwang isipin na kahit paano ay makaka-impluwensya ako nang positibo sa mga mag-aaral. Ibinahagi ko sa kanila ang aking mga natutunan sa loob ng halos limang taon sa industriya.
5. Ako ay isang social advocate. Mahilig akong maghanap sa internet ng mga video competition lalo na ang may kinalaman sa social advocacy. Nagkaroon ako ng pagkakataong makasali sa ADB: My View- The Asia Pacific Video Contest nang ginawa ko ang “Renew”; ang “The Equation” naman para sa ILO Video Contest; at ang “Lider-Kabataan ng Bagong Panahon” para sa Generat10n TAYO: Mga Bida ng Bagong Dekada- Viral Video Competition. Bawat video na ito ay may halos limang minuto lamang ngunit para sa akin ay maaaring makapagdulot ng kahit kaunting pagbabago sa pananaw ng sinumang makakapanood nito.
6. Ako ay isang raketista. Raketista dahil nabigyan ako ng raket ni Ken Moneva, isang katrabaho at kaibigan sa ABS. Nakagawa ako ng AVPs ng mga debutante na sina Chelsea Coligado at Giandra Dator. Sarap sa pakiramdam kapag nag-eenjoy sila sa video na ginawa ko para sa kanila. At syempre, nakagawa rin ako ng wedding video para sa kasal ng matalik kong kaibigan sa college na si Charlyn Gonzales at prenup video naman para sa aking editor sa ABS na si Janet Domingo. Hindi lang iyon, nakapag photo shoot din para sa prenup naman nila Eugene Mateo at Norilyn de Pano na ngayon ay mag-asawa na.
7. Ako ay isang tagapag-hasik…ng ano? Ako ay napili bilang isa sa 50 participants ng HASIK Advocacy Filmmaking Seminar na hatid ng DAKILA. Tatlong araw sa Laguna na hitik sa mga pagsasanay sa paggawa ng mga pelikulang may kabuluhan para sa ating lipunan mula sa mga nirerespeto sa industriya katulad nina Armando Lao, Francis Pasion, Raymond Red, Raymond Lee, Sherad Sanchez, Ditsi Carolino, at Lourd de Veyra. Nakilala ko ang marami sa aking kapwa filmmakers na may kaparehong layunin sa paggawa ng pelikula- ang maghasik ng positibong inspirasyon. Kaya naman bilang bahagi ng aking adovocacy sa Freedom of Thought, Expression, and Information at laban sa Extra-Judicial Killings, nakapasok sa Top 10 ang aking short film na Pieta (O Kung Bakit Nagluluksa si Luzviminda sa Kapalaran ni Juan dela Cruz) sa ALAB: Special Youth Section of the Active Vista Human Rights Film Festival 2012.
8. Ako ay isang Rizalista. Nakapag-direk muli ng isang maiksing pelikula nang i-produce ng HYLEAP sa pakikiisa ng 18th SFC at Asia Pacific Film Institute ang Resurreccion (O Kung Paano Naging Bayani si Pepe sa Panahon ng Twitter). Ang pelikulang ito ay tungkol naman kay Jose Rizal na muling nabuhay sa modernong panahon at nakilala ang mga rebeldeng kabataan. Sino nga naman ang mag-aakalang makikita nila si Pepe na nagpo-post ng kanyang Tweet gamit ang Macbook Pro laptop? Kaya naman noong kanyang kaarawan ay nag-premiere ito sa Bulacan State University sa tulong ng Knights of Rizal. Bilang paggunita naman sa kanyang death anniversary, ipinalabas ito sa Baliuag University at naabot ni Pepe ang halos isanlibong estudyante sa tulong ni Madam Espie Balatbat. Hindi natapos ang taon nang hindi nakakadalaw si Pepe sa aming bayan sa Hagonoy. Sa pagdiriwang ng buwan ng kabataan, napanood ng mga Hagonoenyo ang pagkabuhay ni Rizal sa pamamagitan ng Imahegonoenyo film screening. Napanood din ito sa Ika-24 Gawad CCP Para sa Alternatibong Pelikula at Vidyo. Maraming salamat din pala sa napakagandang film review ni Jerome Papa Lucas, isang award-winning blogger mula sa Saranggola Blog Awards 2012.
9. Ako ay isang propesor. Noong panahong iyon ay ilang beses din akong tinawagan ni Mam Mayette Alvarez (Head of Mass Communication, CEU-Malolos) at Dean Elizabeth Roces (College of CELAS) para imbitahan na maging lecturer sa aking alma mater dahil sa ako ay isa namang media practitioner. Noong una’y pinag-isipan ko itong mabuti kung tatanggapin ko ang kanilang offer. Ika ko’y napakabata ko naman para maging isang guro. Ngunit sa huli’y napagtanto kong panahon na nga siguro para mag-share naman ng aking mga natutunan mula noon hanggang ngayon para sa MassCom students. Kaya naman once a week ay nasa CEU Malolos ako, naka-polo o kaya ay long sleeves, nakaharap sa aking mga estudyante na kapag kasama ko sila ay mapagkakamalang estudyante rin ako. hehe.
10. Ako ay isang servant-leader. Mula noong 2008, taon-taon ay bahagi na ng aking buhay ang pagboboluntaryo bilang Unit Head ng Media Productions sa organisasyong Hagonoy Young Leaders Program para sa iba’t ibang proyekto nito para sa mga kabataan ng bayan ng Hagonoy, Bulacan. Nagampanan ko ang maging isa sa mga facilitators sa taunang HYLC o Hagonoy Young Leaders Congress at creative manager sa youth-oriented talk show na Y oh Y: All about You and Youth para sa ika-limang episode nito na nagtalakay sa mga isyung napapaloob sa social media para sa mga kabataang manonood. Nakiisa rin para naman sa TakBOTAyo Fun Run 2012 bilang host at dumalaw sa Sitio Buga Elementary School para sa Pamaskong Handog na hatid sa mga munting anghel.
11. Ako ay indie filmmaker. Hello, World! Kasabay ng pagbating ito ang aking pag-hello sa mundo ng indie cinema nang ako ay maging Script Supervisor sa full-length film ni Joel Ferrer nang siya ay mabigyan ng grant mula sa Quezon City Film Development Commission para sa kanyang debut film na Hello, World. Mahalaga ito sa akin dahil bukod sa reunion ito ng mga wazak na filmmakers ng Batch 4 ng Asia Pacific Film Institute, nakilala ko pa ang iba pang mga bagong kabigan sa aking piniling propesyon lalo na si Maria Francesca Lee. 😉
12. Ako ay techie. hehe. Sa buong taon ng 2012 ay nakumpleto ko na ang top 5 gadgets na bunga ng dugo’t pawis na pagpupuyat sa mga tapings at shootings: Macbook Pro laptop, iPad 3, iPhone 5, iPod Shuffle, at Canon 60d. Panahon na siguro para bahay, lupa, at kotse naman ang targetin natin! (I wish, haha)
Iyan ang sandosenang paglalakbay sa buong taon na nakalipas. At sa darating na 2013, nawa ay makabuo ako ng treseng blessings. Happy New Year!






















